09/07/2026
Bitbit ang mahabang kasaysayan ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas mula noon hanggang ngayon, kilala pa rin ang pamantasan sa pag-aanak ng mga indibidwal na siyang napakahuhusay sa ibaโt-ibang larangang hinubog mula sa loob bunga ng dekalidad na edukasyon hanggang sa lansangan na bitbit ang diwa ng militansya at pakikibakang dapat isabuhay ng mga tunay na Iskolar ng Bayan.
Habang namamayagpag ang korapsyon sa bansa na tumatagos sa iba't-ibang sektor ng lipunan, higit na nanunuot ito sa pamantasang pinagkakaitan ng sapat na pondo at biktima ng misprayoritisasyon. Sa halip na makatanggap ng pondong tutugon sana sa mga pangangailangan ng bawat estudyante, mga panukalang katulad ng NPU (National Polytechnic University) Bill pa ang inuunang ilako ng estado kaysa ang pagkilala sa hinaing ng mga estudyante mula sa pang-akademikong pangangailangan, demokratikong karapatan, at kalidad ng edukasyon na kanilang natatamasa.
Kalakip nito, nag-aanak ang krisis ng korapsyon ng mga problema sa mga kolehiyo ng PUPโpartikular sa Kolehiyo ng Komunikasyon na kung saan kinakailangang lumabas ng mga Kabataang Alagad ng Midya sa mga klasrum upang makagawa ng mga rekisito upang pumasa.
Bukod sa mabibigat na gawain, kompetitibo ang maging isang Kabataang Alagad ng Midyaโkinakailangan nito ng kondusibong mga espasyo upang mailangkap sa pinakamataas na kalidad ang mga pag-aaral na dapat baunin ng bawat estudyante sa bawat pagbaybay nila sa lansangan upang sumulat, makipagpanayam, at makihalubilo sa masang pinangakuang pagsisilbihan nila, pero mahirap ito laluna sa kasalukuyang lagay ng Kolehiyo.
Mas lalong pinapahirapan ang mga estudyante sa mga matatrabahong mga rekisitong upang makapasa sa loob ng Kolehiyo ng Komunikasyon, kita ang taas ng kalidad nito dahil sa kwento at karanasang kalakip nito upang maisakatuparanโhigit laluna ang sakripisyong kaakibat nito na maglabas ng pera mula sa sariling bulsa ng mga estudyante dahil ang mga kagamitan para makabuo ng mga kahingiang katulad ng pelikula, dibuho, artikulo, at mga balita ay mahal at kinakailangang gastusan na hindi na sana dapat ginagawa ng mga estudyante kung napopondohan nang sapat ang pamantasan na kanilang pinapasukan.
Sa kabila ng lahat ng ito, higit na nagpupursigi ang mga Iskolar ng Bayan na bumuo ng mga mapagpalaya, krusyal, at pulitikal na mga pyesa hindi lang para makapasa at magtapos sa pag-aaral bagkus ay higit pa rito ang nais nilaโiyon ang imulat at ilantad ang materyal na kalagayan ng mamamayang Pilipino na naghihirap sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan na tumatagos sa iba't lbang sektor ng lipunan, hanggang sa lokal na komunidad ng PUP at ng mga Kabataang Alagad ng Midya.
Isa sa mga demokratikong karapatan natin bilang tao ay ang karapatan mag-organisa at kinakailangan ito sa mga pampublikong espasyo gaya ng pamantasan kung saan may pangangailangan ng pagbabantay sa pananagutan. Isa sa mga demokratikong karapatan natin bilang mamamayan ay ang karapatang mag-organisa.
Sa konteksto ng pamantasan, ang pag-oorganisa ay hindi lamang simpleng pagbubuo ng organisasyon. Ito ay isang paraan upang maipahayag ng mga estudyante ang kanilang mga hinaing, maitaguyod ang kanilang mga karapatan, at makilahok sa mga usaping may direktang epekto sa kanilang edukasyon at kapakanan. Sa pamamagitan ng mga pangmasang organisasyon, konseho ng mag-aaral, at iba pang kolektibong porma ng pagkilos, nagiging bahagi ang mga estudyante ng demokratikong proseso sa loob ng unibersidad.
Ang isang kapaligirang nagbibigay-daan sa malayang pag-oorganisa ay nakatutulong sa pagpapaunlad ng kritikal na pag-iisip, aktibong pakikilahok, at pananagutan sa mga usaping panlipunan. Kaugnay nito, mahalagang tiyakin na ang mga polisiya at administratibong hakbang sa loob ng pamantasan ay hindi nagiging hadlang sa lehitimong pagbuo at operasyon ng mga organisasyong pang-estudyante.
Ang pagtatanggol sa karapatang mag-organisa ay pagtatanggol din sa karapatan ng mga Iskolar ng Bayan na makilahok sa paghubog ng isang mas demokratiko, mapanuri, at makataong pamantasan.
Ang malayang pag-oorganisa ay hindi isang pribilehiyo kundi isang karapatan. Habang patuloy na hinaharap ng mga estudyante ang iba't ibang hamon sa loob at labas ng pamantasan, nananatiling mahalaga ang pagkakaroon ng mga espasyong nagbibigay-daan sa kolektibong pagkilos, pakikilahok, at pagtataguyod ng kanilang mga karapatan bilang iskolar ng bayan.
Sa matagal na panahon na pakikibaka ng mga Iskolar ng Bayan, marami na ang patunay na kayang umigpaw ng ating pamantasan upang labanan ang anumang balakid sa ating demokratikong mga karapatan kung mayroong tunay at natatanging representanteng magbibitbit ng ating mga kampanya sa mas mataas na porma. Isang Rehenteng hindi nakakupad sa burukrasya at hindi nakatali sa kawing ng administrasyong hungkag at hindi nagsisilbi sa mamamayan nito.
Bilang isang lider-estudyante, ang pinakabag-as ng paninidigang ito ay paninidigan para sa mga kapwa nito estudyante at sa bawat sektor na nakapaloob dito. Kailangan natin ng isang tunay, palaban, at makabayang Rehente na hindi nakukulong sa kumportable nitong opisina. Isang rehenteng kumakapanayam sa lagay ng kanyang irerepresenta, nakikipag-usap, at lumulubog sa malawak na sektor ng komunidad ng ating pamantasan.
Kaya hamon ito na ang Rehenteng gusto natin ay may alab ng tapang, dala-dala ang bawat panawagang magbibigay-daan para sa isang mas malayang pamantasan.
Ang Rehente ay hindi lamang nagrerepresentaโnakikiisa dapat ito. Inaalam nito ang saligang suliranin ng mga sangkaestudyantehan at ng iba't ibang sektor at itinataas ang kanilang hinaing sa isang linyang sasagot sa krisis ng ating unibersidad.
Higit lalo sa panahon, mas nangangailangan tayo ng rehenteng kayang sumalungat sa baluktot na sistema. Isang militanteng rehente na ipagpapatuloy ang hindi pa natatapos na laban ng mga Iskolar ng Bayan at magmimitya upang palakasin ang partisipasyon at pagkakaisa. Isang rehenteng yayakapin ang oryentasyon nitong bakahin ang lahat ng tendensiya nito at buong lakas na iaalay ang talino at lakas para sa lahat ng sektor sa loob at labas ng pamantasan.
Isang rehenteng handang makibaka at ugatin ng may husay ang mga suliranin at linyahan ito na magbubukas ng mas maraming opurtunidad. Isang rehenteng radikal at kritikal, na handa ng maglingkod ng buo sa mga Iskolar ng Bayan.
Ang mga nabanggit ay mga katangian na kailangan ng isang Rehente ng mga Mag-aaral na tunay na lubog at nakasandig sa masang estudyanteng pinagsisilbihan niya. Hindi siya nagdedesisyon nang mag-isa lamang, siya ay nakikipagkonsulta at nakikipag-usap sa pinakamalawak na hanay ng mga Iskolar ng Bayan sa iba't ibang mga sektor. Itinataguyod niya ang tunay na representasyon ng sangkaestudyantehan sa Lupon ng mga Rehenteโat kailangan natin itong maitaguyod at maipagwagi sa darating na ika-26 Kongreso ng ANAK PUP!
Kinikilala natin na hindi kailanman maihihiwalay ang laban ng sangkaestudyantehan sa laban ng iba't ibang batayang saray at sektor sa loob ng pamantasan dahil marami sa mahigit 100,000 Iskolar ng Bayan ay mga anak ng manggagawa, mga anak ng magsasaka, at mga anak ng maralita. Dahil dito, tungkulin ng susunod na Rehente na sumanib sa sektoral na mga pakikibaka nila, para itaas ang sahod ng mga kawani ng pamantasan at para tiyakin ang karapatan at katiyakan sa paninirahan ng mga maralita na bumubuo sa mas malawak pang komunidad ng PUP!
Kailangan natin ng isang Rehenteng lalampas sa oryentasyong petiburges at indibidwalista na nakakulong lang sa gawaing pang-opisina. Kailangan natin ng isang Rehenteng lumalabas sa lansangan at tumutungo sa komunidad upang maging kaisa ng batayang masa at ng buong sambayanang nakikibaka para sa kagyat nilang mga hinihingi!
Naniniwala kami na kayang itong gampanan ng kasalukuyang mga nominado para sa pagka-Rehente dahil itinuro sa atin ng PUP ang esensya ng tunay, palaban, at makabayang pamumuno. Ngunit hindi dapat tayo makampante. Kung kaya't hinahamon ng mga Alagad ng Midya ang susunod na Rehente na ibayong pagsumikapan ang buong-puso at walang pag-iimbot na paglilingkod sa Iskolar ng Bayan at sambayanan!