16/10/2026
SGYG ACADEMY: PLANNING AND BUDGETING 101 Pagpapatibay ng Kakayahan ng mga Kabataang Lider sa Mabisang Pagpaplano, Responsableng Pagbabadyet, at Mabuting Pamamahala!
Seal of Good Youth Governance (SGYG) Academy ang Planning and Budgeting 101: A Refresher Course na naglalayong palawakin ang kaalaman at palakasin ang kakayahan ng mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) sa pagpaplano ng mga programang pangkabataan, paghahanda ng badyet, at epektibong pamamahala.
Hinimok ni Hon. Christopher G. Respicio, SK Pederasyon President ng Lungsod ng Santiago, ang lahat ng SK Council na ibigay ang kanilang buong makakaya at sulitin ang karagdagang dalawang taon ng kanilang panunungkulan bilang mga lider-kabataan. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng patuloy na pagtupad sa kanilang mga tungkulin nang may dedikasyon, pananagutan, at malasakit sa kapakanan ng kabataan.
Ang pambungad na mensahe ni Mr. Raul Melegrito, MBA, JD., ay inihatid sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si Mr. Von Louie Cayaba, LGOO III, na nagbigay-daan sa isang makabuluhan at produktibong talakayan.
Inilahad at tinalakay ni Mr. Abdulmoin H. Panglima, Jr., OIC ng Local Youth Development Office (LYDO), ang SGYG Progress Report na nagbigay-diin sa mga nagawa, pag-unlad, at mga inisyatiba ng programa tungo sa mas matatag na pamamahala para sa kabataan.
Tinalakay ni Mr. Von Louie Cayaba, LGOO III, ang mahahalagang DILG Memorandum Circulars upang higit na maunawaan ng mga opisyal ng SK ang kanilang mga tungkulin, responsibilidad, at mga umiiral na alituntunin sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto.
Pinangunahan ni Ms. Ma. Victoria A. De Jesus, Assistant City Planning and Development Coordinator, ang refresher course tungkol sa pagpaplano at pagbabadyet. Nagbahagi siya ng mahahalagang kaalaman hinggil sa maayos na pagpaplano at wastong paglalaan ng pondo para sa mga programang tutugon sa pangangailangan at kapakanan ng kabataan.
Ibinahagi ni Hon. Lucy Claire M. Mateo, SK Chairperson ng Barangay Naggasican, ang mga mabubuting karanasan at kasanayan sa pamamahala ng SK na maaaring magsilbing gabay at inspirasyon sa iba pang mga lider-kabataan sa kanilang mga nasasakupan.
Sa pamamagitan ng inisyatibang ito, higit na pinagtitibay ang kakayahan ng mga opisyal ng SK sa pamamagitan ng muling pagtalakay sa Annual Barangay Youth Investment Program (ABYIP), Annual Budget, at Epektibong Pamamahala ng SK.
Muling binigyang-diin ng aktibidad ang kahalagahan ng maayos na pagpaplano, responsableng pamamahala sa pondo, at malinaw at tapat na pagpapasya upang matiyak na ang bawat programa at proyektong isinasagawa ay makapagbibigay ng makabuluhang serbisyo at positibong epekto sa buhay ng mga kabataan.
Sa pagsisimula ng karagdagang dalawang taon ng panunungkulan ng mga SK Council, nawa'y magsilbing inspirasyon ang gawaing ito upang patuloy silang mamuno nang may integridad, maglingkod nang may pananagutan, at isakatuparan ang mga planong maghahatid ng tunay na pagbabago para sa bawat kabataang Santiagueño.