22/07/2026
ALAN CAYETANO, LUMIPAT KA NA SA DEFENSE TABLE
Alan Peter Cayetano should inhibit himself as senator-judge.
At kung ayaw niya ng mas teknikal na salita, ito na lang ang simple: lumipat ka na sa defense table.
Hindi dahil bawal siyang magtanong. Hindi dahil kailangan niyang paniwalaan ang prosecution. At lalong hindi dahil ang impeachment court ay dapat maging choir na iisa ang tono. Ang isang matibay na paglilitis ay nangangailangan ng mahihirap, matitigas, at minsan nakakairitang tanong. Ganyan talaga kapag seryoso ang proseso.
Pero iba ang matigas na pagtatanong sa aktuwal na pag-aabogado.
Iba ang hukom na sumusubok sa argumento sa hukom na siya mismo ang bumubuo nito.
At sa mga unang araw pa lamang ng paglilitis, malinaw na ang problema kay Cayetano: sa papel, senator-judge siya; sa kilos, para siyang volunteer defense counsel na nagkamaling umupo sa maling mesa.
Hindi kailangang hulaan ang laman ng isip niya. Sapat nang pakinggan at panoorin ang paulit-ulit na nakikita ng publiko: kapag ang interbensiyon ng isang senator-judge ay hindi na lamang pagsubok sa kaso kundi tila paglalatag na ng depensa, kapag siya ang kusang nag-aalok ng mga paliwanag at legal theories na puwedeng sandigan ng panig ni Sara Duterte, kapag ang tono ng pagtatanong ay paulit-ulit na parang closing argument ng depensa na naligaw lang ng mikropono, may makatwirang impresyon na hindi na lamang siya nakikinig sa depensa. Tinutulungan na niya itong buuin.
Iyan ang ubod ng usapin.
Hindi ito simpleng hurt feelings ng mga hindi natuwa sa style niya. Hindi ito “perception problem” na maaayos ng press conference o offended na disclaimer. Institutional problem ito. Credibility problem ito. At sa impeachment, credibility is not cosmetic. Iyan ang pundasyon ng buong tribunal.
Mismong rules ng impeachment court ang humihingi sa mga senator-judges ng political neutrality. Hindi ibig sabihin niyan na buburahin ang pagiging politiko nila na parang magic trick. Hindi naman puwedeng utusan ang isda na mag-file ng leave sa tubig. Ang ibig sabihin lang niyan ay may minimum discipline na inaasahan sa kanila: pigilan ang sarili, itabi ang instinct na kumampi, at ipakitang bukas pa ang isip hanggang matapos ang ebidensiya.
That is the job.
Hindi pagiging neutral ang paulit-ulit na asal na nagbibigay ng makatwirang impresyon na mas interesado kang salagin ang isang panig kaysa timbangin ang magkabilang panig.
Simple lang naman ang konsepto. Kapag referee ka, hindi ka taga-abot ng tubig sa isang team. Hindi mo trabaho ang magdisenyo ng game plan para sa paborito mong koponan habang suot mo ang uniporme ng opisyal.
Ganiyan din dito.
Kapag senator-judge ka, puwede kang magtanong nang mahigpit sa prosecution. Puwede mong butasin ang logic nila. Puwede mong usisain ang ebidensiya nila hanggang sa huling stapler mark kung gusto mo. In fact, dapat mo iyan gawin. Pero kapag ang tanong mo ay hindi na sumusubok sa tibay ng argumento kundi tila pumupuno sa butas ng depensa; kapag ang punto mo ay hindi na naghahanap ng liwanag kundi naghahain na ng depensang puwedeng hiramin ng kabilang kampo; kapag ang public performance mo ay paulit-ulit na mas kahawig ng counsel table kaysa bench, huwag nang magtaka kung magtanong ang taumbayan kung bukas pa ba talaga ang isip mo.
Ang tanong ng hukom ay sumusubok sa argumento.
Ang tanong ng abogado ay bumubuo ng argumento.
Ang hukom ay tumitimbang.
Ang abogado ay nagtatanggol.
At kapag malabo na ang guhit sa pagitan ng dalawa, nasusugatan ang integridad ng proseso.
Dahil ang impeachment court ay hindi lamang humahatol sa akusado. Hinahatulan din ito ng publiko kung karapat-dapat ba itong pagkatiwalaan. Hindi puwedeng sabihin ng Senado na “magtiwala kayo sa proseso” habang may mga kilos na paulit-ulit na nagbibigay ng impresyon na may mga utak na nakaboto na bago pa man matapos ang presentasyon ng ebidensiya.
Iyan ang tunay na pinsala rito.
Kapag bumababa ang tiwala sa tribunal, hindi lang si Cayetano ang nadadamay. Nadadamay ang buong korte. Nadadamay ang hatol, anuman ang kalabasan. At sa huli, ang pinakakawawa ay hindi lang ang prosecution o defense kundi ang sambayanang inaasahang maniwala na may saysay pa ang constitutional accountability.
Hindi rin kailangang palobohin ang argumento laban sa kanya. Hindi natin kailangang sabihing bawal siyang magsalita, bawal siyang magduda, o bawal siyang magkaroon ng opinyon. Mali iyong mga atake na ganoon kababaw.
Ang mas tumpak na punto ay ito: hindi problema ang tapang, husay magsalita, o pagkakaroon ng sariling basa sa kaso. Ang problema ay kapag ang tapang ay laging nakatutok sa pagsalo sa isang panig, ang husay ay nagagamit sa pagbuo ng mga depensang dapat manggaling sa counsel table, at ang sariling basa ay nagbibigay na ng impresyong tila may hatol nang naghihintay bago pa matapos ang paglilitis.
Kung kumbinsido si Alan Cayetano na mahina ang kaso ng prosecution, may tamang paraan para ipakita iyon. Magtanong siya nang patas sa magkabilang panig. Himayin niya ang ebidensiya. Suriin niya ang batas nang hindi umaasal na siya ang extra counsel ng sinumang respondent. At sa dulo, pagkatapos marinig ang lahat, saka siya bumoto. Iyon ang marangal na paraan. Iyon ang trabaho ng senator-judge.
Pero kung ang gusto niya ay maglatag ng depensa, magpaliwanag kung bakit dapat tingnan sa isang partikular na lente ang mga kilos at salita ni Sara Duterte, saluhin ang mga kahinaang hindi agad natatakpan ng kanyang mga abogado, at bigyan ng mas maayos na frame ang kanilang side, mayroon talagang mas angkop na puwesto para diyan.
Sa defense table.
Walang masama sa pagiging partisan kung abogado ka ng isang kliyente. Trabaho ng defense counsel ang lumaban para sa taong dinepensahan niya. Walang kailangang ipagkunwari roon. Mas marangal pa nga ang tahasang pag-amin sa papel mo kaysa nakaupo ka bilang hukom habang ang bawat galaw mo ay nagsisilbi sa isang panig.
Kaya oo, Alan Cayetano should inhibit himself as senator-judge if he can no longer maintain even the appearance of political neutrality that the office demands. At kung ayaw niyang gawin iyan, huwag na niyang gawing komplikado ang simple.
Lumipat ka na sa kabilang mesa.
Doon, puwede mong ipagtanggol si Sara Duterte nang buong lakas, buong talino, at buong dramatic pause. Walang magrereklamo, dahil malinaw ang papel mo. Walang kalituhan. Walang disguise. Walang robe na nakapatong sa partisan lawyering.
Pero habang nakaupo ka bilang senator-judge, hindi ang depensa ang amo mo. Hindi ang partido. Hindi ang kaalyado. Hindi ang lumang samahan. Ang katapatan mo ay dapat sa ebidensiya, sa proseso, sa rules ng impeachment court, sa Konstitusyon, at sa sambayanan.
Sa korte, Senator, hindi puwedeng dalawa ang amo.
At kapag ang panunumpa mo ay sa Bayan ngunit ang mga argumento mo ay paulit-ulit na umaalalay sa depensa, huwag mo iyong tawaging neutrality.
Tawagin mo sa tunay nitong pangalan.
Partisan lawyering na nakaupo sa upuan ng hukom.