31/08/2026
Intsik, huanna, at iba pa
By Joaquin Sy
Nagdiriwang ng ika-39 anibersaryo ng pagkakatatag ngayong araw ang 菲律宾华裔青年联合会 o Kaisa para sa Kaunlaran, isang Tsinoy NGO.
Pangunahing layunin ng Kaisa ang pabilisin ang integrasyon ng mga etnikong Tsino sa lipunang Pilipino para mas aktibo at mas makabuluhang makalahok sila sa pagsusulong sa pambansang kaunlaran.
Kaugnay nito, "inimbento" ng Kaisa ang "Tsinoy" noong 1992 nang magdiwang ito ng ika-5 anibersaryo. Mula yun sa Tsinong Pilipino, Pilipinong dugong Tsino o may dugong Tsino. Kalaunan, nagkaroon ng variant na "Chinoy" ang bagong termino. Tila mas popular pa ngayon ang variant dahil ito ang mas ginamit ng media.
Bakit kinailangang umimbento ng bagong termino? Dahil kung titignan sa kasaysayan, mas pehoratibo ang gamit ng "intsik", ang nakagawiang tawag sa mga etnikong Tsino sa Pilipinas.
At kung pehoratibo at masakit sa tenga ang "intsik", pehoratibo rin, sa palagay ng Kaisa, ang terminong " huanna" mula 番仔,na siyang madalas itawag sa mga Pilipino ng mga Tsino sa Pilipinas.
Bagama't may kahulugang "foreigner" o "dayuhan" ang dating gamit sa "番” ng mga Tsino, may pakahulugan din itong " barbarian ". May isang panahong 番 o barbarian ang tingin ng mga Tsino sa lahat ng taong banyaga o hindi Tsino.
Kaya naman sa halip na " huanna", isinulong ng Kaisa na gamitin ang "Huilipinlang/ 菲律宾人" sa halip na "huanna" patungkol sa mga Pilipino.
At dahil may tiyak na impluwensiya na rin naman ang Kaisa sa komunidad na Tsinoy, mabilis na tinanggap ang paggamit ng "Huilipinlang" sa halip na ang nakagawiang "huanna".
May kahirapan siyempreng hikayatin ang nakararaming Pilipino na huwag nang gamitin ang " intsik", at sa halip ay gamitin ang "Tsinoy" para sa mga dugong Tsinong naging citizen o mamamayan na ng Pilipinas, at gamitin ang "Tsino" para sa mga mamamayan ng Tsina.
Maraming Pilipino pa rin ang gumagamit sa "intsik", at pati na rin " tsekwa" lalo na't may maigting na alitan sa mumunting isla, at damay siyempre ang mga Pilipinong chinito't chinita. At may mga masokistang Tsinoy pa rin na nagsasabing ok lang na matawag silang "intsik" dahil sa palagay nila, hindi naman ito pehoratibo.
At may mga Tsinoy pa rin na naggigiit na ayos lang gamitin ang "huanna" para sa mga Pilipino dahil hindi rin ito pehoratibo, dahil ang original o literal na kahulugan nga lang nito ay "foreigner" o "dayuhan". Alin sa dalawa, totoong sopistikado, o hilaw lang talaga, ang pag-unawa nila sa wika at kulturang Tsino.
Ni hindi naisip na isang nakalilibang na kabalintunaan, na gayong salinlahi sila ng mga migrante sa bayang mapulo, " dayuhan o banyaga" ang tawag nila sa ibang kasamang namumuhay sa mga pulo, na halos tiyak na mas nauna pang dumating sa mga pulo.
😎😎😎