23/04/2026
𝐏𝐚𝐧𝐠𝐢𝐥 𝐬𝐚 𝐏𝐚𝐤𝐢𝐥
sa panulat ni 𝘱𝘦𝘯𝘤𝘢𝘱𝘯𝘢𝘺𝘢𝘯
Ang mga oso ay narito na’t nag-aangkin ng teritoryo, maamo ang mga mata habang tinatago sa likod ng kanilang mga plano ang tunay nilang obhetibo. Ang mga pangil sa dilim ay handang sumunggab at walang sibilyan na paalisin nang hindi gutay-gutay kapag sila’y hinadlangan.
Hindi lang isang lokasyon sa mapa ang Pakil, Laguna. Para sa mga nakatira rito, nakabaon sa lupang kinatatayuan nila ang dugo’t pawis ng mga ninuno nila upang maging ganap na tahanan ang Pakil. Dito sila lumaki, dito sila naghahanap-buhay, at dito sila bumuo ng isang komunidad. Sa kabila ng mayaman na kasaysayan ng Pakil, simula noong 2020, ang Ahunan Hydropower Dam Project ay sapilitang ipinagpatuloy na iplano ng pamahalaan sa mismong lupang tinitirhan ng mga Pakileño. Batay sa opisyal na Project Description for Scoping (PDS) mula sa Ahunan Power, nais isagawa ang Ahunan Dam para sa karagdagang seguridad ng enerhiya sa bansa na napasailalim sa Philippine Energy Plan (2020-2040).
Sa kabila ng mabuting intensyon ng proyekto sa papel, sa totoong buhay, ang pagpapatayo nito ay nakapipinsala sa kalikasan at sa mga Pakileño. Sa pamamagitan ng proyektong ito, mahigit 469 ektarya ng lupa ang apektado kung saan permanente ang pinsalang idudulot nito sa bundok, apektado ang suplay ng malinis na tubig sa komunidad, at ang mga residente rito ay kakailanganing lumikas kahit walang katiyakan kung mayroon silang malilipatan. Hindi naging malinaw ang ugnayan sa pagitan ng barangay at ng mga Pakileño kung ano ang mangyayari sa lupa at kabuhayan nila. Mula sa Project NOAH, napagtanto rin na RED AREA sa mapa o hindi ligtas tayuan ng malaking infrastruktura ang Pakil. Dagdag dito, ang pamamaraan ng pagpapaalis sa mga Pakileño ay dinaan sa pananakot gamit ang batas at pera—hindi makatao at mayroong kakulangan sa pormal na proseso.
“Hindi kami umaayaw sa progreso na sinasabi nila ngunit dapat ang progreso o pag unlad ay dapat masusing pinag-aralan at ito dapat ay makatarungan sa lahat,” aniya ni Roberto Gimenez, isang residente ng Pakil. Bilang malinaw ang panganib na dala ng pagpapatayo ng Ahunan Dam, binuo ang Mamamayang Nagmamahal sa Pakil (MANAPAK). Grupo ito ng mga Pakileño na nagsasagawa ng mga pagkilos upang ipagtambol ang kanilang mga panawagan laban sa konstruksyon ng Ahunan Dam. Pangunahing adbokasiya ng MANAPAK ang pagtinig ukol sa mga isyung panlipunan, partikular ang pangangalaga sa kalikasan at makataong pamamahala.
Dulot ng kakulangan ng pagdinig ng pamahalaan sa kahirapan na danas ng mga Pakileño, ang MANAPAK ay nagsasagawa ng mga inisyatibo tulad ng mga kampanya laban sa Ahunan Dam, pagsampa ng kaso batay sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act o RA 3019, libreng pagkain at kagamitan sa pamamagitan ng Sunday Free Market, at iba pa.
Anim na taon, nagbibingi-bingihan pa rin ang pamahalaan sa pinsalang dala ng Ahunan Dam. Ang mga Pakileño ang naipit para sa pagpapalawak ng mga oportunidad ng Prime Metro Power Holdings Corporation at JBD Water Power, Inc. Hindi ito makatarungan kung kaya’t tuloy ang mga petisyon ng MANAPAK at bukas din sila sa tulong ng mga boluntaryo. Klaro na ang Ahunan Dam ay nakasisira ng kabuhayan ng mga Pakileño at kailangan managot ang mga korporasyong nasa likod nito.
Ang mga oso ay inaangkin ang teritoryo ng mga Pakileño. Hindi patas ang sistema ngunit, kahit anong tulis ng pangil ng pamahalaan, hindi susuko ang MANAPAK na ipaglaban ang, sa una pa lang, ay kanila.