18/10/2026
CAMPUS CLASH 2026
Mula Hulyo hanggang Oktubre, muling pinatunayan ng mga Kabani ang kanilang talino, talento, pagkamalikhain, at determinasyon sa iba't ibang larangan ng Campus Clash. Mula sa mga unang yugto ng kompetisyon hanggang sa pinakahihintay na Grand Finals, bawat kalahok ay naging bahagi ng isang makabuluhang paglalakbay na nagbigay-daan sa paglinang ng kakayahan at pagkamit ng karangalan para sa kani-kanilang organisasyon.
Sa larangan ng Campus Clash: Balak na iniorganisa ng KKMM, ipinamalas ng mga kalahok mula sa iba't ibang organisasyon ang lalim ng kaisipan at husay sa masining na pagpapahayag. Kinilala bilang Kampeon si Jomari S. Abundo ng PTG, sinundan ni Crystalaine A. Abayan ng Salawikafil bilang Unang Gantimpala, at ni Reyna Mae A. Domecillo ng PTG bilang Ikalawang Gantimpala. Taos-pusong pasasalamat sa mga hurado na sina Bb. Shielah I. Sausa, Bb. Shena Marie Pescador, at G. John Kyle B. Elentorio sa kanilang oras, kaalaman, at makatarungang paghatol na naging mahalagang bahagi ng patimpalak.
Samantala, sa Grand Finals, muling nagningning ang husay ng mga Kabani sa iba't ibang kompetisyon. Nasungkit ni Joralyn D. Pautan ang kampeonato sa Extemporaneous Speaking; nakuha ni John Felix Alejandro ang Unang Gantimpala sa Quiz Bee; at nagkamit si Alaiza Cruz ng Unang Gantimpala sa Spelling Bee. Nagkampeon naman sa Infomercial ang Group 3, na binubuo nina Kathlyn Jean C. Añora, Joseph Ace Y. Cueva, Ivan S. Digal, Marthe Camille E. Tarona, at Alhea Rhaine A. Tumulak. Nakamit din ni Ellyn D. Nacua ang kampeonato sa 4 Pics, 1 Word, habang nagwagi si Vince Lorjan Viagedor ng Unang Gantimpala sa Pinoy Limpiks: Takyan at si Reynaldo Alcesto ng Unang Gantimpala sa Photo Essay.
Higit pa sa mga medalya at pagkilala, kinikilala ng KKMM ang bawat Kabani na lumahok at buong pusong kumatawan sa ating kapisanan sa kabuuan ng paligsahan. Ang inyong pagsisikap, paghahanda, at lakas ng loob na makipagtagisan ay mahalagang bahagi ng ating tagumpay. Sa bawat kompetisyong inyong sinalihan, nagwagi man o hindi, naipamalas ninyo ang diwa ng pakikilahok, pagpupunyagi, at pagkakaisa.
Bilang bunga ng pinagsama-samang resulta mula Hulyo hanggang sa Grand Finals noong Oktubre 14, ipinagmamalaki ng Kapisanan ng Kabataang Makabayan at Maka-Kasaysayan (KKMM) ang pagkamit ng Ikalawang Puwesto sa Pangkalahatang Ranggo ng Campus Clash, na may kabuuang 8 Gintong Medalya, 7 Pilak na Medalya, at 7 Tansong Medalya.
Ang tagumpay na ito ay hindi lamang sukatan ng mga parangal na ating natamo, kundi patunay ng sama-samang pagsisikap, dedikasyon, at pagkakaisa ng bawat Kabani. Sa lahat ng lumahok, nagwagi, at naging bahagi ng makasaysayang paglalakbay na ito, maraming salamat sa pagdadala ng karangalan sa ating kapisanan.
Mabuhay ang bawat Kabani! Mabuhay ang KKMM! Patuloy nating itaguyod ang talino, talento, at diwa ng kabataang makabayan at maka-kasaysayan!