18/05/2025
PITCH FOR CIELO MAGNO: SENATOR 2028
(u-update ko ito at iuulit kong i-share buwan-buwan hanggang maging Senador si Cielo Magno.)
Sa panahon ng fake news at fake credentials, tapang, talino, at integridad lang ang laban. Bonus na lang ang ganda, glowing skin pa kaya ang tawag sa kanya, ‘the smiling assassin.’
Hindi kailangang sumigaw para mapakinggan. Hindi kailangang magpa-picture sa relief goods para mapansin. At lalong hindi kailangang sumikat sa YouTube para umani ng tiwala. Sa isang bansa na matagal nang ginugutom ng mahinang pamumuno, ang kailangan natin ay lider na may laman ang utak, busilak ang puso, at matatag ang prinsipyo. Gaya ni Cielo Magno.
Valedictorian mula kinder hanggang high school. Graduate ng UP School of Economics. Dating University Student Council Chairperson. Fulbright scholar. May PhD in Law and Public Policy mula Northeastern University. Ang kanyang disertasyon? Hindi tungkol sa sarili, kundi sa kung paano gagawing abot-kaya ang gamot para sa mahihirap na Pilipino.
Hindi siya politiko pero ang mga ginawa niya ay higit pa sa tungkulin ng maraming halal. Bilang ekonomista at dating Undersecretary sa Department of Finance, binantayan niya ang kaban ng bayan. At nang makita niyang nililihis ang prinsipyo ng tamang pamamahala, siya ay umalma. Walang takot. Walang drama. Buo ang loob.
Noong 2024, siya at ang grupo ng mga ekonomista ay nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema laban sa iligal na paglipat ng P89 bilyong pondo ng PhilHealth papunta sa Maharlika fund. Pondo ito ng taong bayan, ng mga empleyadong nagbabayad buwan-buwan para sa kalusugan nila. Sa halip na matahimik, piniling manindigan ni Cielo.
At hindi lang iyon. Isa rin siya sa pinakamatingkad na boses na pumuna sa pambobola ng 2025 national budget, ang pinakakontrobersyal sa kasaysayan. Habang marami ang tahimik, si Cielo ang nagsabing hindi makatarungan ang daang bilyong lump sum na walang malinaw na detalye. Aniya, “Budget ito ng kawalan ng direksyon.” Ibinunyag niya kung paanong pinupuno ng confidential funds ang kaban habang nilalaglag ang pondo para sa kalusugan, edukasyon, at pagkain. Hindi lang siya nag-analyze, nagmulat siya ng mata.
Bukod pa rito, matagal na niyang ipinaglalaban ang pagwakas ng political dynasties sa bansa. Isa siya sa mga petitioner sa isang petition for mandamus na inihain sa Korte Suprema, na humihiling na ipatupad na ang matagal nang nakasaad sa Saligang Batas: ang pagbabawal sa political dynasties. Alam niyang walang tunay na pagbabago kung ang iisang pamilya lang ang paulit-ulit na nakikinabang sa kapangyarihan. Kaya’t mula sa klase hanggang sa kalsada, at ngayon sa korte, dalang-dala niya ang boses ng pagbabago.
At hindi lang ito mga petisyon. Matagal na rin niyang itinutulak ang OpenInfra advocacy, ang pagbubuo ng pambansang masterplan sa imprastruktura para hindi ad hoc, hindi bara-bara, at hindi nakadepende sa kapritso ng pulitiko kung saan ilalagay ang tulay o flood control. Para siguradong ang proyekto ay batay sa pangangailangan ng bayan, hindi sa hiling ng kongresista.
Kasabay nito, siya rin ang isa sa mga nangunguna sa panawagang Open Bicam, ang pagbubukas ng proseso ng bicameral conference committee na madalas pinagmumulan ng bilyon-bilyong insertions. Ayon kay Cielo, walang saysay ang transparency kung sa huling hakbang ng budget process, biglang nagkakaroon ng dagdag na pondo na walang malinaw na paliwanag. Ang laban niya ay i-livestream at i-document ang lahat ng bicam deliberations, para makita ng taumbayan kung saan napupunta ang buwis nila.
Pinangunahan din ni Cielo ang laban upang pigilan ang kontrobersyal na paglipat ng ₱89.9 bilyong pondo ng PhilHealth patungo sa pambansang badyet sa pamamagitan ng pagsampa ng petisyon sa Korte Suprema. Ginamit niya ang Universal Health Care Act upang igiit na ang anumang sobrang pondo ng ahensya ay dapat lamang gamitin para pababain ang kontribusyon o palawakin ang benepisyo ng mga miyembro. Nagbunga ang kanilang pakikipaglaban nang ideklara ng Korte Suprema na labag sa saligang batas ang nasabing paglipat ng pondo at tuluyang ipag-utos ang pagbabalik nito.
Dagdag pa, ang kanyang track record bilang edukador at advocate ay malinaw. Professor siya sa UP Diliman School of Economics, at kamakailan ay ginawaran ng The Outstanding Women in the Nation’s Service (TOWNS) Award 2025 para sa larangan ng Financial Accountability and Good Governance. Hindi lang ito parangal, patunay ito na kinikilala ang kanyang integridad at malasakit para sa bayan.
Pero hindi lang talino at prinsipyo ang bitbit niya. Let’s be honest, napapatingin din ang tao kasi ang ganda niya talaga. Clear skin, radiant glow, killer smile. Hindi mo tuloy alam kung anong mas nakakabilib, yung economic analysis niya o yung skincare routine. Kaya nga tinatawag siyang “smiling assassin.” Ang bait ng mukha pero tigang ang mga kurap kapag tinira niya ang budget misuse at institutional incompetence. Laging nakangiti pero palaban. Laging magalang pero matalim ang punto. Ganyan si Cielo.
At kung may ina-assassinate siya, hindi lang ang mga magnanakaw sa gobyerno kundi ang sistema. Sa isang bansang pinagod ng pangungurakot, may isang babaeng mahinahon ang tinig pero matalim ang tanong: "Iyan ba’y para sa bayan o para sa bulsa?"
Hindi siya galing sa pamilya ng pulitiko. Wala siyang asenderong apelyido. Pero dala niya ang paninindigan ng bayan. Ang mga pangarap ng ordinaryong Pilipino. At ang klase ng lideratong dapat nang ipalit sa mga trapo. Tunay. Totoo. May alam.
Sa 2028, kung tapang, talino, at integridad ang hahanap-hanapin mo sa balota, wag ka nang lumayo. Patakbuhin natin ang isang Cielo Magno.
Cielo Magno. Sapul ang magnanakaw, check ang public policy, at flawless pa ang skin.
Vote wisely. Vote wisely glowing.