02/07/2026
Akala natin noon, kapag naka-survive na tayo, tapos na ang lahat. Sa wakas, mae-enjoy na natin ang buong pribilehiyo ng pagiging SRB.
Pero teka... doon pa lang pala talaga nagsisimula ang totoong adventure sa paglalakbay bilang SRB.
Bigla mong mararanasan ang puyat, hindi dahil sa kakalaro ng ML o panonood sa Netflix, kundi dahil isa ka sa mga naghahanda, nagluluto, at nag-aasikaso para sa food giving program ng chapter o ng SRB kinabukasan.
May mga pagkakataon ding sakto lang ang laman ng wallet mo, pero kapag may outreach, gift giving, o service project, kusa kang maglalabas ng ambag mo. Minsan nga napapaisip ka, "Saan kaya nanggaling 'tong perang ipinang-pledge ko?" Pero kapag nakita mo ang mga ngiti ng mga batang nabigyan at mga matatandang natulungan, masasabi mong sulit ang bawat piso. Sulit ang bawat puyat at pagod.
At parang may libreng career orientation pa ang SRB e. Ngayon hardinero ka, bukas pintor, sa susunod karpintero, electrician, taga-buhat, taga-luto, taga-linis, at kung minsan... instant all-around handyman. Basta may kailangang gawin para sa serbisyo lahat gagawin, mapaganda lang!
Doon natin unti-unting nauunawaan ang tunay na kahulugan ng pribilehiyo.
Hindi pala ito tungkol sa mga benepisyong matatanggap natin. Ang tunay na pribilehiyo ay ang magkaroon ng pagkakataong makapaglingkod. Mas napapadali ang pagtulong kapag napapaligiran ka ng mga taong pare-pareho ang puso—mga taong handang maglaan ng oras, pagod, talento, at kahit sariling bulsa para sa kapwa.
Magkakaiba man tayo ng relihiyon, pananaw sa politika, propesyon, at antas ng pamumuhay, iisa pa rin ang layunin natin—ang maglingkod nang may pagkakaisa, malasakit, at walang hinihintay na kapalit.
Habang tumatagal, mas lalo nating nauunawaan kung bakit mahal na mahal natin ang kapatirang ito.
Ang SRB ay hindi lamang kapatirang sinalihan natin. Ito ang kapatirang pinaghirapan nating marating, ipinagmalaki nating maging bahagi, at mamahalin natin habang-buhay.
Mahigpit na kanang kamay at Scouts na pagsaludo sa lahat ng kabalyero ⚜️