18/09/2025
Naging sanhi ng pagkasawi ng dalawang residente mula sa Sitio Aluhing Maliit, Brgy. San Lorenzo, ang gumuhong lupa sa kanilang tahanan noong Linggo ng gabi, Setyembre 14, 2025. Ito ay matapos ang malakas na pag-ulan mula ala-sais hanggang alas-nueve ng gabi lamang noon.
Isang matandang babae at ang kaniyang kapatid na lalaki ang mga biktima. Agad na isinugod ang kapatid sa isang ospital sa Lucena City matapos makalunok ng maraming putik, subalit idineklara rin itong dead-on-arrival.
Samantala, ang patuloy na pagbaha sa Mauban ay lalong lumubha dahil sa hindi pa natatapos na by-pass road project ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Dahil sa muling pagguho ng riprap, malaking volume ng putik ang naaanod pababa patungo sa kabayanan, na nagdulot ng maputik na pagbaha.
Sa nakalipas na dalawang linggo matapos ang sunod-sunod na pagpasok ng mga Low Pressure Area sa Philippine Area of Responsibility, nakaranas ang bayan ng Mauban ng malalakas at tuluy-tuloy na pag-ulan.
Sa gitna ng ganitong pangyayari, pinagtitibay ng Mauban Environment and Development (MEND) ang panawagan para sa hustisyang pangklima at pagsingil ng pananagutan sa kinauukulang mga ahensya ng gobyerno.
Paalala itong ang ligtas at matatag na Mauban ay nakasalalay hindi lamang sa pagkilos ng mamamayan para sa kalikasan, kundi lalo na sa pananagutan ng mga institusyong may tungkulin sa bayan.