01/09/2024
Agosto 30,2024
Matapos isagawa ang marangyang Parada sa Nayon, agad na sinimulan ang PAMPINID NA PALATUNTUNAN. Pinangunahan ni Gng. Joanna A. Sabularse ang pag-awit ng Pambansang Awit ng Pilipinas. Isang napakagandang panalangin naman ang binigkas ni Reanne Santiago. Pinangunahan naman ni John Deniel Quiatchon ang pagbigkas ng Panatang Makabayan at Panunumpa sa Watawat ng Pilipinas na sinundan naman ng Pagbigkas Ng Bisyon, Misyon at Pangunahing Halagahan ng Kagawaran na pinangunahan naman ni Romeo Brolagda Jr. Sa gabay ni John Mark Hamor, binigkas ang Panata Ng Bagong Pilipinas na sinundan naman ng VKPAP Lingguhang Halagahan na ibinigay ni Ruel Caporado. Ayon sa mensahe ni G. Dennis G. Balbalosa, Panauhing tagapagsalita, kanyang inilahad na sa kasaysayan ng pag-unlad ng wikang Pambansa ay napakalaking ambag nito sa ating mga bayani upang makamit ang kasarinlan. Kanyang idinagdag na sa sobrang kalayaang magamit natin ang wika, nagagamit ito sa pagpapalaganap ng maling impormasyon lalo na sa social media. Sa sobrang laya, nagagawa natin itong isawalang-bahala at huwag pahalagahan. Binigyang punto rin ang mga matitinding pinagdaraanan at pagsusumikap ng napakaraming manunulat na Pilipino na huwag matunaw ang Wikang Filipino sa pamamagitan ng marubdob na pananaliksik upang mabigyan ng katumbas sa wikang Filipino ang mga banyagang wika. Isang napapanahong tula naman mula sa panulat ni Kgg. Virgilio Almario na pinamagatang "Ang Wika Ko" ang malikhaing binigkas ni Andrea B. Molato at isa pang tula na binigkas naman ni Saiza B. Cabang. Sina Gng. Cyradel G. Camacho at Gng. Marita M. Orteza ang tumayong tagapagdaloy ng palatuntunan.
Eksaktong alas-tres ng hapon nang isinagawa ang paggawad ng mga sertipiko at gantimpala sa mga nanalo sa mga paligsahan. Hindi magkamayaw ang hiyawan ng mga pangkat na nagkamit ng mga panalo. Ito ay dinaluhan ni OIC Maria Anna G. Buenaflor, G. Dennis G. Balbalosa, G. Jayson H. Garcia at G. Eduard H. Carrascal, tagapayo ng SAMAFIL na nagbigay ng pasasalamat bilang pagtatapos ng pagdiriwang.
📸 Angel Fraulene Villegas, Jomar Dollentes, CJay Carrillo, Anna Marie Buenaflor