19/09/2026
Sa gitna ng lumalalang krisis ng lantaran at garapalang korupsiyon—isang salot na matagal nang nananalasa ngunit lalo pang tumitindi sa ngayon—panahon na upang sama-samang tumindig at ipaglaban ang ating mga karapatan. Bawat piso na ninanakaw sa kaban ng bayan ay isang eskwelahang hindi natatayo, isang g**o at kawaning hindi nasasahod, isang mag-aaral na napipilitang huminto sa pag-aaral. Ito ang tunay na presyo ng korupsiyon: hindi abstraktong numero sa balita, kundi kongkretong sakit na dinaranas ng bawat sambahayang Pilipino.
𝗞𝗜𝗡𝗢𝗞𝗢𝗡𝗗𝗘𝗡𝗔 𝗡𝗚 𝗨𝗣 𝗦𝗢𝗖𝗜𝗨𝗦 ang sistematiko at patuloy na pagkaltas sa badyet ng mga SUC (State Universities and Colleges) at ng edukasyon sa kabuuan, partikular sa Southern Tagalog—isang patakarang lantarang nagpapabaya sa institusyong dapat sana'y siyang gumagabay sa lipunan tungo sa pag-unlad. Kinokondena rin namin ang ganid na Pax Silica at ang mga kasunduang lumalapastangan sa soberanya ng bansa, kasabay ng lalong pagpapalalim ng imperyalistang kontrol ng Estados Unidos sa ating ekonomiya, lupain, at institusyon. Hindi rin maikakait ang lantad na burukrata-kapitalismo at piyudalismo na patuloy na nagpapahirap sa masa, mga sistemang siyang ugat ng mala-kolonyal at mala-piyudal na kalagayan ng ating lipunan.
Kinokondena rin namin ang patuloy na militarisasyon sa loob ng ating mga pamantasan at sa kanayunan, na sa halip na magdulot ng proteksyon ay nagsisilbing kasangkapan upang supilin ang boses ng mga kritikal na sektor. Kaakibat nito ang panunupil sa karapatan at espasyo ng mag-aaral, kabilang na ang patuloy na banta sa mga publikasyong pangkampus na dapat sana'y malayang naglilingkod bilang boses ng katotohanan. Hindi rin namin papayagang mabaon sa limot ang mga bilanggong pulitikal na patuloy na ikinukulong dahil lamang sa kanilang paninindigan, at ang mga biktima ng karahasan ng estado na hanggang ngayo'y naghahanap pa rin ng hustisya.
Bilang mga mag-aaral ng Sosyolohiya, kinikilala namin na ang mga isyung ito ay hindi magkakahiwalay na pangyayari kundi magkakaugnay na bunga ng iisang istrukturang pinaghaharian ng interes ng iilan. Ang bawat institusyong dapat sana'y naglilingkod sa mamamayan—paaralan, ospital, hukuman—ay unti-unting ginagawang instrumento ng panunupil at pagsasamantala. Ito ang mga isyung panlipunang hindi mabigyan ng malinaw at kongkretong solusyon na siyang patuloy na kumikitil sa ating kolektibong imahinasyon upang tanawin ang isang makakalikasan, makatao, at makabansang lipunan—isang lipunang naglilingkod hindi para sa iilan, kundi para sa mga marhinalisado at sa karaniwang mamamayan.
Hindi rin kami maaaring manahimik sa mga usaping pandaigdig. Sumasama ang UP Socius sa panawagang wakasan ang mga digmaang pinamumunuan ng Estados Unidos at ang tuluyang paghinto sa patuloy na genocide sa Palestine sapagkat ang pakikibaka laban sa pang-aapi ay hindi nakukulong sa hangganan ng bansa. Ang ating pakikiisa ay bahagi ng mas malawak na hanay ng mamamayang lumalaban sa imperyalismo saanman ito lumitaw.
𝐁𝐢𝐥𝐚𝐧𝐠 𝐭𝐮𝐠𝐨𝐧, 𝐧𝐚𝐤𝐢𝐢𝐬𝐚 𝐚𝐧𝐠 𝐔𝐏 𝐒𝐨𝐜𝐢𝐮𝐬 𝐬𝐚 𝐔𝐏𝐋𝐁 𝐖𝐚𝐥𝐤𝐨𝐮𝐭 𝐧𝐠𝐚𝐲𝐨𝐧𝐠 𝐁𝐢𝐲𝐞𝐫𝐧𝐞𝐬, 𝐒𝐞𝐭𝐲𝐞𝐦𝐛𝐫𝐞 𝟏𝟖. Kaisa kami sa panawagang ibasura ang mapaminsalang budget cuts at seryosohin ang pagpopondo sa edukasyon; singilin at panagutin ang lahat ng sangkot sa katiwalian ng gobyerno; ipagtanggol ang karapatan at espasyo ng mag-aaral, kasama na ang mga publikasyong pangkampus; ibasura ang Pax Silica at itigil ang militarisasyon sa pamantasan at kanayunan; palayain ang mga bilanggong pulitikal; at ipagkaloob ang hustisya sa mga biktima ng karahasan ng estado.
May you continue to live real lives, and not just by the books.
𝙋𝙚𝙖𝙘𝙚. 𝙇𝙤𝙫𝙚. 𝙐𝙋 𝙎𝙤𝙘𝙞𝙪𝙨 🖤💚