05/10/2025
Pagtatanim ng mga Puno at Bakawan sa Distrito ni San Marco, Tampok sa Pagtatapos ng Season of Creation
SARIAYA, QUEZON — Sa pagtatapos ng Season of Creation nitong Oktubre 4, 2025, muling ipinamalas ng Diyosesis ng Lucena ang matatag nitong paninindigan sa pangangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng isang Tree Growing and Parenting Activity na ginanap sa Parokya ng Niña Maria, Brgy. Castañas, Sariaya, Quezon.
Ang naturang gawain ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang parokya ng Distrito ni San Marco, bilang konkretong tugon sa panawagan ng Simbahan sa mga ensiklikal na Laudato Si’ at Laudate Deum ni Santo Papa Francisco—ang panawagang pangalagaan ang ating iisang tahanan, ang Daigdig.
Nagtanim ang mga kalahok ng mga fruit-bearing trees at mga punong bakawan (mangrove) sa tabi ng dagat, bilang simbolo ng pakikiisa sa adhikain ng Simbahan para sa pagpapanumbalik ng likas na yaman at ekolohikal na balanse.
Pinangunahan ang aktibidad ni Obispo Mel Rey M. Uy, Obispo ng Lucena, kasama sina Fr. Warren Puno, Direktor ng Ministry of Integral Ecology, Fr. Grant Niel Rey, katuwang na Direktor, at Fr. John Eamone Panganiban, kura paroko ng Niña Maria Parish na nagsilbing host ng gawain.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Bishop Uy na ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi lamang isang gawaing panlabas, kundi isang mahalagang bahagi ng pananampalataya. “Ang pagtatanim ng puno ay tanda ng ating pakikibahagi sa paglikha ng Diyos. Sa bawat punong itinatanim, tayo ay nagiging tagapag-ingat ng buhay,” aniya.
Matatandaan na noong Setyembre 30, nagsagawa rin ng kaparehong aktibidad ang Distrito ni San Mateo sa Panaon, Unisan, Quezon, bilang bahagi rin ng malawakang kampanya ng Diyosesis sa pangangalaga sa kalikasan.
Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, patuloy na pinatitibay ng Diyosesis ng Lucena ang diwa ng ecological conversion—isang panawagang isabuhay ang pananampalataya sa gawa at sa pag-ibig sa kalikasan. Ito ay paalala na ang tunay na Kristiyano ay tagapangalaga ng buhay, tagapagtanggol ng kalikasan, at tagapagtaguyod ng pag-asa para sa susunod na henerasyon.