25/04/2026
HUSTISYA PARA KAY ALYSSA ALANO!
CAMP Organizations Unity Statement
Mariing kinukundena ng konseho ng mga mag-aaral at mga organisasyon ng CAMP ang brutal at hindi makatarungang pagpaslang kay Alyssa Alano, isang Iskolar ng Bayan, lider-estudyante, at lingkod ng mamamayan, at kasama ng iba pang sibilyang walang kalaban-laban sa Negros. Ang bawat buhay na kinitil ay hindi lamang numero sa talaan, kundi isang anak, kapatid, magulang, at bahagi ng sambayanang Pilipino na may karapatang mabuhay nang may dignidad at seguridad.
Si Alyssa ay kilala sa kanyang dedikasyon sa paglilingkod sa taumbayan at pakikiisa sa laban ng bawat Pilipino. Pinili niyang makisalamuha at makipamuhay sa hanay ng mga magsasaka upang higit na maunawaan ang kanilang kalagayan at ipaglaban ang kanilang karapatan. Ngunit sa halip na kilalanin ang kanyang layunin, siya ay naging biktima ng dahas.
Ang patuloy na militarisasyon sa kanayunan, partikular sa Negros, ay nagdudulot ng takot, sapilitang paglikas, at pagkawala ng buhay ng mga inosenteng mamamayan. Sa ibaโt ibang panig ng bansa, patuloy ang pagdanak ng dugo dulot ng karahasan, militarisasyon, at kawalan ng pananagutan. Sa halip na protektahan ang mamamayan, nagiging instrumento pa ang ilang pwersa ng estado sa pananakot, panunupil, at paglabag sa karapatang pantao. Habang nananatiling walang pananagutan ang mga salarin, lalong tumitindi ang kawalan ng hustisya.
Hindi lamang si Alyssa ang nawalan ng buhayโkasama niya ang 18 na Pilipinong pinaslang nang walang laban.
Naninindigan kami na ang tunay na kapayapaan ay hindi makakamit sa pamamagitan ng dahas. Hindi ito maitatag sa takot, pananakot, at pagkitil ng buhay. Ang kapayapaan ay nakabatay sa hustisya, pananagutan, at paggalang sa karapatang pantao ng bawat isa.
Hustisya para kay Alyssa Alano! Hustisya para sa lahat ng walang kalaban-labang pinaslang!