21/09/2025
Paninindigan sa Kasaysayan ng Batas Militar
Sa araw na ito, inaalala at kinikilala ng ABACA-UPLB ang mga naging anak, kapatid, at kapamilya—mga indibidwal na buong tapang na nag-alay ng kanilang buhay at nanindigan para sa hustisya at demokrasya noong panahon ng Batas Militar.
Sa patuloy na pagtatangkang ibaon sa limot ang isa sa pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas, tayong kabataan ay dapat mas lalong palakasin ang hinaing at tinig ng bawat isa. Sa bawat pagtikom ng bibig, maraming katotohanan ang nananatiling nakabaon at pilit na ibinabaon—subalit ang sugat ng nakaraan ay patuloy na dumudugo sa kasalukuyan.
Ating muling balikan at pagnilayan ang ating kasaysayan—isang kasaysayang humubog sa kalagayan ng bayan ngayon. Bilang kabataan, tungkulin nating makilahok sa mga diskurso na nagsisiwalat sa tunay na epekto ng Batas Militar, lalo na sa aspeto ng karapatang pantao, at kung paano ito muling naipapakita sa panahon ng makabagong midya.
Sa ating pagtindig, binibigyang-buhay natin ang alaala ng mga lumaban, at isinusulong natin ang isang kinabukasang malaya, makatarungan, at may pagkilala sa kasaysayan at sa bansa.
Sama-sama, para sa Kabataan at para sa Bayan.