25/07/2026
ANG MASARAP NA UBE HALAYA.
Ang pagluluto ng halaya ay isa sa mga tradisyong ipinapasa sa bawat henerasyon sa Malibay, at pinaniniwalaang nag-ugat pa noong panahon ng mga Kastila. Sinasabing nagmula ang salitang ‘halaya’ sa salitang Kastilang “jalea.” Sa Pilipinas, ang pangunahing sangkap nito ay ang ube o purple yam, na likas ang kulay na ube. Nagkaroon ako ng pagkakataong manirahan sa Caribbean at karatig isla na Sinakop ng Espanyol , kung saan personal kong nakita na iba ang uri, hugis, at kulay ng kanilang yam—karaniwang mapusyaw na dilaw o puti—kumpara sa ating ube sa Pilipinas. Bagama’t magkaiba sa anyo, may pagkakahawig naman sa lasa. Dahil dito, kapag nagpapaluto ako ng halaya sa aking kaibigang na taal na taga Cavite, nagdaragdag kami ng kaunting food coloring upang makamit ang kulay ube, ngunit nananatili ang tunay na lasa ng tradisyunal na halaya. Ang halaya ay hindi lamang bahagi ng tradisyon sa Malibay; maging sa Parañaque at Cavite ay makikita ang pagkakahalintulad sa lasa at paraan ng pagluluto. Posibleng naipakilala ang tradisyong ito ng mga paring Agustino noong panahon ng kanilang pamamahala. Sa paglipas ng panahon, unti-unting nagbago at umunlad ang timpla at lasa nito—mula sa panahon ng Kastila, hanggang sa pagdating ng mga Amerikano, at maging sa kasalukuyan. Sa mga karatig-lalawigan tulad ng Laguna, Rizal, Batangas, at Benguet, may kanya-kanyang pamamaraan at tradisyon sa paggawa nito. Ang aking mga magulang ay namana ang paggawa ng ube halaya mula pa sa kanilang mga magulang at ninuno sa Malibay. Ang paggawa ng ube halaya ay may kaakibat na lihim at masusing proseso; hindi ito madali at nangangailangan ng tamang timpla, tiyaga, at karanasan upang makamit ang natatangi at tunay na lasa nito. Story and Research: E. Granada