15/05/2026
𝐏𝐚𝐤𝐢𝐧𝐠𝐠𝐚𝐧 𝐚𝐧𝐠 𝐬𝐢𝐠𝐚𝐰 𝐧𝐠 𝐌𝐀𝐍𝐀𝐏𝐀𝐊! 𝐒𝐚𝐯𝐞 𝐏𝐚𝐤𝐢𝐥!
Sa patuloy na paglunsad ng mga pagbabago na dala ng panahon, maraming imprastruktura ang kailangan gibain upang magbigay daan sa bago. Ngunit hindi lang ito limitado sa mga gusali o kagubatan, sapagkat maaring madamay rin dito ang araw-araw na buhay ng mga mamamayan at ang kanilang mga tradisyon, kabuhayan, at mga alaala na binuo ng bayan na kinabibilangan nila. Ito ang kinakaharap ng mga mamamayan ng Pakil, Laguna, ang isang proyektong nagbabantang sirain ang buhay na kinalakihan nila, ang Ahunan Hydropower Dam Project.
𝐀𝐧𝐨 𝐚𝐧𝐠 𝐀𝐡𝐮𝐧𝐚𝐧 𝐇𝐲𝐝𝐫𝐨𝐩𝐨𝐰𝐞𝐫 𝐃𝐚𝐦 𝐏𝐫𝐨𝐣𝐞𝐜𝐭?
Ito ay isang proyekto na isinusulong ng Ahunan Power Inc. (AHI) kung saan mahigit 300 na ektarya ng lupa ang maapektuhan sa bayan ng Pakil. Ito ay naglalayong gamitin ang Laguna de Bay bilang pagmumulan ng tubig na gagamitin upang bumuo ng alternatibong pinanggagalingan ng enerhiya alinsunod sa layunin ng Department of Energy na Clean Energy Scenario (CES) sa ilalim ng PEP 2020-2040.
𝐒𝐢𝐧𝐨 𝐚𝐧𝐠 𝐌𝐀𝐍𝐀𝐏𝐀𝐊?
Ang Mamayang Nagmamahal sa Pakil (MANAPAK) ay isang organisasyon na itinayo mga Pakileños na naglalayon pigilan ang pagpapatayo ng Ahunan Dam at ang banta nito sa kanilang kabuhayan, suplay ng malinis na tubig, at ang patuloy na pagkakalbo ng kagubatan. Kasama sa kanilang mga aktibidad ay ang pagsusulong ng mga petisyon kalakip ang pagkuha ng pirma ng mga residente, at ang kanilang page, kung saan sila ay aktibong nagpopost upang magbigay kamalayan sa mga pangyayari sa Pakil. Bukod dito, sila rin ay nagsasagawa ng ‘Sunday Free Market’ kung saan sila ay nagbibigay ng libreng gamit, pagkain, atbp. para sa mga residente.
𝐀𝐧𝐨 𝐚𝐧𝐠 𝐩𝐰𝐞𝐝𝐞 𝐦𝐨𝐧𝐠 𝐠𝐚𝐰𝐢𝐧?
Ang prioridad ngayon ng MANAPAK ay pigilan ang mga aktibidad na kasalukuyang isinasagawa ng Ahunan Power Inc. hangga’t hindi dumadaan ito sa tamang proseso at may sapat na konsultasyon sa mga lokal na residente ng Pakil. Kung kaya’t humihingi sila ng tulong sa mga estudyanteng tulad natin upang mapansin sila ng mga major news outlets at iparating ang kanilang mensahe sa mga kinauukulan.
Halina’t sumama tayo sa sigaw ng MANAPAK! Save Pakil! No to Ahunan!