18/09/2024
Magkakasagupa sina incumbent Cong. Marlyn Primicias-Agabas at Albert Estrella, anak ni dating Congressman at kasalukuyang Agrarian Reform Secretary Conrad Estrella III.
Si Congw. Marlyn ay nanalo nung 2010 at tinapos niya ang kanyang tatlong termino hanggang 2019. Pumalit bilang kongresista naman ang kanyang mister na si dating Board Member at noo'y Tayug, Pangasinan Mayor Tyrone Agabas.
Nitong nakaraang 2022 elections, muling tumakbo at muling nanalo si Congw. Marlyn, samantalang ang kanyang asawang si Cong. Tyrone ay bumalik at muling nanalo na Mayor ng bayan ng Tayug.
Si Sec. Conrad Estrella naman ay unang nahalal na kongresista sa 6th District noong 1992 hanggang 1995. Noong 2001 ay bumalik sa 6th District si Conrad Estrella at siya ay nanalo.
Noong 2007 elections ay makakatunggali sana ni Board Member Marlyn Primicias bilang congressman at maghaharap sila ni Cong. Conrad subalit pinakiusapan si BM Marlyn ng grupo ni Estrella na tumakbo na lamang siya bilang vice governor ng kandidato nilang governor noon na si dating Cong. Amado T. Espino Jr.
Sa 2007 elections na 'yon ay nanalo si Marlyn na vice governor kasama si Espino bilang governor.
Noong 2013 ay bumalik sa Kongreso si Conrad subalit bilang ABONO Partylist representative na.
Muli ay tinapos ni Conrad ang kanyang tatlong termino mula 2013 hanggang 2022 bilang ABONO Partylist congressman. Matagal ng balwarte ng mga Estrella ang 6th District ng Pangasinan mula pa noong 1950s, sa panahon ni dating Governor at DAR Minister Conrado 'Lakay Condring' Estrella, ang lolo ni Sec. Conrad.
Abangan ang kapana-panabik na laban sa ikaanim na Distrito ng Pangasinan.