Katribu Youth

Katribu Youth Katribu Youth advocates for the rights of IPs & Moro to their ancestral lands & self-determination.

128 Taon ng Huwad na Kalayaan: Wakasan ang paghahari ng Imperyalismong US at ng mga lokal na papet! Sa ika-128 anibersar...
13/06/2026

128 Taon ng Huwad na Kalayaan: Wakasan ang paghahari ng Imperyalismong US at ng mga lokal na papet!

Sa ika-128 anibersaryo ng paggunita sa kalayaan ng Pilipinas, nakikiisa ang Kabataan para sa Tribung Pilipino sa sambayanang Pilipino sa mariing pagkondena sa imperyalismong Estados Unidos bilang pangunahing hadlang sa pagkamit ng tunay na kalayaan. Mahigit isang siglo matapos ang pormal na kolonisasyon, nananatili ang kontrol ng Estados Unidos sa ating ekonomiya, pulitika, at kultura sa pamamagitan ng mga hindi pantay na kasunduan at ng pagpapakatuta ng mga naghaharing rehimen. Habang ginagamit nito ang ating likas na yaman at lakas-paggawa upang isulong ang sarili nitong interes, patuloy namang ipinagkakait sa mamamayan ang karapatang magpasya para sa sariling kaunlaran.

Lubos na naaapektuhan ng ganitong sistema ang mga katutubo at Moro. Sa ngalan ng "kaunlaran" at "pamumuhunan," itinulak ng rehimeng Marcos Jr. ang mga kasunduang gaya ng US-PH Critical Minerals Agreement at Pax Silica na nagsisilbi sa layunin ng Estados Unidos na tiyakin ang kontrol sa suplay at pagproseso ng mga yamang mineral para sa kanyang industriya ng armas, imprastraktura ng Artificial Intelligence, at iba pang estratehikong pangangailangan nito. Kapalit nito ang pagkakamkam sa mga lupang ninuno, pagpapalawak ng mga minahan at mga base militar, at pagsikil sa karapatan ng mga komunidad na matagal nang nagtatanggol sa kanilang lupain.

Makikita ito sa iba't ibang panig ng bansa. Sa Brgy. Bitnong, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya, mahigit 3,000 ektarya ng lupang ninuno at sakahan ang nanganganib na masira dahil sa planong pagmimina ng Woggle Corporation. Sa Gitnang Luzon, nahaharap ang mga Aeta sa bantang pagpapalayas bunsod ng planong 1,620 ektaryang Economic Security Zone sa New Clark City kung saan itatayo ang production hub ng mga kagamitang pandigma ng US at ang kaakibat nitong imprastrukturang pang-AI. Samantala, marami pa ring Moro na naapektuhan ng Marawi Siege ang hindi makabalik sa kanilang mga tahanan habang patuloy ang pagpapalawak ng mga pasilidad na may kaugnayan sa EDCA.

Kapag tumitindig ang mamamayan laban sa pangangamkam at panghihimasok, dahas ang nagiging tugon ng estado. Patuloy na nararanasan ng mga katutubo at Moro ang militarisasyon, operasyong militar, at mga pagsasanay-pandigma na pinalalakas ng lumalawak na presensya ng Estados Unidos sa bansa. Mayo ngayong taon, naganap ang Salaknib, Kasangga, at Marine Exercises sa mga komunidad sa kanayunan. Taliwas sa pagpapatatag ng “external na depensa,” ang mga ehersisyong pang-militar ay ginawa sa mga komunidad ng mga magsasaka at mangingisda upang palakasin ang pagsupil sa mga komunidad na nagtatanggol sa kanilang lupa, kabuhayan, at karapatan sa tabing ng kontra-insurhensya. Sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr., ang "pambansang seguridad" ay ginagamit upang bigyang-katwiran ang paghahasik ng takot, ligalig, at paghinto ng hanapbuhay sa ating mga komunidad.

Gayunpaman, hindi kailanman magagapi ang diwa ng paglaban. Patuloy na nagtatayo ng mga barikada ang mga komunidad, nagpapalakas ng mga organisasyon, at nakikipagkaisa sa iba’t ibang sektor upang tutulan ang imperyalismong Estados Unidos at ang mga lokal na kasabwat nito. Ang tunay na kasarinlan ay hindi ipinagkakaloob ng mga dayuhan o ng mga naghaharing rehimen. Ito ay ipinaglalaban at nakakamit sa sama-samang pagkilos ng mamamayang Pilipino—lalo na ng mga katutubo at Moro—upang igiit ang karapatan sa sariling pagpapasya, ipagtanggol ang lupang ninuno, at itaguyod ang isang lipunang tunay na malaya, makatarungan, at nagsisilbi sa nakararami.




𝗖𝗔𝗟𝗟 𝗙𝗢𝗥 𝗗𝗢𝗡𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡Noong bata tayo, may nagtiyak na may lapis tayo. Tara, gawin natin 'yon para sa iba. 💛We are calling fo...
11/06/2026

𝗖𝗔𝗟𝗟 𝗙𝗢𝗥 𝗗𝗢𝗡𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡

Noong bata tayo, may nagtiyak na may lapis tayo. Tara, gawin natin 'yon para sa iba. 💛

We are calling for in-kind donations para sa kabataang Ati ng Sitio Maislap. Kahit magkano ang inyong donasyon, maging lapis, notebook, at ano pa man na kanilang magagamit, isang malaking pag-asa para sa isang bata sa SIBOL Learning Center.

📌 Paano mag-donate:

💸 Cash: i-scan lang ang QR code sa poster (InstaPay)

🎒 In-kind: lapis, notebook, ballpen, gunting, krayola, pad paper, envelope

Mag-message sa aming page para sa address at pick-up details!

Tara! Maging bahagi ng pagbibigay pag-asa. Bawat bata ay may karapatang matuto, at kaya nating tulungan silang makarating sa pinto ng edukasyon. 💛

📘 Facebook: Katribu Youth
📷 Instagram:

MULA AQUINO HANGGANG MARCOS JR., NANANATILING BIGO ANG CARP NA MAGHATID NG TUNAY NA REPORMA SA LUPA!Kahapon, Hunyo 10, 2...
11/06/2026

MULA AQUINO HANGGANG MARCOS JR., NANANATILING BIGO ANG CARP NA MAGHATID NG TUNAY NA REPORMA SA LUPA!

Kahapon, Hunyo 10, 2026, sa ika-38 anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), muli nating inilantad ang kabiguan ng programang ipinangakong lulutas sa malawak na kawalan ng lupa sa kanayunan. Mula nang ipatupad ito noong 1988 sa ilalim ni Corazon Aquino hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Marcos Jr., nananatiling ipinagkakait sa mga magsasaka ang karapatan sa lupang kanilang pinagyayaman. Sa pamamagitan ng mga ligal at burukratikong mekanismo, napanatili ng mga panginoong maylupa at malalaking korporasyon ang kontrol sa malalawak na lupain. Sa kabila ng mga ipinagmamalaking Certificates of Land Ownership Awards (CLOAs), marami sa mga benepisyaryo ang patuloy na pinapalayas sa kanilang mga sakahan, patunay sa kabiguan ng Department of Agrarian Reform (DAR) na tiyakin ang tunay na seguridad sa lupa.

Lalong tumitindi ang epekto ng huwad na repormang ito sa mga katutubo at Moro, na ang mga lupang ninuno at karapatan sa sariling pagpapasya ay hindi maihihiwalay sa tunay na reporma sa lupa. Sa halip na magsilbing pananggalang, nagiging instrumento rin ang DAR at CARP, kasama ang Indigenous Peoples' Rights Act (IPRA) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), sa pagpapadali at pagtatakip sa pangangamkam ng lupa para sa interes ng malalaking negosyo at dayuhang kapital.

Malinaw ito sa karanasan ng mga Molbog sa Sitio Mariahangin, Brgy. Balacbac, Bugsuk, Palawan. Mahigit 5,000 ektarya ng kanilang lupang ninuno ang kinakamkam ng San Miguel Corporation para sa proyektong ecotourism. Noong 2014, isinailalim ng DAR sa Notice of Coverage ng CARP ang lupain, ngunit binawi ito noong 2023 sa dahilang hindi umano angkop para sa agrikultura. Gayunman, noong dekada 1970, ginamit ito ni Danding Cojuangco bilang nursery ng hybrid coconut trees at naging pinagkukunan ng kabuhayan ng ilang henerasyon ng Molbog. Nang ipaglaban nila ang kanilang karapatan, naging katuwang pa ang DAR sa pagsasampa ng gawa-gawang kasong grave coercion laban sa 10 kasapi ng komunidad at sa pamimigay ng demolition notice sa mahigit 300 residente.

Ganito rin ang sinapit ng mga Krinteken-Ilentungen Menuvu sa Don Carlos, Bukidnon. Sa pamamagitan ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT), hinahati-hati ang kanilang lupang ninuno at inilalantad ito sa higit pang pangangamkam. Samantala, ginagamit ng Green Arrow Agriventures, Inc. (GAAVI), subsidiarya ng Kennemer Foods International, ang kawalang-aksyon ng DAR upang bakuran ang 2,032 ektaryang lupang ninuno ng komunidad. Dahil dito, pitong ektarya na lamang ang natitirang malayang nagagamit ng mga katutubo sa sarili nilang lupain. Ito ang tunay na mukha ng CARP: hindi pamamahagi ng lupa kundi mas sopistikadong anyo ng dispossession para sa interes ng malalaking korporasyon at dayuhang kapital.

Naninindigan ang Kabataan para sa Tribung Pilipino na ang solusyon sa krisis sa pagkain at kahirapan sa kanayunan ay hindi matatagpuan sa huwad na reporma at pakitang-taong pamamahagi ng mga sertipiko. Kinakailangan ang tunay na reporma sa lupa, komprehensibong suporta sa mga magsasaka, pagtatanggol sa mga lupang ninuno, at pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon upang makamit ang tunay na kasarinlan at seguridad sa pagkain. Habang nananatiling buhay ang mga patakarang nagsisilbi sa interes ng iilan, magpapatuloy ang pakikibaka ng mamamayan para sa lupa, kabuhayan, at pambansang paglaya.

Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban!
Lupa sa magsasaka, hindi sa dayuhan!
Kabataan, makibaka at makiisa sa pakikibaka ng mga magsasaka!



09/06/2026

Huwad ang kalayaang tinatamasa ng mamamayang Pilipino hanggat kontrolado ng Imperyalistang US ang ating ekonomiya, pulitika, militar at kultura.

Sa ilalim ng Rehimeng Marcos Jr., lalong umigting ang pagpapakatuta sa pagpasok niya sa mga di pantay na kasunduan tulad ng Pax Silica, pagpayag sa pagtatayo ng refueling hub at sa paglalagak ng mga kagamitang pandigma sa mga EDCA sites at patuloy na pagdami ng mga war exercises kasama ang iba pang alyado ng Imperyalistang US.

Sa gitna ng krisis na bunga ng gerang agresyon ng US at Israel, pinagpapatuloy lamang ni Marcos Jr. ang pagpapatupad ng mga neoliberal na mga polisiya katulad ng Oil Deregulation Law, EPIRA, VAT atbp.

Kaya sa June 12, magkitakita tayo para muling irehistro ang ating mga panawagan.

Tunay na kalayaan, ipaglaban!
Itakwil ang taksil at papet na Rehimeng Marcos!
Imperyalismo, ibagsak!

June 12 | 9am | TM Kalaw corner Taft Avenue, Manila

09/06/2026

As we prepare to commemorate the Philippine Independence Day this June 12, let us take time to deepen our understanding and discuss the history of Philippine independence and the significant role of Indigenous Peoples in the long struggle for genuine freedom and self-determination.
Through learning and discussion, let us strengthen our collective journey toward national liberation.

PANAKA-WAYA-WAYA: A Discussion on Philippine Independence and the Role of the Indigenous Peoples

🗓️June 10, 2026 | 5:00PM
📍AVR Room, St. Andrew's Theological Seminary, 275 E Rodriguez Sr. Ave, Quezon City.

ISULONG ANG NASYUNALISADO, MAKA-MAMAMAYAN, AT MAKAKALIKASANG SISTEMA NG KURYENTE!Mahigit dalawang dekada nang pinapasan ...
08/06/2026

ISULONG ANG NASYUNALISADO, MAKA-MAMAMAYAN, AT MAKAKALIKASANG SISTEMA NG KURYENTE!

Mahigit dalawang dekada nang pinapasan ng sambayanang Pilipino ang mabigat na epekto ng Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA) o RA 9136. Ipinasa ito sa ilalim ng administrasyong Arroyo sa pangakong lulutasin ang krisis sa enerhiya at ang utang ng National Power Corporation (NPC). Gayunman, sa halip na papanagutin ang mga sangkot sa mga dehadong kontrata sa Independent Power Producers (IPPs), ginamit ang krisis upang isapribado ang sektor ng kuryente. Bunga nito, nailipat sa mamamayan ang bilyun-bilyong utang ng NPC sa pamamagitan ng mga dagdag-singil tulad ng universal charge at sinemento ang pagtalikod ng pamahalaan sa kanyang tungkulin na tiyakin ang isang abot-kaya at maasahang serbisyo sa kuryente.

Sa ilalim ng EPIRA, hinati ang industriya sa Generation, Transmission, Distribution, at Supply, na nagbigay-daan sa konsolidasyon ng kapangyarihan sa kamay ng iilang korporasyon at oligarko. Umiral ang monopolyo, kartelisasyon, at manipulasyon sa presyo at suplay sa pamamagitan ng mga mekanismong tulad ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at Retail Competition and Open Access (RCOA). Ang mga artipisyal na kakulangan sa suplay ng kuryente dulot ng sabayang maintenance shutdown ng malalaking planta ay nagtutulak sa presyo sa mga antas na umaabot sa higit ₱60 kada kilowatt-hour (kWh). Patuloy na lumalaki ang kita ng malalaking kumpanya sa enerhiya at ipinapasa sa mamamayan ang mga gastos sa produksyon, transmisyon, at operasyon. Matapos ang mahigit 25 taon, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na singil sa kuryente sa Asya. Pinalalala pa ito ng 12% Value-Added Tax (VAT) sa kuryente at iba pang singiling ipinapasan sa mga konsyumer.

Lalong pinalala ng sistemang ito ang kawalan ng maaasahang akses sa kuryente sa maraming isla, kabundukan, at komunidad ng mga magsasaka at pambansang minorya. Sa kabila ng ipinagmamalaking “total electrification” ng pamahalaan, marami pa ring lugar ang nakararanas ng limitadong serbisyo at madalas na brownout. Habang tumitindi ang epekto ng mataas na presyo ng enerhiya sa kabuhayan, edukasyon, kalusugan, at iba pang pangunahing pangangailangan, nananatiling tapat ang rehimeng Marcos Jr. sa mga neoliberal na patakarang pumapabor sa pribatisasyon at dominasyon ng mga oligarko sa sektor ng kuryente.

Sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., higit pang pinalawak ang liberalisasyon at pribatisasyon ng sektor ng enerhiya sa pamamagitan ng agresibong pagbubukas nito sa dayuhang pamumuhunan at malalaking renewable energy projects. Bagamat inihaharap ang mga ito bilang solusyon sa krisis sa enerhiya at pagbabago ng klima, marami sa mga proyektong solar, wind, hydro, at iba pang renewable energy projects ang nagbubunsod ng pangangamkam ng lupa, paglabag sa karapatan ng mga katutubo at Moro, at pagkasira ng kalikasan. Sa halip na tiyakin ang murang kuryente para sa mamamayan, nagiging bagong larangan lamang ito ng akumulasyon ng tubo para sa malalaking lokal at dayuhan na korporasyon.

Patunay ito na sa ilalim ng EPIRA, ang kuryente ay itinuturing na kalakal para sa tubo at hindi batayang serbisyong panlipunan. Dahil dito, kaisa ang Kabataan Para sa Tribung Pilipino sa panawagan na ibasura ang EPIRA, wakasan ang pribatisasyon ng sektor ng enerhiya, at isulong ang isang nasyunalisado, maka-mamamayan, at makakalikasang sistema ng kuryente. Dapat manaig ang karapatan ng mamamayan sa abot-kaya at maaasahang serbisyo kaysa sa tubo ng iilang korporasyon at dayuhang kapitalista.




07/06/2026

🚨 1,600 hectares of land - carved out from Indigenous and farming communities in the Philippines - will be turned over to the U.S., Israel, and their allies for AI manufacturing, including war-tech.

Thousands of additional hectares across the country will be mined for critical minerals to feed this AI hub.

This is Pax Silica in the Philippines.

ILPS Philippines has initiated a call for global solidarity to reject the US-led Pax Silica.

We invite your organization to support the Filipino people: SHUT THE PAX DOWN! ✊

✍️ Read and sign our full statement here: https://bit.ly/ShutThePaxDown

We will publish the statement and the list of signing organizations on June 12, as the Philippines marks its sham Independence Day.

Long live international solidarity!

Bakit pumupunta ang mga kabataan sa komunidad?Ang pagpunta sa komunidad ay isang mulat na hakbang upang higit na maunawa...
05/06/2026

Bakit pumupunta ang mga kabataan sa komunidad?

Ang pagpunta sa komunidad ay isang mulat na hakbang upang higit na maunawaan ang kalagayan ng lipunan at ang mga realidad na kinakaharap ng mamamayan. Sa pakikisalamuha sa masa, nakikita namin kung paano nakaaapekto ang umiiral na sistema sa buhay ng nakararami at kung bakit mahalagang kumilos para sa tunay na pagbabago.

Hindi ito bunga ng panlilinlang, kundi ng kusang pagpapasyang makinig, matuto, at makiisa sa sambayanan. Sa bawat karanasan sa komunidad, mas tumitibay ang paniniwalang ang pagbabago ay posible sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos.

Basahin ang mga natutuhan ng mga miyembro ng Kabataan Para sa Tribung Pilipino mula sa kanilang maikli ngunit makabuluhang pagbisita sa mga residente ng Parola.

Kabataan, palawakin ang isipan! Pag-aralan ang lipunan! Paglingkuran ang sambayanan!



MULA KALUNSURAN HANGGANG KANAYUNAN, IPAGLABAN ANG KARAPATAN SA LUPA, KABUHAYAN, AT BUHAY!Bilang pakikiisa sa mga biktima...
05/06/2026

MULA KALUNSURAN HANGGANG KANAYUNAN, IPAGLABAN ANG KARAPATAN SA LUPA, KABUHAYAN, AT BUHAY!

Bilang pakikiisa sa mga biktima ng sunog sa Parola Compound, Binondo, Maynila, nagsagawa ang Kabataan para sa Tribung Pilipino (KATRIBU Youth) ng dalawang-araw na community visit sa lugar. Matatandaang noong Mayo 23, 2026, sumiklab ang malaking sunog sa Barangay 275 na nakaapekto sa humigit-kumulang 2,500 pamilya.

Kasama ang mga lider-kabataan at lider-komunidad ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Tundo (PAMATU), nagsagawa ang KATRIBU Youth ng pagsisiyasat sa naging epekto ng sunog, talakayan hinggil sa mga proyektong pang-imprastraktura ng San Miguel Corporation (SMC) at Department of Public Works and Highways (DPWH), at pagbabahay-bahay upang mamahagi ng mainit na pagkain at makipag-usap sa mga residente tungkol sa banta ng demolisyon.

Ibinahagi ng mga residente na kasalukuyang nahaharap ang komunidad sa mga proyektong tulad ng Southern Access Link Expressway (SALEX), Pasig River Expressway (PAREX), at North-South Harbor Bridgeway (NSHB). Kaugnay nito, marami nang bahay sa Parola ang na-tag bilang maaapektuhan ng mga proyekto, kabilang ang ilan sa mga nasunog kamakailan. Bagama’t isang naiwang charger ang itinuturong sanhi ng sunog, nananatili ang pagdududa ng ilang residente dahil sa banta ng pagpapaalis sa kanilang komunidad.

Ayon kay Ka Ambeng, Pangulo ng PAMATU, hindi sila tutol sa kaunlaran ngunit iginiit nilang dapat itong isulong nang may konsultasyon at pakikilahok ng mamamayan. “Hindi kami nakikipaglaban nang personal. Nakikipaglaban kami ayon sa aming karapatan,” aniya. Sa kanilang paninindigan, pinanghahawakan ng mga residente ang mga umiiral na batas at proklamasyon na kumikilala sa kanilang karapatan sa paninirahan sa Parola.

Patuloy na nakikiisa ang KATRIBU Youth sa laban ng mga maralitang tagalungsod para sa karapatan sa lupa, pabahay, kabuhayan, at buhay. Tulad ng mga pambansang minorya sa kanayunan, nakaugat din ang kanilang pakikibaka sa usapin ng lupa at karapatang manatili sa kanilang komunidad. Sa pamamagitan ng patuloy na pakikipamuhay at pakikiisa sa mga komunidad, layunin nating palakasin ang sama-samang pagkilos para sa tunay na pagbabago sa lipunan.



KABATAAN, MARIING KUNDENAHIN ANG DEMOLISYON SA SITIO MALATABAKO!Mariing kinukundena ng Kabataan para sa Tribung Pilipino...
03/06/2026

KABATAAN, MARIING KUNDENAHIN ANG DEMOLISYON SA SITIO MALATABAKO!

Mariing kinukundena ng Kabataan para sa Tribung Pilipino ang naganap na demolisyon sa Sitio Malatabako, Abra de Ilog, Occidental Mindoro. Kinakamkam ng magkasabwat na puwersa ng Pieceland Corporation at Hacienda Almeda ang lupain ng mga Mangyan-Iraya sa Sitio upang patayuan ng subdivision. Nitong Abril 8, nagdesisyon ang Municipal Trial Court (MTC) ng Abra de Ilog, Occ. Min na ikulong ang siyam (9) na residente sa kasong “Other Forms of Trespass” sa kanila mismong kinalakihan na pamayanan. Ang mga gawaing ito ay lantarang pag-atake sa karapatan ng mga Mangyan-Iraya sa kanilang lupang ninuno, lalo na’t kadikit sa kanilang mga lupain ang mga pang araw-araw na pangangailangan. Simula nang dumating ang Pieceland, dumanas ng paghihikahos at matinding pag-atake sa karapatang pantao ang mga Mangyan-Iraya.

Dalawang taon na ang dumaan simula Mayo 3, 2024 kung saan nabili diumano ng Pieceland Corporation at ni Edwin Almeda ang 30-ektaryang Sitio Malatabako. Tinayuan ng bakod at pinaligiran ng pader ang mga katutubo sa tulong ng lokal na pulis at militar, na naglagay sa panganib ng kabuhayan ng pitumpu’t-walo (78) na pamilyang nakatira dahil sa pagbabawal sa kanilang lumabas. Nagsunud-sunod ang mga remedyo-legal at pasistang atake ng Pieceland sa komunidad noong 2024 pa lamang. Hunyo 13 ay nagsimula ang pag-aresto sa kasong “malicious mischief” dahil sa pagkasira ng ilang bakod, Agosto 3 ay kinuryente at ikinulong nang isang linggo si G. Sonny Sinigmayon, at Oktubre 18 ay inaresto ang 32 na residente kasama ang mga menor de edad at senior citizen dahil sa mga kaso ng trespassing, malicious mischief, atbp.

Mula 2024 ay naging malubha ang kalagayan ng komunidad sa gitna ng pang-aagaw sa kanilang lupa. Mahigpit na tinitiktikan ang labas-masok sa sitio at agad na hinaharang ang dating ng mga donasyon, pagkain, at ibang pangangailangan at kinakastigo ang pagpuslit ng mga nagpapasok ng mga rekurso. Ayon sa ulat ng mga Mangyan-Iraya, humantong ito sa pagkasawi ng isang matandang babae dahil sa labis na kagutuman. Lantad din ang abuso ng mga guwardiya tulad ng pagnanakaw ng alagang hayop, pantotortyur, at samu’t saring nakakarimarim na abusong sekswal sa kababaihan.

Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, naging saksi ang Katribu Youth sa matapang na pag-piket at pagharap sa sunud-sunod na ligal na aksyon at protesta ang mga Mangyan-Iraya upang pabulaanan ang mga paratang at ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupang ninuno. Sa pagpapatuloy ng demolisyon sa kanilang komunidad, lalo nating higpitan ang ating ugnayan at imarka ang kanilang panawagan upang igiit ang kanilang karapatan!


Address

Diliman District

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when Katribu Youth posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Contact The Organization

Send a message to Katribu Youth:

Share