12/06/2026
[𝗢𝗣𝗜𝗦𝗬𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗣𝗔𝗛𝗔𝗬𝗔𝗚 𝗡𝗚 𝗨𝗣𝗟𝗕 𝗦𝗜𝗚𝗠𝗔 𝗔𝗟𝗣𝗛𝗔 𝗦𝗢𝗥𝗢𝗥𝗜𝗧𝗬: 𝗔𝗥𝗔𝗪 𝗡𝗚 𝗞𝗔𝗟𝗔𝗬𝗔𝗔𝗡]
Sa ika-12 ng Hunyo 2026, isang taas-kamaong pagpupugay ang iniaalay ng UP Sigma Alpha Sorority – Los Baños Chapter sa lahat ng mamamayang patuloy na lumalaban para sa tunay na kalayaan, demokrasya, at pambansang kasarinlan. Higit isang siglo matapos ideklara ang kasarinlan ng Pilipinas, nananatiling bukas ang tanong: tunay nga bang malaya ang sambayanang Pilipino?
Sa gitna ng lumalalang krisis pang-ekonomiya, walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin, kakarampot na sahod, at patuloy na pagkakait ng disenteng kabuhayan sa mga manggagawa at magsasaka, lalong nalalantad ang kawalan ng tunay na kalayaan ng mamamayan. Habang iilan ang nagkakamal ng yaman, milyon-milyong Pilipino ang nakalugmok sa kahirapan at kawalan ng katiyakan sa kinabukasan. Patuloy ding ipinagkakait sa mamamayan ang kanilang demokratikong karapatan sa pamamagitan ng red-tagging, panunupil sa mga organisadong sektor, at pag-atake sa mga kritikal na tinig na naglalantad sa mga suliranin ng lipunan.
Kasabay nito, nananatiling nakatali ang bansa sa dikta ng mga dayuhang kapangyarihan. Sa harap ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea at lumalawak na presensya ng mga dayuhang pwersang militar sa ating lupain, patuloy na nalalagay sa panganib ang ating soberanya. Habang ginagamit ang Pilipinas bilang entablado ng tunggalian ng mga imperyalistang kapangyarihan, ang mamamayang Pilipino ang siyang nagdurusa sa kawalan ng tunay na kontrol sa sariling yaman, teritoryo, at kapalaran.
Hindi maituturing na malaya ang isang bayan kung ang kanyang ekonomiya ay pinaghaharian ng dayuhang interes, kung ang kanyang pulitika ay nagsisilbi sa iilan, at kung ang kanyang mamamayan ay patuloy na pinagkakaitan ng karapatan at dignidad. Ang tunay na kalayaan ay hindi lamang paggunita sa isang makasaysayang deklarasyon, kundi ang patuloy na pakikibaka upang wakasan ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo—ang mga ugat ng kahirapan at kawalang hustisya sa lipunang Pilipino.
Nakikiisa ang UP Sigma Alpha Sorority – Los Baños Chapter sa malawak na hanay ng mamamayang patuloy na lumalaban para sa pambansang demokrasya, panlipunang katarungan, at tunay na kalayaan. Hangga’t nananatiling naghahari ang pagsasamantala, pang-aapi, at dayuhang dominasyon, hindi natatapos ang tungkulin ng bawat mulat na mamamayan na manindigan kasama ng masa at makibaka para sa isang lipunang tunay na malaya, makatarungan, at nagsisilbi sa sambayanan.