08/11/2025
PBBM, TULOY ANG TRABAHO: MINO-MONITOR ANG SITWASYON SA BUONG PILIPINAS HABANG PAPALAPIT ANG BAGYONG βUWANβ
Naka-full alert na ang lahat ng ahensya ng pamahalaan at agad kumilos upang maging handa sa anumang posibleng epekto ng bagyo.
Ang DOTr at LTFRB ay nakapag-deploy ng mga bus at truck upang tumulong sa mga operasyon ng pre-emptive evacuation. Samantala, ang DSWD, DPWH, AFP, at Philippine Coast Guard ay nakaposisyon na ang mga sasakyang pang-rescue, lifeboats, at relief goods sa mga lugar na maaaring direktang tamaan ng bagyo.
βPatuloy nating binabantayan ang pagtindi ng Bagyong Uwan habang papalapit ito sa Hilagang Luzon,β ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kasalukuyang naka-full monitoring mode upang matiyak ang kaligtasan ng bawat Pilipino.
Bilang bahagi ng agarang paghahanda, suspendido na ang toll fees para sa lahat ng emergency convoy at responders, at may inilaan na mga espesyal na lane upang mapabilis ang paggalaw ng mga sasakyan patungo sa mga high-risk areas.
Sa pakikipag-ugnayan ng Palasyo sa mga ahensya ng pamahalaan, iniulat ng MMDA at mga lokal na pamahalaan na patuloy ang pagtatanggal ng mga sagabal sa kalsada, paglilinis ng mga estero at daluyan ng tubig, at pagtiyak na mabilis ang daloy ng mga operasyon sa Metro Manila at kalapit na probinsya.
Upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan, binuksan ng ilang mall at gusali ang kanilang mga parking areas upang pansamantalang magamit ng mga residente sa mga lugar na madalas bahain.
Sa ilalim naman ng DILG, nagpapatuloy ang pre-emptive evacuation upang mailikas nang maaga ang mga pamilya sa mga lugar na may banta ng landslide at pagbaha bago pa man tumama ang bagyo bukas.
Muling nanawagan ang Pangulo sa publiko na manatiling mahinahon, alerto, at handa, kasabay ng paalala na sundin ang mga anunsyo at abiso ng mga lokal na opisyal.