25/06/2026
OPISYAL NA PAHAYAG NG ANAKBAYAN PNU HINGGIL SA MGA NAGAGANAP NA KARAHASAN SA MGA PAARALAN
Lubos na nakikiisa ang Anakbayan-PNU sa pagdadalamhati ng mga pamilya, kaibigan, at komunidad na naapektuhan ng mga nagdaang insidente ng karahasan sa loob ng mga paaralan, kabilang ang pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City at iba pang kaso ng pananaksak na naganap mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kasabay ng aming pakikiramay sa mga biktima, nananawagan kami ng mas malalim na pag-unawa sa mga pangyayaring ito upang hindi lamang tayo manatili sa pagkondena sa bawat trahedya, kundi matukoy rin ang mga ugat na nagluluwal ng karahasan sa ating lipunan.
Hindi dapat tingnan ang mga pangyayaring ito bilang hiwa-hiwalay na insidente o simpleng resulta ng personal na pagkukulang ng iilang indibiwal. Sa tuwing may nagaganap na karahasan, madalas na nakatuon ang pansin sa kung sino ang gumawa nito. Gayunpaman, mahalaga ring itanong kung anong mga kalagayang panlipunan, pang-ekonomiya, at pangkultura ang humuhubog sa mga kilos at pananaw ng tao.
Walang batang isinisilang na marahas.
Ang tao ay nahuhubog ng kanyang kapaligiran. Ang mga karanasan sa tahanan, paaralan, komunidad, at lipunang kanyang ginagalawan ay may malaking papel sa paghubog ng kanyang pag-uugali. Ang kahirapan, diskriminasyon, bullying, kapabayaan, kawalan ng sapat na suporta para sa kalusugang pangkaisipan, at iba pang anyo ng pang-aapi ay iilan lamang sa mga salik na maaaring makaapekto sa pag-unlad ng isang kabataan. Hindi nito binibigyang-katwiran ang karahasan, ngunit ipinapakita nitong hindi sapat ang mababaw na paliwanag upang maunawaan ang ganitong mga pangyayari.
Matagal nang ipinapakita ng mga pag-aaral sa sikolohiya na natutunan ang mga asal na nakikita sa paligid. Sa Bobo Doll Experiment ni Albert Bandura, ipinapakita kung paanong ang mga bata ay maaaring gumaya sa marahas na kilos na nasasasaksihan. Sa ganitong diwa, hindi mapaghihiwalay ang mga insidente ng karasahan sa mas malawak na kulturang unti-unting nogno-normalisa nito.
Sa nakalipas na mga taon, nasaksihan natin kung paano nagiging bahagi ng pampublikong diskurso ang pagluwalhati sa danas. Mula sa pagbibiro hinggil sa paglabag ng karapatang pantao hanggang sa pagpuri sa mga mararahas na kampanya ng estado, unti-uting nahuhubog ang isang kulturang nagiging manhid sa pagdurusa ng kapwa. Kapag ang dahas ay paulit-ulit na ipinapakita bilang katanggap-tanggap na paraan ng paglutas ng problema, hindi nakakapagtakang magkaroon ito ng impluwensya sa kamalayan ng mamamayan, lalo na ang kabataan.
Dahil dito, tutol ang Anakbayan-PNU sa mga panawagang gawing pangunahing tugon ang higit pang militarisasyon ng mga paaralan. Hindi malulutas ng pagdadala ng mas maraming armadong pwersa sa loob ng mga kampus ang mga ugat ng suliranin. Ang paaralan ay dapat manatiling espasyo ng pagkatuto, kritikal na pag-iisip, at malayang paghubog ng kamalayan, hindi isang lugar na pinaghaharian ng takot at labis na pagbabantay.
Hindi rin makatarungang ipataw sa mga g**o ang buong pananagutan sa pagpipigil sa lahat ng anyo ng karahasan. Sa tuwing may nagaganap na trahedya, madalas nating marinig ang mga panawagang dapat sana ay nakita ito ng g**o, napigilan, o nabantayan. Ngunit ang mga g**o ay hindi tagapagtupad ng batas, sila ay tagapagtaguyod ng edukasyong matagal nang binibigatan ng napakaraming gawaing lampas sa kanilang pangunahing tungkulin.
Sa halip na dagdagan ang kanilang pasanin, marapat na tiyakin ng estado ang sapat na suporta para sa mga paaralan. Kabilang dito ang pagdaragdag ng guidance counselors at mental health professionals, pagpapalakas ng mga programa laban sa bullying at diskriminasyon, pagpapabuti ng kalagayan ng mga g**o at mag-aaral, at paglikha ng mga mekanismong tunay na tumutugon sa kapakanan ng kabataan.
Naniniwala ang Anakbayan-PNU na ang lumalalang karahasan ay hindi maihihiwalay sa mas malawak na krisis sa ating lipunan. Hangga’t nananatiling laganap ang kahirapan, kawalan ng seguridad, at iba’t iba pang anyo ng pang-aapi, patuloy ding malalagay sa panganib ang kaligtasan at kinabukasan ng kabataan.
Kaya naman nananawagan kami para sa isang edukasyong tunay na nagsisilbi sa mamamayan—edukasyong siyentipiko, makabayan, at makamasa. Edukasyong nagtuturo ng kritikal na pag-iisip, paggalang sa karapatang pantao, malasakit sa kapwa, at aktibong pakikilahok sa pagbuo ng isang makatarungan at makataong lipunan.