Benco Village Phase 2 Community Association

Benco Village Phase 2 Community Association Official page of Benco Village Phase 2 Community Association.

This page provides updates, announcements, and information about projects, activities, and community matters within the village.

17/05/2026

Magandang gabi mga ka-Benco!

Ngayong araw ay matagumpay na naisagawa ang ating “Meet and Grill” dito sa Benco Village Phase 2 Community Association. Isang simpleng pagtitipon ngunit malaking hakbang upang mas lalo nating makilala ang isa’t isa at mapag-usapan ang mga mahahalagang concerns at mga plano para sa ikauunlad ng ating komunidad.

Bawat isa ay nagbahagi ng kani-kanilang pagkain na masayang pinagsaluhan ng lahat. Bagama’t hindi man ganoon karami ang nakadalo dahil sa kani-kanilang trabaho at responsibilidad, malinaw pa rin na marami ang handang makiisa at suportahan ang ating samahan.

Sa pagpupulong na ito, napag-usapan ang ilang mahahalagang usapin tulad ng:
• seguridad at mga insidente ng nakawan
• tamang pagtatapon ng basura
• mga usapin tungkol sa HOA
• mga future projects ng village
• at ang ating suplay ng tubig

Napagkasunduan din ng mga dumalo na manatili muna sa kanilang tungkulin ang ating mga temporary officers sa loob ng susunod na tatlong buwan upang maipagpatuloy ang mga nasimulang programa at proyekto.

Muli, maraming salamat sa inyong pakikiisa at suporta. Nawa’y magpatuloy ang mga ganitong gawain upang lalo tayong magkaisa at mas mapaunlad pa ang ating komunidad.

Maraming salamat at mabuhay ang mga ka-Benco!

Magandang gabi, Ka-Benco.Ngayong hapon, bandang 3:00 PM, ay may insidenteng nangyari sa ating village. May isang lalakin...
12/05/2026

Magandang gabi, Ka-Benco.

Ngayong hapon, bandang 3:00 PM, ay may insidenteng nangyari sa ating village. May isang lalaking paikot-ikot sa buong Phase 2 at muntik pang di umano magnakaw sa tindahan ni Ma’am Ebeth.

Ayon sa kwento ni Ma’am Ebeth, ikinuwento ni Nanay Elsa ang nakakatakot na pangyayari sa kanilang bahay.

Ayon sa kanya, “Nagpatay muna si Nanay Elsa ng gripo sa labas, pagkatapos ay pumasok siya sa kusina upang patayin naman ang main bulb ng aming water tank. Ngunit paglabas niya, nakita niya na kukunin na sana ng lalaki ang bag ko na nakalagay malapit sa TV sa salas.”

Dahil dito, napasigaw siya nang malakas ng “May magnanakaw!” Nabigla rin ang lalaki kaya agad itong tumakbo palabas ng bahay.

Aniya, “Maraming salamat sa Panginoon at walang nakuha ang di umanong magnanakaw, at higit sa lahat, hindi nasaktan si Nanay Elsa sa nangyaring insidente.”

Makikita rin sa mga larawan at CCTV videos ng buong village ang lalaking ito na kahina-hinalang nagmamasid sa buong Phase 2 bago nangyari ang insidente.

Pinapaalalahanan po ang lahat na maging mapagmasid at laging mag-ingat. Sa panahon ngayon, wala nang pinipiling araw o oras ang mga magnanakaw.

Maraming salamat po.

Update, mga Ka-Benco!Ngayong araw, natapos na ang paggawa ng poste para sa main solar lamp sa playground, pati na rin an...
27/04/2026

Update, mga Ka-Benco!

Ngayong araw, natapos na ang paggawa ng poste para sa main solar lamp sa playground, pati na rin ang isang malaking ihawan at mahabang bakal na upuan na gagamitin para sa nalalapit na nomination ng ating Community Association ngayong May 17, 2026.

Lubos po ang aming pasasalamat sa mga nag-donate ng materyales: Ma’am Yin Villanueva, Ma’am Ebeth Ayaay, Ma’am Marie Domingo, at Sir Santi Santiago.

Para po sa kaalaman ng lahat, ito lamang po ang nagastos mula sa ating budget:

Labor (kasama na ang pagkakabit ng solar light sa playground) – 800
Welding rod – 30
Cutting disk – 50
Food – 120

Kabuuang nagastos: 1,000

Muli, maraming salamat po sa inyong suporta! May magagamit na po tayo para sa nasabing event.

Bukod pa po rito, maaari rin pong hiramin ng ating mga Ka-Benco ang ginawang bakal na upuan at ihawan para sa mga susunod na okasyon o pagsasalo kasama ang pamilya.

Ang mga ito ay ilalagay sa garahe ng bahay ni Ma’am Ebeth kung saan maaari ninyo itong hiramin kung kinakailangan.

Maraming salamat po sa inyong lahat!

Magandang araw po sa ating lahat!Ipinapaalam po namin na sa darating na May 17, 2026 (Linggo), simula 4:00 PM, ay magkak...
20/04/2026

Magandang araw po sa ating lahat!

Ipinapaalam po namin na sa darating na May 17, 2026 (Linggo), simula 4:00 PM, ay magkakaroon ng nominasyon para sa bagong set ng officers ng ating samahan, kasunod ng pagtatapos ng pamumuno ng ating temporary officers ngayong buwan ng Abril.

Inaanyayahan po ang lahat ng residente na makiisa at dumalo sa nasabing aktibidad. Ang botohan naman ay isasagawa online sa pamamagitan ng Facebook Messenger poll upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat na makaboto, saan man sila naroroon.

Kasabay ng event na ito, nais din po nating magkaroon ng pagkakataon na magkakilala at magkaisa bilang isang komunidad. Kaya naman hinihikayat ang bawat isa na magdala ng pagkain na maaaring i-share o mga pagkaing pwedeng ihawin para sa isang simpleng salo-salo pagkatapos ng nominasyon.

Maaari rin po kayong magdala ng sariling upuan at mesa para sa mas komportableng pagsasalo-salo.

Umaasa po kami sa inyong pakikiisa at aktibong pakikilahok para sa ikabubuti ng ating komunidad.

Maraming salamat po! 💛

19/04/2026

📢 Benco Village Phase 2 Community Updates 📢

Magandang araw po sa ating lahat!

Ikinagagalak naming ibahagi ang mga bagong progreso sa ating komunidad. Sa tulong at suporta ng bawat isa, matagumpay po nating naipagawa ang mga sumusunod:

✨ Nakapagpakabit ng panibagong 5 solar lights
✨ Naipalinís at naipatag ang bakanteng lote
✨ Nailagay na ang mga playground equipment para sa ating mga kabataan

Lubos po ang aming pasasalamat sa walang sawang suporta ng ating butihing Mayor, Mayor Ate “GIGI” Portes, pati na rin kina Mr. Antonio Portes Jr. at Mr. Rizaldo Ricafort na naging malaking bahagi ng mga proyektong ito.

Patuloy po kaming humihingi ng inyong suporta at pakikiisa sa mga susunod pa nating proyekto. Marami pa po tayong nakalatag na plano upang lalo pang mapaganda ang ating sports complex, playground, at function hall at marami pang iba.

Sama-sama po nating itaguyod ang mas maayos, ligtas, at maunlad na Benco Village Phase 2 💙

Maraming salamat po sa inyong lahat!

14/03/2026

📹✨ UPDATE SA PROYEKTO NG ATING KOMUNIDAD

Magandang araw mga ka-BENCO!

Sa tulong ng bayanihan at mga donasyon ng ating mga miyembro nitong buwan ng Pebrero, matagumpay na naikabit ang apat (4) na CCTV cameras sa BENCO Village Phase 2. Maraming salamat po sa lahat ng nag-ambag at sumuporta sa proyektong ito.

Ang pangunahing layunin ng paglalagay ng CCTV ay upang mapalakas ang seguridad sa ating lugar. Sa pamamagitan nito, magkakaroon tayo ng mga video record na maaaring magamit bilang ebidensya sakaling magkaroon ng insidente tulad ng nakawan o iba pang hindi kanais-nais na pangyayari sa hinaharap.

Ang proyektong ito ay pinangunahan ng ating mga officers kasama ang tulong ni Mang Arthur, na siyang tumulong sa pag-install ng mga CCTV.

Nawa’y magpatuloy ang pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat isa upang maisakatuparan pa ang mga susunod nating proyekto. Marami pa tayong pwedeng gawin upang mas maging ligtas, maayos, at maunlad ang ating village 🏡

Maraming salamat po sa inyong patuloy na suporta, mga ka-BENCO!

10/03/2026

Nagbahagi ng kanilang mga tanim sina Ebeth at Annie sa ating komunidad dito sa Benco Village Phase 2. 🌱🌿

Sa simpleng pagtatanim, napapakinabangan ang mga bakanteng lote at nagiging mas maayos, luntian, at kapaki-pakinabang ang ating kapaligiran. Isa rin itong magandang paraan upang magkaroon ng sariling tanim na gulay at halaman sa ating komunidad.

Inaanyayahan nila ang ating mga ka-village na makiisa at subukan ding magtanim kung may pagkakataon. Sa sama-samang pagtutulungan, mas mapapaganda pa natin ang ating komunidad. 🌱🏡

06/03/2026

Ngayong araw, nag-install ng mga Solar lights sa ilang bahagi ng Benco Village Phase 2, lalo na sa mga lugar na madilim kapag gabi. 💡

Bahagi ito ng ating pagsisikap na mapabuti ang seguridad at kaligtasan ng ating komunidad sa pamamagitan ng mas maliwanag na kalsada at upang makatulong na maiwasan ang mga hindi kanais-nais na gawain.

Maraming salamat sa lahat ng tumulong at sumuporta upang maisakatuparan ang proyektong ito. Patuloy po tayong magtulungan upang mapanatiling ligtas at maayos ang Benco Village Phase 2 para sa lahat. 🏡

Ito ang sitwasyon ng ilang kalsada sa Benco Village Phase 2 bago ang pag-install ng mga Solar lights ngayong araw, March...
06/03/2026

Ito ang sitwasyon ng ilang kalsada sa Benco Village Phase 2 bago ang pag-install ng mga Solar lights ngayong araw, March 6, 2026 (Friday).

Makikita sa mga litrato na may mga bahagi ng kalsada na madilim tuwing gabi, kaya isinagawa ang paglalagay ng Solar Lights upang makatulong sa mas maliwanag at mas ligtas na kapaligiran para sa lahat ng residente. 🎥🏡

Address

Barangay Mapagong
Pagbilao
4302

Website

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when Benco Village Phase 2 Community Association posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Share