03/03/2026
Ang Kababaihan ng Tala
"Ako po si Rafaelita Flores, pero mas kilala po ako bilang Ate Ampie. Ako po ay may limang anak, may lima na ring apo. Ako po ay isang traffic enforcer na nagtatrabaho sa munisipyo ng Caloocan. Fifty-three years na ako dito sa Tala; dito na ako lumaki. Dito ako nag-kinder, elementary, high school; dito na rin ako nagkaasawa at nagkaanak. Marami kaming magandang karanasan dito.
Pero ang ate kong pinatay sa EJK, dito rin kinuha sa Tala. November 10, 2017 noong namatay ang ate ko. Siya ay naglalaro lang ng bingo, tapos may riding-in-tandem na bigla na lang namaril. Sa kasawiang palad ay natamaan ang ate ko sa tagiliran. Nakita ng mga anak niya kung paano nalagutan ng hininga ‘yung nanay nila. Ang masakit pa ay ‘yung sabi ng pamangkin ko na, “Tita, nakita na lang namin si Mama na tinatakpan ng karton”. Tapos naka-kordon na ng barangay, ng mga pulis; talagang ‘di na siya pinalapitan. Hanggang sa noong dumating kami na ganoon ‘yung eksena: nakatakip na lang ng karton ‘yung ate ko. Ang sakit, na ginawang parang hayop ‘yung ate ko. Napakabuti niyang tao sa lugar nila. Iyon ‘yung masakit, bilang tita ng mga batang tuluyang naulila na. Ang papa nila ay natokhang din noong October 2016.
Siguro, hanggang mamatay ako, dala-dala ko ‘yung pait na naranasan ng pamilya namin. ‘Yung mga pamangkin ko, ako ang kumakalinga, dahil alam kong wala nang ibang kakalinga sa kanila. Ngayon, kapag may nakikilala akong katulad ko na may ganitong karanasan, gumagaan minsan ‘yung kalooban ko, lalo kapag nakakatulong kami sa iba, Pero ‘yung sakit, andoon pa rin.
Lagi naming sinasabi na ayaw naming manatiling biktima lang. Kaya proud kami sabihing papunta na kami sa pagiging advocate. Kahit papaano, nakakatulong na rin kami sa ibang nakaranas ng ganitong sitwasyon sa buhay. Kasi, buhat nung naging Paghilom ako, tapos naging ALPAS ako, marami akong natutunan. Halimbawa, minsan mayroon sa aming biglang hinuhuli o kinukulong, nasasabihan namin sila na dapat may ganito, dapat may ganoon. Nakakatulong sa kanila. Natatanim sa isip nila na dapat hindi hinuhuli lang nang basta-basta. Masaya ako kasi yung laban namin, hindi lang sa kwento. At alam namin na ngayon nagkakabunga kahit kaunti, kasi napapag-usapan na ulit ang mga EJK sa ilalim ni Duterte. Hindi kami tumitigil; tuloy-tuloy kaming lumalaban para sa katarungan ng mga mahal namin sa buhay."
Photographed by Andrew Alub