29/04/2026
Isang gabi, matapos pakainin ni Jesus ang libo-libong tao, pinauna Niya ang Kanyang mga alagad sa bangka upang tumawid sa lawa.
Habang nasa gitna sila ng dagat, lumakas ang hangin at nagkaroon ng malalaking alon. Natakot ang mga alagad dahil sa lakas ng bagyo.
Ngunit sa gitna ng dilim at unos, nakita nila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa kanila.
Sa takot nila, inakala nilang multo iyon. Ngunit sinabi ni Jesus, “Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito, huwag kayong matakot.”
Sumagot si Pedro, “Panginoon, kung kayo nga iyan, papuntahin Ninyo ako sa Inyo sa ibabaw ng tubig.” Sinabi ni Jesus, “Halika.”
Bumaba si Pedro sa bangka at nagsimulang maglakad sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. Habang ang tingin niya ay nakatuon kay Jesus, nagagawa niyang lumakad sa gitna ng alon.
Ngunit nang mapansin niya ang malakas na hangin at naglalakihang alon, siya ay natakot at nagsimulang lumubog.
Sumigaw siya, “Panginoon, iligtas Ninyo ako!” Agad siyang inabot ni Jesus at sinabi, “Napakaliit ng iyong pananampalataya.
Bakit ka nagduda?”
Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin at kumalma ang dagat. Noon sumamba ang mga alagad kay Jesus at nagsabing, “Tunay ngang Kayo ang Anak ng Diyos.”
Sa kwento nina Jesus at Pedro, ipinakita na ang taong may matibay na pananampalataya ay kayang gawin ang inaakala ng iba na imposible.
Habang nakatuon si Pedro kay Jesus, nakalakad siya sa ibabaw ng tubig. Ipinapakita nito na kahit gaano kabigat ang problema mo, kaya mong mangibabaw sa lahat na parang naglalakad sa ibabaw ng tubig.
Hindi ka lulubog dahil mas malakas ang pananampalataya mo kaysa sa pagdududa mo.
Ang tunay na lakas ay hindi nasusukat sa dami ng problema, kundi sa tibay ng tiwala mo sa Diyos. Kapag pananampalataya ang pinairal mo, malalampasan mo ang anumang unos ng buhay.
Kung may laban kang kinakaharap ngayon, huwag kang pangunahan ng takot.
Manatili kang nakatingin sa Diyos, dahil kapag ang puso mo ay puno ng pananampalataya, mananatili kang nakatayo at hindi lulubog sa gitna ng bagyo ng buhay.