20/08/2026
NAKAKAPAGOD MAG-ISA, MABUTI NALANG...
SCRIPTURE: Mateo 28:19-20
"Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”
OBSERVATION:
Sa talatang ito, ibinibigay ni Jesus, ang kanyang malinaw at hụling utos sa kanyang mga alagad.
"Humayo kayo at gawin ninyong alagad ang lahat ng bansa..." Hindi lamang ito paanyaya, ito ay isang misyon na may layunin at direksyon.
Ipinapakita ng talata na ang pagiging tagasunod ni Cristo ay hindi natatapos sa paniniwala lamang. Tayo ay tinatawag upang magbahagi, magturo at mag-akay ng iba tungo sa kanya. Hindi kailangang maging pastor o leader ng simbahan para gawin ito. Sa simpleng paraan —sa ating mga salita, kilos at pakikitungo sa iba— naipapakita natin ang mensahe ng ebanghelyo.
Mahalaga din ang Pangako ni Jesus sa huling bahagi —"Ako ay sumasainyo palagi hanggang sa katapusan ng panabon." Ibig sabihin sa bawat hakbang ng ating pagsunod, hindi tayo nag-iisa. May kasama tayong gumagabay, nagpapalakas at nagbibigay lakas ng loob.
TESTIMONY:
Naranasan po namin ang pagmimisyon sa maraming Outreaches natin. Nag-umpisa po kaming manalangin at hingin ang tulong ng Panginoon sa bawat lugar na aming pupuntahan at sa mga taong nais abutin.
Para gawin ito nagsimula kami sa maliit na pagpapakita ng concern at kabutihan, at pagmamahal kahit walang kapalit. Naging bukas din kami sa pagbabahagi ng karanasan kung gaano kabuti ang Panginoong Jesus sa aming buhay.
Ang pagsunod sa utos ni Jesus ay hindi madali at may kasamang sakripisyo, ngunit ito'y makabuluhan at sa bawat hakbang kasama natin Siya —tapat, totoo at hindi nagbabago.
Hinihikayat ko po kayo, mga kapatid, na kahit wala tayo sa outreach missions, pwede tayong magbahagi ng salita ng Diyos kahit nasaan tayo.
APPLICATION:
Tanungin natin ang ating sarili, "Paano ko maipapakita si Cristo sa iba?"
Maaaring magpakita tayo ng concern at kabaitan sa mga nasa paligid, pagtulong sa nangangailangan at pagbahagi ng ating pananampalataya.
Devotional Journal by Sis. Baby M. Calingasan