01/04/2026
Alinsunod sa DILG MC No. 2026-023, “Adoption of Energy Conservation Protocols”, EO No. 110, “Declaring a State of National Energy Emergency and Authorizing UPLIFT” at MC No. 114, “Directing All Government Agencies and Instrumentalities to Strictly Adopt Energy Conservation Protocols”, upang matiyak ang wastong paggamit ng pondo at mapanatili ang kahusayan sa pagbibigay ng serbisyo publiko, ang mga sumusunod na hakbang ay mahigpit na ipatutupad:
1. Pagdalo sa mga Opisyal na Paglalakbay
Ang pagdalo sa mga opisyal na biyahe, seminar, at pagpupulong ay lilimitahan lamang sa mga kinakailangang kawani. Iwasan ang hindi mahalagang paglalakbay upang makatipid sa gastusin.
2. Pagsasagawa ng mga Gawain sa Pamamagitan ng Online na Pamamaraan
Hinihikayat ang lahat ng tanggapan na gamitin ang mga online platform sa pagsasagawa ng pulong, koordinasyon, at iba pang opisyal na gawain upang mabawasan ang gastusin.
3. Paglilimita sa Paggamit ng mga Pampublikong Pasilidad
Mahigpit na nililimitahan ang paggamit ng mga pampublikong lugar tulad ng liwasang bayan at mga pasilidad ng barangay.
• Ipinagbabawal ang paggamit nito mula 6:00 ng gabi hanggang 8:00 ng umaga.
• Mahigpit ding ipinagbabawal ang paggamit ng liwasan sa mga gawaing tulad ng sayawan, reunion, alumni gatherings, at iba pang kahalintulad na aktibidad.
4. Simpleng Pagdaraos ng Barangay Piyesta
Ang mga barangay ay mahigpit na pinapaalalahanan na magsagawa ng payak at matipid na selebrasyon ng piyesta.
• Ang pagdiriwang ay dapat ituon lamang sa misa at prusisyon/parada.
• Iwasan ang labis na paggastos at ituon ang pondo sa mga prayoridad na programa at serbisyo ng pamahalaan.
5. Pansamantalang Pagsuspinde ng Sports League
Ang lahat ng sports league ay pansamantalang itinitigil hanggang sa susunod na abiso upang mabigyang-daan ang pagtitipid at mas maayos na paglalaan ng pondo sa mahahalagang pangangailangan.
Ang mahigpit na pagsunod ng lahat ay inaasahan para sa kapakanan at kapakinabangan ng buong komunidad.