12/06/2026
“Ang ating kalayaan ay hindi lamang isang pamana ng nakaraan, ngunit ito ay pananagutang ipinagpatuloy sa kasalukuyan”
Sa ating paggunita ng ika-128 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, ating inaalala ang katatagan, pagkakaisa, at sakripisyong ipinamalas ng mga Pilipinong naghangad ng isang malaya at makatarungang bayan. Ang kalayaang ating tinatamasa ngayon ay bunga ng sama-samang pakikibaka ng mga mamamayang at mga bayaning tumindig laban sa pang-aapi at kawalang-katarungan upang maitaguyod ang dangal at kapakanan ng sambayanan.
Gayunpaman, ang tunay na kalayaan ay hindi nagtatapos sa paglaya mula sa mga dayuhang mananakop. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy nating hinaharap ang mga hamong humahadlang sa pag-unlad ng ating bansa, kabilang ang katiwalian at mga sistemang nagpapalalim sa hindi pagkakapantay-pantay. Sa bawat pondong ninanakaw dahil sa korapsyon, sa bawat pamilyang naaapektuhan ng kakulangan sa mga pangunahing serbisyo, naaalala natin na ang laban para sa kalayaan ay laging mananatiling buhay, dahil ito ay isang patuloy na laban para sa mabuting pamamahala, pananagutan, at patas na oportunidad para sa lahat.
Kaisa ng sambayanang Pilipino, naninindigan ang UPLB Human and Family Development Society sa pagsusulong ng mga adhikaing nagtataguyod ng kalidad na edukasyon, kalusugan, pantay na karapatan, at inklusibong kaunlaran. Sapagkat ang kalayaan ay hindi lamang alaala ng nakaraan, kundi pangakong dapat nating tuparin sa pagtataguyod ng isang Pilipinas na tunay na malaya, kung saan makikinabangan ito ng mga susunod na henerasyon ng pamilyang Pilipino.
Caption by Marcus Caringal
Publicity Material by Rafael Crucillo