14/09/2025
https://www.facebook.com/share/p/1BCULL6VmX/
Paisa lang kasi ang dami sa inyo na galing sa iba’t ibang kampo ang sabay-sabay na nagkakampihan para i-criticize ako. Pasensya na, pero hindi ko na bubuksan ang comment section para dito dahil nakaka-frustrate lang makipag-debate sa parehong umiikot na palusot.
Kung tutuusin, parehong kahinaan ang ipinapakita ng tatlong grupo: BBM defenders, Duterte defenders, at Leni defenders sa harap ng pinakamalaking isyu ng korapsyon sa kasaysayan.
Sa panig ng mga BBM defenders, malinaw ang papel ng Pangulo sa budget. Siya ang may kapangyarihang mag-veto ng insertions, siya ang pumipirma sa GAA, at siya ang nag-aapruba ng pagbubukas ng bilyon-bilyong unprogrammed funds. Imbes na ipakita ang political will, pinili niyang ipagtanggol ang kapamilya at mga kaalyado. Hindi ito simpleng kakulangan kundi malinaw na paggamit ng kapangyarihan para protektahan ang sarili kaysa ang bayan. Dagdag pa, hindi luha ang solusyon, hindi sapat ang umiyak sa podcast tungkol sa bigat ng problema kung walang konkretong aksyon at paninindigan. At kung sa tatlong taon sunod-sunod lumampas na sa ₱1 trilyon ang flood control allocations, paano mo ipapaliwanag na hindi ka man lang nagtaka bago pumirma? Hindi ba’t tungkulin mong tiyakin na ang pinipirmahan mo ay hindi puno ng pork at anomalya?
Sa mga Duterte defenders naman, paulit-ulit ang narrative ng “DDS solidarity” at gawing heroine si Sara Duterte kahit malinaw na ang mga kontratista na maraming anomalya ay bilyon-bilyon ang kinita noong panahon ni Rodrigo Duterte. Ang Discaya at iba pang contractors ay hindi imbento—nasa mismong COA at SEC records sila. Imbes na sagutin ang dokumento, ang ibinabalik ay propaganda: gawing biktima ang nakinabang at gawing kontrabida ang naglantad. At kapag hindi kayang pabulaanan ang ebidensya, personalan ang atake ang nagiging sagot.
Sa mga Leni defenders, gets ko na mas nakatutok siya ngayon sa Naga. Pero nabubura ba nito ang laban na ginawa ng buong bayan para sa kanya, at ang impluwensiya na alam nating makapangyarihan sana kung ginagamit sa ganitong panahon? Wala man lang kahit general statement tungkol sa isyu? Kung ang punto ay “tapos na si Leni noong 2022 kaya wag na natin siyang asahan,” eh di sana nanahimik na rin siya noong 2025 elections. Pero hindi dahil naging aktibo siya, nangangampanya, at ginamit ang impluwensiya niya. Ibig sabihin, alam din niya na kahit wala na sa pwesto, may halaga pa rin ang boses niya. Ako mismo, I admire and even campaigned for Leni, pero akala ko na ang namulat hindi na pipikit. Ang masakit, parang pumikit na lang siya. Tandaan: your silence is political. Silence is never neutral. Every choice to remain silent carries consequences in society and politics alike. Sayang ang political capital na puwedeng ginamit para magsalita sa panahong pinakamahalaga ang boses niya.
Nakaka-frustrate dahil sa halip na malinaw na paninindigan laban sa korapsyon, ang nakikita natin ay tatlong klase ng pag-iwas at pagtatakip. Kaya sana, maging Pilipino tayo bago maging tagapagtanggol ng kahit sinong lider. Hindi lahat ng nakapwesto ay karapat-dapat ipagtanggol. At habang pinagtatanggol niyo sila, milyun-milyong Pilipino ang namamatay sa gutom, nagkakasakit dahil sa kawalan ng maayos na serbisyo, at nasisira ang tahanan sa bawat pagbaha. Habang buo ang depensa ninyo para sa iilang makapangyarihan, ang ordinaryong tao ang araw-araw na nababaon sa utang, sa trapik, sa baha, at sa kawalan ng pag-asa. At sa mga piniling manahimik, tandaan: ang katahimikan ay may kabayaran din. Sa gitna ng krisis, ang hindi pagsasalita ay nagmumukhang pagkunsinti at habang walang malinaw na paninindigan laban sa korapsyon, patuloy tayong nilulunod ng parehong sistemang pumapatay sa bayan.