27/03/2026
𝐋𝐀𝐁𝐀𝐍 𝐍𝐆 𝐓𝐒𝐔𝐏𝐄𝐑 𝐀𝐘 𝐋𝐀𝐁𝐀𝐍 𝐍𝐆 𝐊𝐎𝐌𝐘𝐔𝐓𝐄𝐑
Bungsod ng pagsasara ng kipot ng Hormuz na siyang daanan ng 20% ng supply ng langis sa mundo dulot ng digmaan ng imperyalistang bansa ng Estados Unidos para sa pag-kamkam ng langis ng Iran, nabawasan ang pandaigdigang supply ng langis ng mundo. Nagresulta ito ng sobra-sobrang pagtaas ng presyo ng diesel na siyang pinapasan ng ating mga tsuper, na ayon pa kina Marcos Jr., ay “Normal” pa raw na sitwasyon. Tuluyan nang ipinaubaya ng pamahalaan ang pasanin ng krisis ng lipunan na ito sa mga pangkaraniwang Pilipino, pasan ng bawat tsuper at komyuter ang tunay na bigat ng pagtaas ng presyo, at ang bigat na ito ay nagiging kalbaryong tila ay walang katapusan.
Sa susunod na linggo, tataas na naman nang mahigit kumulang P12.00 ang presyo ng kada litro ng diesel na magbubunga ng presyong mahigit P150.00 kada litro. Hanggang ngayon, wala pa ring aksyon ang gobyerno kundi ang P5,000.00 ayuda na, ayon sa mga tsuper, ay tatagal lang sa kanila ng dalawang araw. Kulang na kulang ito lalo na sa mga tsuper na sa boundary na lamang napupunta lahat ng kanilang kinikita at nakapag-uuwi na lang na hindi lalampas ng P400 sa kada araw. Panahon na upang harapin at tanggalin sa ugat ang 𝗢𝗶𝗹 𝗗𝗲𝗿𝗲𝗴𝘂𝗹𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗟𝗮𝘄 na nagsisilbing kalasag ng mga dambuhalang kumpanya ng langis gaya ng Petron at Shell upang magtakda ng presyo ayon sa kanilang kagustuhan, habang ang publiko ay naiiwang walang laban. Ang pagpapaubaya sa mga pribadong kumpanya upang diktahan ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan ay pagpapaubaya sa kapakanan ng mga Pilipino sa kamay ng mga gahaman at sakim.
Hindi malayo ang laban ng mga tsuper sa ating mga komyuter, dahil tayo ang mga primaryang mamimili ng mga produktong langis at diesel. Ang welga na inorganisa ng unyon ng mga tsuper ay hindi lamang paghinto ng makina, ngunit ay pagpapatakbo ng isang laban para sa karapatan ng bawat Pilipino na mabuhay nang may dignidad. Ang krudo ang nagsisilbing “dugo” ng kanilang hanapbuhay sa kalsada, sa bawat pisong idinaragdag sa presyo ng petrolyo, katumbas nito ay bawas na kita na dapat sana ay pambili ng bigas, pambayad sa kuryente, o matrikula ng kanilang mga anak.
Kung kaya, nakikiisa ang 𝐔𝐏𝐋𝐁 𝐒𝐢𝐠𝐦𝐚 𝐑𝐡𝐨 𝐅𝐫𝐚𝐭𝐞𝐫𝐧𝐢𝐭𝐲, bilang mga lider at komyuter, sa panawagan ng mga tsuper na wakasin na ang kultura ng pansamantalang kasagutan sa mga krisis ng lipunan, makibaka para sa isang makatarungan at makamasang sistema ng pampublikong transportasyon, at manindigan para sa karapatan ng mga tsuper at ng bawat Pilipino. Mariing ikinokondena ng kapatiran ang paggamit ng mga subsidiya at ayuda na pansamantalang “Band-Aid” na mga solusyon ng pamahalaan bilang piring sa mata ng publiko. 𝗔𝗻𝗴 𝗯𝗶𝗴𝗮𝘁 𝗻𝗴 𝗽𝗮𝘀𝗮𝗻 𝗻𝗮𝘁𝗶𝗻 𝗻𝗴𝗮𝘆𝗼𝗻 𝗮𝘆 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗴𝗮𝗹𝗶𝗻𝗴 𝘀𝗮 𝗹𝗮𝗻𝗴𝗶𝘁, 𝗶𝘁𝗼 𝗮𝘆 𝗴𝗮𝘄𝗮 𝗻𝗴 𝘁𝗮𝗼, 𝗴𝗮𝘄𝗮 𝗻𝗴 𝗯𝗮𝘁𝗮𝘀 𝗻𝗮 𝗽𝗮𝗯𝗼𝗿 𝘀𝗮 𝗶𝗶𝗹𝗮𝗻, 𝗮𝘁 𝗺𝗴𝗮 𝗽𝗼𝗹𝗶𝘀𝗶𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗯𝗶𝗻𝗴𝗶 𝘀𝗮 𝗵𝗶𝗻𝗮𝗶𝗻𝗴 𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗹𝘀𝗮𝗱𝗮.
𝐎𝐈𝐋 𝐊𝐀𝐑𝐓𝐄𝐋, 𝐆𝐀𝐍𝐈𝐃 𝐒𝐀 𝐓𝐔𝐁𝐎!
𝐉𝐔𝐍𝐊 𝐎𝐈𝐋 𝐃𝐄𝐑𝐄𝐆𝐔𝐋𝐀𝐓𝐈𝐎𝐍 𝐋𝐀𝐖!
𝐖𝐄𝐋𝐆𝐀 𝐏𝐀𝐑𝐀 𝐒𝐀 𝐁𝐔𝐇𝐀𝐘 𝐀𝐓 𝐊𝐀𝐁𝐔𝐇𝐀𝐘𝐀𝐍!