21/06/2026
SINDAK sa SIKAD: Unang Linggo ng Panunupil
Sielesyuans, tutulan ang institusyonalisado at sistemikong panunupil sa mga kabataan! Fight Back, CLSU!
𝐈𝐒𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐃𝐈𝐒𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐃𝐑𝐎𝐍 𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐒𝐈𝐒𝐓𝐀𝐍𝐆 𝐀𝐓𝐀𝐊𝐄
Kami, ang nagkakaisang mga mag-aaral ng Central Luzon State University (CLSU), ay kinukundena ang walang-humpay na panre-red-tag, paniniktik, pananakot, at panlilinlang ng mga ahente ng estado laban sa aming kapwa-Sielesyuans at sa buong hanay ng nakikibakang kabataan sa probinsya!
Nagkakaisa kaming ang mga pasistang atakeng ito, bagaman tila hiwa-hiwalay, ay bahagi ng isang disenyo ng institusyonalisado at sistemikong pagdidiskaril sa pagkamit ng mga kabataan at buong sambayanan ng aming mga demokratiko at patriyotikong mithiin para sa tunay na libreng edukasyon at isang lipunang tunay na malaya.
Unang linggo pa lamang ng pasukan sa Central Luzon State University (CLSU), humarap kaagad ang mga mag-aaral sa sunod-sunod na pasistang atake kasabay ng lumulubhang kalagayan sa edukasyon at buong sambayanan.
𝐇𝐔𝐍𝐘𝐎 𝟗: 𝐑𝐄𝐃-𝐓𝐀𝐆𝐆𝐈𝐍𝐆 𝐒𝐀 𝐌𝐀𝐈𝐍 𝐆𝐀𝐓𝐄
Ika-9 ng Hunyo, ikalawang araw ng pasukan, nang mamataan ang mga red-tagging materials sa Main Gate. Tanggalin man ang mga ito sa parehong gabi, muli naman silang lumitaw kinabukasan ng umaga hanggangg sa ika-15 ng Hunyo, Lunes, na nakapakat ang kanilang mga polyeto sa mga puno ng CLSU Oval.
𝐇𝐔𝐍𝐘𝐎 𝟏𝟏: 𝐏𝐀𝐆𝐏𝐈𝐆𝐈𝐋 𝐒𝐀 𝐀𝐃𝐕𝐎𝐂𝐀𝐂𝐘 𝐖𝐀𝐋𝐋
Hunyo 11, nang patigilin ng University Security Force (USF) ang mga volunteer ng University Supreme Student Council (USSC) at Artista at Kabataan para sa Lupa at Soberanya (AKLAS) Nueva Ecija sa pagtatapos ng mural painting sa koordinadong aktibidad na Advocacy Wall.
Ang mural painting ay likhang-sining na nananawagan para sa pagkamit ng karapatan sa lupa, sahod, edukasyon, serbisyong panlipunan, at katarungang panlipunan.
𝐇𝐔𝐍𝐘𝐎 𝟏𝟐: 𝐏𝐀𝐍𝐈𝐍𝐈𝐊𝐓𝐈𝐊 𝐒𝐀 𝐀𝐑𝐀𝐖 𝐍𝐆 𝐊𝐀𝐋𝐀𝐘𝐀𝐀𝐍
Hunyo 12, Araw ng Kalayaan, nang ipagtanong ng dalawang di-kilalang nakasibilyang lalaki sa mga empleyado ng CLSU ang kinaroroonan nina Rashela Ballesteros (USSC Chairperson at incoming Student Regent), Cairo Sandoval (Independent Campus Journalists Union for Press Freedom o ICJUPF at manunulat ng CLSU Collegian), Loi Matias (Unity of Leaders and Students for the Advancement of Democratic Students Rights and Welfare o USAd-DSRW), at Eyu Bartolome (Anakbayan Nueva Ecija) sa kanilang lugar na tinitirahan.
𝐇𝐔𝐍𝐘𝐎 𝟏𝟑: 𝐑𝐄𝐃-𝐓𝐀𝐆𝐆𝐈𝐍𝐆 𝐒𝐀 𝐍𝐒𝐓𝐏 𝐎𝐑𝐈𝐄𝐍𝐓𝐀𝐓𝐈𝐎𝐍
Sabado, Hunyo 13, ginanap ang taunang NSTP Orientation na karaniwang ginagamit ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang i-red-tag ang mga progresibo at lehitimong organisasyong masang pangkabataan. Sa naging oryentasyon, ipinakilala ang isang diumano'y dating kasapi ng New People's Army (NPA) at inakusahan ang mga progresibong organisasyon na nagrerekrut ng mga kabataan sa armadong grupo. Pawang mga walang batayang kasinungalingan ang ipinahayag ni “Jessica” sa kanyang walang-saysay na talumpati.
Ang pangalawang sesyon naman ng oryentasyon ay naknakan ng panunuhol ng AFP—sa kanilang tangkang gawing bayaran ang mga mag-aaral—at pambabastos sa mga babaeng sundalo nang sila'y i-display at gawing palamuti upang manghikayat sa mga lalaking first year na mag-ROTC.
𝐀𝐍𝐆 𝐊𝐑𝐈𝐒𝐈𝐒 𝐍𝐀 𝐏𝐈𝐍𝐀𝐆𝐌𝐔𝐌𝐔𝐋𝐀𝐍 𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐍𝐔𝐍𝐔𝐏𝐈𝐋
Kinukumbulsyon na ang kalagayang pang-ekonomiya at pampulitika sa bansa. Sumisidhi ang kawalan ng lupa ng mga magsasaka, napakababa ng halaga ng sahod ng mga manggagawa, hindi natatamasa ng mamamayan ang mga serbisyong dapat ay mula sa gobyerno, at danas na danas ng mga kabataan ang pagyurak sa karapatan sa edukasyon.
Danas na danas ang kakulangan ng serbisyong panlipunan at ang pagyurak sa karapatan sa edukasyon dulot ng pinatinding pribatisasyon at komersyalisasyon ng mga pampublikong pamantasan gaya ng CLSU. Bagaman malaki na ang itinagumpay sa pagkamit ng libreng matrikula, hindi pa rin tunay na libre ang edukasyon. Napakalaki pa rin ng gastusin ng mga mag-aaral, lalong-lalo na at ginagawa pang negosyo ng pamantasan ang mga batayang serbisyo tulad ng pagkain, dormitoryo, transportasyon, at iba pa, kasabay ng napakalaking taunang kaltas sa badyet ng edukasyon.
Ayon sa National Expenditure Program (NEP) 2026, kinaltasan ng Php 41.7 milyon ang badyet ng CLSU ngayong taon. Gayundin, supil na supil ang mga kabataan sa kanilang karapatan sa organisasyon, pamamahayag, ekspresyon, at iba pang mga batayang karapatang protektado ng Saligang Batas. Ang mismong Student Handbook ay may mga probisyong naglilimita sa karapatan sa pag-oorganisa, pamamahayag at mapayapang asembliya.
𝐇𝐈𝐍𝐃𝐈 𝐓𝐀𝐘𝐎 𝐌𝐀𝐆𝐏𝐀𝐏𝐀𝐒𝐔𝐏𝐈𝐋
Hindi nagpapasupil ang mga kabataan. Sa pamamagitan ng pagiging mga lider-estudyante, aktibista, at mamamahayag, binibitbit ng mga mag-aaral ang batayang interes ng mamamayan at kapwa-estudyante patungo sa mas malawak na entablado upang lumikha ng mga makabuluhang pagbabago sa pamamagitan ng sama-sama at organisadong pagkilos.
Habang tayo ay naggigiit ng mga pagbabago sa mga polisiya at patakaran sa loob at labas ng kampus, ituring din nating larangan ng ating pakikibaka kontra-pasismo ang lansangan.
Biguin ang pasistang atake ng estado!
Fight Back, CLSU!
SUMAMA SA WALKOUT!
22.06.2026
--
Mga lumagda:
Student Councils and Governments:
University Supreme Student Council
College of Arts and Social Sciences Student Government
CBA - Corporate Student Government
College of Education Student Council
College of Engineering Student Government
College of Fisheries Student Government
Kabahay Student Government
College of Science Student Council - CLSU, Inc.
DCSC - Development Communication Student Council
PSC - Psychology Student Council
Information Technology Student Council
BSIT 3-5
Publications:
The Cache
The CBA Link
The Educator
The LENS
The Mechanics
The Newspeak
The Plowman
The Talons
Academic and Non-academic Organizations:
Anakbayan CLSU
Artista at Kabataan para sa Lupa at Soberanya (AKLAS) Nueva Ecija
Independent Campus Journalists' Union for Press Freedom (ICJUPF)
USAd-DSRW - Unity of Leaders and Students for the Advancement of Democratic Students' Rights and Welfare
CLSU Students for National Democracy (CLSU SND)
Department of Civil Engineering Student Council (DOCE-SC)
CLSU - Association of Civil Engineering Students (CLSU-ACES)
Philippine Institute of Civil Engineers CLSU - Student Chapter (PICE CLSU-SC)