09/11/2025
Repost: Ang Sierra Madre and Natural Flood Control at Natural Storm Barrier ng Luzon sa Bagyo
SAVE SIERRA MADRE DAY | 26 SEPTEMBER
Patuloy na ini-exposè ng Kalikasan ang pagiging vulnerable ng ating bansa sa lumalalang krisis sa Klima.
Noong 2009, iniwan ng Bagyong Ondoy ang matinding pagbaha at pagkawasak sa Metro Manila at karatig-lalawigan. Labing-anim na taon ang lumipas, muling nagpapaalala si Bagyong Opong kung gaano kalubha ang epekto ng krisis sa klima sa ating bansa—mas malalakas na bagyo, mas malalalim na baha, at mas maraming buhay at kabuhayan ang nawawala.
Sa kabila ng bilyon-bilyong pisong inilaan para sa mga flood control projects, nananatiling bulnerable ang mamamayan. Dahil sa anomalya at korapsyon, walang tunay na proteksiyon ang naibibigay. Habang patuloy ang pinsala, gasgas na ang salitang “resilience.” Ang tanong: hanggang kailan natin titiisin ang ganitong paulit-ulit na trahedya?
Nasa harap na natin ang malinaw na sagot: ang Sierra Madre mismo ang ating likas na depensa. Bilang pinakamahabang bulubundukin sa Pilipinas, ito ang natural na harang laban sa bagyo at pagbaha, pangunahing tagapigil ng pagbaha at pagguho ng lupa, at malaking tagapag-imbak ng carbon na nakatutulong pabagalin ang pagbabago ng klima.
Bilang pagkilala sa kahalagahan ng Sierra Madre, idineklara ng Presidential Proclamation No. 413, s. 2012 ang Setyembre 26 bilang Save Sierra Madre Day. Ngunit sa kabila ng opisyal na pagdiriwang na ito, nananatili pa rin ang malalaking banta sa ating kalikasan—dam, pagmimina, at iba pang mapanirang proyekto na patuloy na pumipinsala sa Sierra Madre.
Kung hindi sapat ang kongkretong flood control, panahon na upang magbago ng pananaw. Mas matibay ang mga nature based solutions—pagpapanumbalik ng kagubatan, pangangalaga ng watershed, at pagbibigay-lakas sa mga komunidad at Katutubong Dumagat-Remontado upang ipagtanggol ang kanilang Lupaing Ninuno.
Kaya’t nananawagan kami:
1. Itigil ang Kaliwa Dam Project at iba pang proyektong sumisira sa Sierra Madre.
2. Paigtingin ang pagpapatupad ng National Biodiversity Strategic Action Plan.
3. Palawakin ang mga Key Biodiversity Areas at Protected Areas.
4. Kilalanin at igalang ang karapatan ng mga katutubo bilang tagapagtanggol ng kalikasan.
Si Ondoy at si Opong ay hindi lang mga bagyo sa kasaysayan. Sila’y paalala na kung winawasak ang kalikasan, tayo rin ang nagdurusa. Ngunit kung ipagtatanggol ang Sierra Madre, buhay at kinabukasan ang ating naililigtas. Ang Sierra Madre ay isang malaking Carbon Sink at marapat na proteksyunan.
Ang SIERRA MADRE AY BUHAY!
Muli't - muli "Ang BuhĂ y ng Sierra Madre ay Buhay nating LAHAT!"