19/09/2026
HUSTISYA KAY LEAN ALEJANDRO
Ngayong araw, ating ginugunita ang ika-39 na anibersaryo ng pagpaslang kay Lean Alejandro. Isang masikhay na lider-estudyante noong panahon ng Batas Militar, siya ay nagtuloy-tuloy bilang magiting organisador noong administrasyon ni Cory Aquino—hanggang siya ay pinaslang ngayong araw, lagpas tatlong dekada na ang nakakaraan. Sa araw na ito, wala pa ring hustisyang nakakamit sa kanyang pagpaslang.
Kilala si Lean Alejandro sa kanyang intelekwal at walang takot na pagharap sa mga krisis ng lipunan at dahas na dala ng diktadurya. Nagsimula si Lean Alejandro bilang mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman sa kursong BS Chemistry. Sa kanyang pagkamulat sa estado ng inang bansa pagkatapos kumuha ng mga kurso sa kasaysayan at agham pampolitika, siya ay lumipat sa BA Philippine Studies. Kalaunan, siya ay naging manunulat ng lathalain sa opisyal na pahayagan ng pamantasan, ang Philippine Collegian. Ang katapangan ni Lean Alejandro ay tumatagos sa bawat paksa at salita na sinusulat niya sa kanyang mga lathalain. Ang kanyang pag-unlad sa loob ng pahayagan ang mag-uudyok sa kanya upang tahakin ang landas ng pagiging isang ganap na lider-estudyante.
Si Lean Alejandro ay naging myembro ng ilang demokratikong organisasyon, kabilang na rito ang Youth for Nationalism and Democracy (YND) at League of the Filipino Students (LFS). Siya rin ang nagtatag ng Center of Nationalist Studies sa UP Diliman noong 1983. Sa kaparehong taon, si Lean Alejandro ay nahalal bilang tagapangulo ng University Student Council, pagkatapos ng kanyang termino bilang tagapangulo ng College of Arts and Sciences Student Council. Ramdam ng malawak na hanay ng mag-aaral at masang palaban ang apoy ng pakikibaka ni Lean Alejandro sa yugto na ito ng kanyang buhay. Sa taong 1984, pinangunahan ni Lean Alejandro protesta ng mga mag-aaral sa kahabaan ng Mendiola laban sa di-makatarungan na pagtaas ng matrikula—ito ang unang mobilisasyon na nagwakas nang matiwasay matapos ang pag-angat ng Batas Militar. Si Lean Alejandro rin ang nanguna sa pinakamalaking pagtitipon ng mga mag-aaral para sa pagkundena sa asasinasyon ng dating Senador Ninoy Aquino.
Sa tawag ng pangangailangan ng lipunan, si Lean ay lumiban sa pamantasan at tinahak ang pagiging isang full-time na aktibista nang walang alintana sa panganib at inseguridad. Sa mata ng nagbabadyang banta ng dahas ng diktadurya ng Batas Militar, hindi nagpatinag si Lean upang ituwid sa tagumpay ang laban ng sambayanan tungo sa demokrasya. Umalalay si Lean sa pagtaguyod ng mga groupong anti-diktadurya, kabilang na rito ang Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at para sa Amnestiya (SELDA), Kaakbay, Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), at Partido ng Bayan (PnB). Mainit man sa mata ng mga tuta ng pasistang Marcos Sr., hindi huminto ang pagkilos at pag-oorganisa ni Lean. Noong Pebrero 1985, siya ay hinuli at kinulong kasama ang kaibigang si JV Bautista habang nasa gitna ng kilos-protesta. Sa bisa ng Preventive Detention Arrest (PDA)—pakana ng diktador na si Marcos Sr.—na nag-aawtorisa sa mga kapulisan at militar na magdetine ng indibidwal hanggang isang taon na kahit na walang pormal na kaso, sila ay kinulong nang dalawang buwan. Hindi ito naging balakid kay Lean na ginamit ang pagkakabilanggo upang lubos pang magpaunlad ng kamalayan sa pamamagitan ng pagbabasa mga libro at kasulatang intelektwal.
Si Lean Alejandro ay ang punong kalihim ng BAYAN, isang multisektoral na alyansa ng mga progresibong organisasyon at pormasyon sa bansa, nang siya ay bukas na manawagan sa publiko na tumungo sa lansangan upang magprotesta laban sa lumalalang paghahari ng militarya sa administrasyon ni Cory Aquino. Pauwi siya sa base ng BAYAN sa Cubao nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang indibidwal ang kotseng minamaneho niya. Sugatan ang dalawa niyang kasama at si Lean ay natagpuang patay mula sa balang tumagos kanyang sa mukha at leeg. Siya ay 27 taong gulang lamang. Siya ay nag-iwan ng isang byuda, isang anak, at buong bayan na nagluluksa sa pagkawala niya.
Tila ngang mapaglaro ang tadhana dahil pinaslang si Lean dalawang araw bago ang ika-18 na anibersaryo ng pagdeklara ng Batas Militar. Habambuhay na alalahanin ng sambayanan bilang isang lider-aktibista at kakampi ng masa si Lean Alejandro. Hindi mapapantayan ang kanyang katapangan at matalas na pagtingin sa lipunan at mga isyung politikal. Lagpas tatlong dekada matapos ang kanyang pagkamatay, may isang Marcos na naman sa Malacañang at patuloy pa rin ang marahas at reaksyunaryong atake nito sa mga progresibong kabataan na ang tanging hangad lamang ay ang tunay na soberanya ng bansa. Lagpas tatlong dekada matapos ang kanyang pagkamatay, hindi pa rin nakakamit ang hustisya. Ang kanyang sinapit ay hindi nalalayo sa nararanasan ng mga kabataan at lider-aktibista ng kasalukuyang panahon. Walang hamas ang galamay ng pasistang rehimen sa pag-iintimida, pagdadakip, at pagpatay sa mga kakampi ng masa. Lagpas tatlong dekada matapos ang kanyang pagkamatay, madugo pa rin ang kinahihinatnan ng mga indibidwal na kritikal sa kapalpakan ng estado—na buong pusong naglalayong mapanagot ito.
Ngayong anibersaryo ng pagpaslang kay Lean Alejandro, ating ibinibungad sa harap ng pwersa ng marahas na administrasyon na walang nakakalimot, walang nagpapapakasasa, at walang napapayapa. Patuloy ang pag-aaklas ng masang api sa harap ng banta ng armas at bala hangga’t hindi pa nakakamit ang hustisya. Iisa lamang ang buhay ni Lean Alejandro sa mahabang listahan ng mga martir ng sambayanan na isinulat sa dugo ng pasistang estado. Ang mga pangalang ito ay maninirahan magpakailanman sa nagliliyab na puso ng masang ipinapagpatuloy ang kanilang laban.
INUTANG NA DUGO NG PASISTANG REHIMEN!
SINGILIN, SINGILIN, PAGBAYARIN!