27/07/2026
Pahayag ng Unified Filipino Service Workers (UFSW) sa SONA 2026 ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Para sa Unified Filipino Service Workers (UFSW), hindi sapat ang mga magagandang pahayag sa SONA kung hindi ito nasasabayan ng kongkretong resulta na tunay na nararamdaman ng karaniwang manggagawang Pilipino.
Sa kabila ng mga ipinapakitang ulat ng pamahalaan, patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ng kuryente at gasolina. Dagdag pa rito ang mga usapin sa suplay ng tubig at na hanggang ngayon ay hindi pa rin lubusang nareresolba.
Tungkol naman sa imbestigasyon sa mga flood control projects, bagama't inihayag na magkakaroon ng pananagutan, tila ang mga maliliit lamang ang napapanagot habang ang mga pangunahing responsable ay nananatiling malaya. Dahil dito, nananatili ang pananaw ng maraming manggagawa na laganap pa rin ang korapsyon at hindi sapat ang pananagutan sa mga sangkot sa katiwalian.
Naniniwala ang UFSW na higit sa pagtaas ng sahod, ang mas mahalagang hakbang ay ang pagpigil sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Kahit nagkaroon pa ng dagdag-sahod ay parang wala rin epekto dahil mabilis din itong nauubos dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, kuryente, gasolina, at iba pang pangunahing pangangailangan. Dahil dito, nababawasan ang tunay na halaga ng kinikita ng ordinaryong manggagawang Pilipino.
Umaasa ang UFSW na ang mga ipinangako sa SONA ay maisasakatuparan at hindi mananatiling pangako lamang. Nananawagan kami sa pamahalaan na pagtuunan ng pansin ang mga pangmatagalang solusyon sa kahirapan. Bagama't may naitutulong ang mga ayuda sa panahon ng pangangailangan, hindi ito sapat bilang pangmatagalang lunas. Ang tunay na solusyon ay ang pagpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin, paglikha ng disenteng hanapbuhay, pagpapatatag ng ekonomiya, at pagpapatupad ng mga programang magpapataas sa tunay na halaga ng sahod ng bawat manggagawang Pilipino.
Kung magiging abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan, mas mararamdaman naming mga manggagawa ang halaga ng aming kinikita at mas aangat ang kalidad ng aming pamumuhay.
Kung hindi mabibigyan ng agarang solusyon ang patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente at presyo ng langis, malaking bahagi ng sahod ng mga manggagawa ang mapupunta lamang sa pagbabayad ng mga pangunahing gastusin. Sa huli, ang higit na makikinabang ay ang malalaking kumpanya at negosyong kumokontrol sa mga sektor na ito, habang patuloy namang nababawasan ang kakayahan ng mga manggagawa na matugunan ang iba pa nilang pangunahing pangangailangan.
Naninindigan ang UFSW na ang tunay na sukatan ng tagumpay ng anumang administrasyon ay hindi lamang ang mga naihahayag sa SONA, kundi ang aktuwal na pagbuti ng buhay ng bawat manggagawang Pilipino.
Jesus Obien
Pangulo