02/04/2026
Patuloy na sumisirit pataas ang presyo ng langis dahil sa lumalalang tensyon sa Middle East dulot ng panggigiyera ng US-Israel sa Iran. Hindi malabong susunod ang pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin tulad ng tubig, kuryente, pagkain, at iba pa. Kasabay nito ang lalong pagbigat ng gastusin nating mga estudyante at ng ating mga magulang na direktang nakakaapekto sa kakayahan natin mag-aral. Sa gitna ng krisis, lalong kinakailangan ang agarang pagtugon mula sa pamahalaan upang direktang resolbahin ang kagyat na pangangailangan ng masa.
Ngunit tanging band-aid solutions lang ang naging aksyon ng pamahalaan; nagdeklara ng 4-day work week para sa lahat ng ahensya ng gobyerno si Marcos Jr., ang mga pampublikong paaralan ngayon ay nagshishift na sa online classes upang makatipid sa kuryente. At tulad ng nangyari noong pandemiya, hindi nito garantiya ang kalidad sa edukasyon na matatanggap ng mga estudyante. Ang mga pribadong paaralan, bukod sa ginagamit na ang inflation para ikatwiran ang pagtaas ng tuition and other school fees, nagdeklara na rin ng online classes para lalong magtipid.
At nariyan pa rin ang problema sa korapsyon, na hanggang ngayon ay wala pa ring napapanagot at wala pa ring naisasauli mula sa trilyon-trilyong ninakaw ng mga kurakot na pulitiko. Imbis na sana ay ginagamit ang pondo sa pagtataas ng sahod ng mga g**o at pang subsidiyo sa energy costs ng paaralan para tuloy tuloy na makapag face-to-face classes, binubulsa lang ang pondo para pakinabangan ng iilang tao lamang.
Bilang pre-service teachers, mahalagang gampanan natin ang ating papel hindi lamang bilang tagapagturo kundi bilang tagapagmulat ng kamalayan. Dapat natin hikayatin ang bawat isa na maging mapanuri, makialam, sa mga isyung panlipunan, at ipaglaban ang katarungan at pananagutan ng pamahalaan.
Kasabay nito, dapat din natin itaguyod ang mga konkretong solusyon kabilang ang pag-subsidize ng energy costs upang maisulong ang ganap na face-to-face classes, magbigay ng subsidyo at financial assistance upang magarantiya na walang mag-aaral ang maiiwan, at pagtataas ng sahod ng mga g**o at kawani. Higit sa lahat, ibasura ang lahat ng mga regresibong taxes tulad ng VAT at Excise taxes, at buwisan ang mayayamang pinagkakakitaan ang krisis na kinakaharap ng masa’t manggagawa.
Sumapi sa FED UP: tinyurl.com/JoinFEDUP