26/08/2026
📣‼️OPISYAL NA PAHAYAG - Para sa Lahat: Serbisyo, Pananagutan, at Pagiging Mapanuri
Bilang buong SK Council ng Barangay 185, lagi naming pinanghahawakan na ang pondong ginagamit namin ay mula sa buwis ng mamamayan. Simple lang ang prinsipyo namin: kung ano ang mula sa inyong buwis, iyon din ang nais naming maibalik sa inyo—sa pamamagitan ng mga proyektong libre, maayos, at tunay na makatutulong.
Hindi namin ito ipinapamukha o isinusumbat. Ibinabalik namin ito dahil iniisip namin ang inyong kapakanan kaya nga rin po iyan naipost sa social media para malaman ng lahat o TRANSPARENCY na may proyekto at aktibidad ang mga SK Barangay 185. Sinisikap din naming maging updated sa lahat ng mandatory documents at requirements para sa COA compliance, at maging maagap sa mga proseso ng budget approval upang mas mabilis naming maibigay ang mga serbisyong nararapat para sa inyo.
Mahalaga sa amin ang integridad ng SK Barangay 185, dahil dala namin hindi lamang ang pangalan ng aming Council kundi ang tiwala ng mga taong aming kinakatawan.
Tungkol sa relief goods, kahit limitado ang budget ng SK, gumagawa po kami ng paraan at effort kaya nagsagawa kami ng house-to-house distribution at inuna ang mga lubos na naapektuhan ng baha, lalo na sa Lower Almazor at Pader. Sa sumunod na pamamahagi, nagbigay rin kami sa iba pang pamilya upang walang mapag-iwanan kahit hindi po nabahaan. Dahil kahit papaano, tulong parin po iyon. Iniisip po namin ang bawat isa sa inyo lalo na sa kalusugan at kaligtasan.
Hindi kami pumapabor sa korapsyon, maling impormasyon, o anumang gawaing makasisira sa tiwala ng publiko. Ngunit bukas kami sa lehitimong concerns at maayos na pag-uusap.
At ang paalalang ito ay hindi lamang para sa mamamayan. Para rin ito sa mga opisina, tanggapan, at sa ating mga kapwa namumuno at naglilingkod sa gobyerno—kasama kami. Sa ganitong mga isyu, dapat marunong tayong mag-verify, tingnan ang buong konteksto, at umiwas sa agarang bias o one-sided na konklusyon.
Maaaring gamitin ang social media upang mag-alerto, ngunit mas mabuting alamin muna ang katotohanan at aksyunan ang problema sa tamang paraan. Kung may concern, itanong. Kung may pagkukulang, itama. Kung may problema, ayusin.
May mga bata at kabataan ding nakakabasa ng ating mga post at comments. Kaya maging responsable tayo sa ating mga ginagamit na salita at impormasyong ibinabahagi.
Muli, paaalala ito para sa lahat—piliin ang katotohanan, tamang proseso, at solusyong tunay na makabubuti sa komunidad. Maraming salamat po!🫶🏼🫶🏼🫶🏼