06/08/2026
ARTISTA NG BAYAN, MAKIALAM AT MAGALIT. TULOY-TULOY ANG LABAN.
Bagaman ang pamantasan ay tahanan sa mga artista ng bayan, walang sapat na pondo at malayang espasyo para sa atin. Patuloy ang komersyalisasyon sa loob ng campus. Maging ang espasyo sa labas ng unibersidad na dapat nakalaan sa mga estudyante at taumbayan ay ginagawang negosyo. Hindi rin maikakaila ang pagtaas ng renta ng mga dormitoryo, na dulot din ng kakulangan ng abot-kaya at maayos na matutuluyan para sa mga estudyante. Sa limitadong bilang ng mga dormitoryong maaaring pagpilian, nagiging tila agawan sa slots ang paghahanap ng matitirhan, kahit hindi naman palaging naaayon ang kondisyon ng mga ito sa patuloy na pagtaas ng renta. Dagdag pa sa seme-semestre na lang na paghihirap na makamtan ang units—sintomas ng kawalan ng maayos at kalidad na edukasyon—agawan din ng slots sa dormitoryo. Maayos na mga silid-aralan sa unibersidad at disente at ligtas na tuluyan ay karapatan din ng sangka-estudyantehan.
Ipinagkait sa atin ng gobyerno ang pera ng taumbayan. Nilustay lamang ang pondong para sa edukasyon, lalo na sa kamay ni Sara Duterte. Kahit mula pa sa panahon ng pasistang Marcos Sr. hanggang sa pagkaupo ng anak nito, mas pinapahalagahan ng gobyerno ang mga malalaking dayuhang institusyon. Mula sa mga polisiya at inisyatiba ni Marcos Sr. gaya ng mapaminsalang Masagana-99; ang militarisasyon sa mga Lumad bakwit schools at pagpapalayas sa kanila noong rehimen ni Duterte upang kamkamin ang lupa; at ang Pax Silica na naglalayong agawan ng lupa ang mga pesante at Lumad sa ngalan ng huwad na pag-unlad—sa katotohanan, ang nakikinabang lang dito ay ang dayuhan, tulad ng imperyalistang US at Israel, na sinisipsip ng administrasyon sa paniniwalang tutulungan nila tayo laban Tsina. Hindi rito natatapos ang panggigiit; talamak pa rin ang red-tagging ng AFP-PNP at NTF-ELCAC na mas pinagpupundaran ng gobyerno ng pondo kumpara sa mga batayang sektor. Mas inuuna ang pera at armas kaysa sa taumbayan, at patuloy pa rin ang mga atake at pagpatay sa mga estudyante, Lumad, pesante, at mga aktibista. Ninanakawan na nga ng kabuhayan at tirahan, pati ba ang buhay ng Pilipino?
Mahalagang mabigyang-diin ang pag-alingawngaw ng ating mga panawagan. Huwag tayo matakot maningil sa administrasyon. Patampukin ang ating mga boses, sa pamamagitan ng sining na hindi lang para sa ating kaaliwan kundi pati sa kamulatan. Mula sa rehimeng Marcos hanggang sa loob ng unibersidad, lalo na sa darating na chancellor selection, huwag tumigil sa pagkalampag sa administrasyon.
Hindi tayo manonood lamang sa mga mapanlinlang na naratibo at makasariling proyekto na pinipilit isubo sa atin ng mga nasa itaas. Sa pagbubukas ng panibagong semestre, patuloy nating panindigan ang diwa ng pagiging artista ng bayan at paglingkuran ang sambayanan; kumilos para sa maka-estudyante at makamasa na pamumuno sa Unibersidad at sa bayan. Hindi lamang sa apat na sulok ng silid-aralan, sa tanghalan, o sa loob ng pelikula nagtatapos ang pag-aaral at pakikibaka. Artista ng Bayan, makialam, magalit, at makiisa sa iba’t ibang sektor ng lipunan!
Direksyon ni Amira Kawasa
Dibuho ni Amira Kawasa, Leo Enriquez, at Nadine Belarma
Panulat ni Nini Olgina at Nadine Berlama
Mga tula ni Harry Lorin