01/06/2026
Bago Naging Parada, Naging Protesta Muna
Tuwing sumasapit ang buwan ng Hunyo, madalas nating nakikita ang mga bahagharing watawat, makukulay na parada, at mga mensahe ng pagmamahal at pagtanggap. Ngunit mahalagang isaalang-alang na ito ay isinilang bilang protesta.
Noong Hunyo 28, 1969, sa harap ng Stonewall Inn sa New York City, sumiklab ang galit ng isang komunidad na matagal nang pinatahimik. Sa loob ng maraming taon, paulit-ulit na sinalakay ng kapulisan ang mga lugar na tanging ligtas na espasyo para sa mga taong nabibilang sa LGBTQIA at iba pang sekswal na minorya. Sila ay inaresto, pinahiya, tinanggalan ng trabaho, at itinuring na mga mamamayang walang karapatan.
Ngunit sa gabing iyon, tumanggi silang umatras at matakot.
Sa unang pagkakataon, hindi nila tinanggap ang pang-aabuso bilang normal. Hindi sila nagkubli sa takot. Hindi sila nanahimik. Lumaban sila. Ang mga sigaw sa lansangan ng Stonewall ay hindi lamang laban nang sila ay lusubin ng kapulisan. Ito ay laban sa isang sistemang nagtatakda kung sino lamang ang karapat-dapat na respetuhin, pakinggan, at ituring na tao.
Mula sa abo ng Stonewall ay isinilang ang isang pandaigdigang kilusan. Isang kilusang nagsasabing walang sinuman ang dapat ikahiya kung sino siya. Isang kilusang humihingi hindi ng espesyal na pagtrato, kundi ng pantay na karapatan, pantay na oportunidad, at pantay na dignidad.
Hanggang ngayon, nananatiling protesta ang Pride.
Protesta ito laban sa diskriminasyon sa paaralan, trabaho, simbahan, at komunidad. Protesta ito laban sa karahasang nararanasan ng mga transgender. Protesta ito laban sa mga batas at sistemang patuloy na nagkakait ng pagkilala at proteksyon sa LGBTQIA+ community. Protesta ito laban sa kulturang nagtuturo na may mga taong dapat ikubli ang kanilang pagkatao upang matanggap ng lipunan.
Ang Pride ay hindi lamang para sa LGBTQIA+ community. Ito ay panawagan sa bawat isa na manindigan laban sa anumang anyo ng pang-aapi. Sapagkat walang tunay na kalayaan hangga't may mga taong kinakailangang ipaglaban ang kanilang karapatang mabuhay nang walang takot.
Ngayong Pride Month, huwag lamang nating isuot ang mga kulay ng bahaghari. Dalhin natin ang diwa ng paglaban na nagsimula sa Stonewall. Sapagkat ang Pride ay hindi lamang tungkol sa kung sino ang ating minamahal.
Ito ay tungkol sa pagtindig para sa katarungan.
At hangga't may diskriminasyon, may dahilan upang magprotesta.
PASS THE SOGIE BILL NOW!