03/09/2026
๐๐ฑ๐ถ๐๐ผ๐ฟ๐๐ฎ๐น | ๐๐ฎ๐ป๐ด๐ด๐ฎ๐ป๐ด ๐๐ฎ๐ถ๐น๐ฎ๐ป? ๐๐ป๐ด ๐๐ฎ๐น๐ถ๐ด๐๐ฎ๐๐ฎ๐ป ๐ป๐ด ๐๐ฎ๐๐ฎ ๐๐ฎ ๐๐ถ๐๐ป๐ฎ ๐ป๐ด ๐ฆ๐๐ป๐ผ๐ฑ-๐๐๐ป๐ผ๐ฑ ๐ป๐ฎ ๐๐ฎ๐ฟ๐ฎ๐ต๐ฎ๐๐ฎ๐ป
Nanatiling sentro ng pambansang atensyon ang isyu ng seguridad sa mga paaralan matapos ang nakapangingilabot na school shooting na naganap sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) noong Agosto 18, 2026.
Ayon sa ulat, binaril ng isang mag-aaral na nasa ikawalong baitang ang kanyang mga kaklase sa loob ng silid-aralan. Ito ay nagresulta sa pagkamatay ng isang mag-aaral at pagkasugatan ng ilan pa, bago niya kitilin ang sarili niyang buhay. Dahil dito, isinuspinde ang klase sa AdZU at pinayuhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mahigpit na imbestigasyon sa insidente.
Kasunod ng trahedya, ipinahayag ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang matinding pag-aalala at nagbigay-diin sa pangangailangan ng "Psychological First Aid" at suportang sikolohikal para sa mga apektadong mag-aaral, g**o, at pamilya. Bukod dito, binigyang-diin ni Kalihim Sonny Angara na hindi ito madaling matukoy dahil hindi naman umano nagpakita ng mga senyales ng banta ang batang gumawa ng krimen bago ang insidente. Samantala, sinabi rin ni Kalihim Jonvic Remulla na maaaring kailanganin na muling suriin ang mga patakaran sa seguridad ng mga paaralan, lalo na sa mga pribadong institusyon.
Sa gitna ng trahedyang ito, nagdulot din ng malawakang kontrobersya ang pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro noong isang press briefing kung saan sinabi niyang may mga g**o umanong nagtuturo ng maling asal at kawalan ng paggalang sa mga estudyante. Dahil dito, mariing kinondena ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang naturang pahayag, kung saan sinabi ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na hindi dapat gawing "scapegoat" ang mga g**o para sa mga kakulangan ng sistema ng pamahalaan. Dagdag pa niya, hiniling niya kay Castro na igalang ang mga g**o bilang "pangalawang magulang" ng mga bata at humingi ng paumanhin sa kanila.
Bilang tugon, tumanggi si Castro na humingi ng paumanhin at ipinaliwanag na hindi naman umano niya tinutukoy ang lahat ng g**o kundi ilang partikular na insidente lamang, kabilang ang isang biral na video kung saan may g**o umanong nagturo ng mga salitang nakakainsulto laban sa Pangulo. Iginiit niya na maling-konteksto lamang ang pagkakasabi niya at hindi dapat ikonekta ang kanyang pahayag sa sensitibong isyu ng karahasan sa paaralan.
Gayunpaman, mahalagang tandaan na ang pagpapahalaga sa disiplina, respeto, at mabuting asal ay hindi nagsisimula sa loob ng silid-aralan, ito ay unang natutuhan sa loob ng tahanan. Ang mga magulang ang siyang unang g**o ng bawat bata, at ang mga aral na itinatanim nila sa bahay, kabilang na ang paggalang sa kapwa at pagpipigil sa sarili ay siya pa ring dinadala ng mga mag-aaral sa loob ng paaralan. Kaya naman, hindi patas na isisi sa mga g**o lamang ang buong pananagutan sa pag-uugali ng mga estudyante, gayong ang pundasyon nito ay hinuhubog na sa loob ng tahanan bago pa man makapasok ang bata sa sistema ng edukasyon.
Sa harap ng lahat ng ito, isang bagay ang malinaw, ang mga silid-aralan na dapat sana'y ligtas na tahanan ng kaalaman at pangarap ay unti-unti nang nagiging sentro ng takot at pagdadalamhati.
Hindi na ito basta usapin ng patakaran o pananagutan, ito ay usapin ng buhay ng ating mga kabataan, ng katahimikan ng isip ng bawat magulang na iniisip ang kaligtasan ng kanilang mga anak sa loob ng paaralan araw-araw, at ng tiwalang dapat taglayin ng lipunan sa sistemang dapat sanang nangangalaga sa kanila.
Habang patuloy ang debate kung sino ang dapat sisihin, may mas mahalagang tanong ang dapat harapin ng lahat.
Hanggang kailan pa ba natin hihintayin ang susunod na trahedya bago tunay na kumilos?
Sapagkat sa bawat oras na naantala ang pagbabago, may buhay ding nakasalalay at responsibilidad ng bawat isa, mula sa tahanan hanggang sa paaralan, ang tiyakin na hindi na muling maulit pa ang ganitong karahasan.
โ: Achaia Zeeb Sugarno
๐จ: Dennis Martin De Guzman
๐ป: Johanna Teresa Aguadera