24/07/2026
𝗧𝗜𝗡𝗜𝗚 𝗔𝗧 𝗧𝗜𝗧𝗜𝗞 : 𝗣𝘂𝘀𝗼 𝗼 𝗜𝘀𝗶𝗽𝗮𝗻?
Mahirap nga bang pumili?
Sabi ng iba, mas piliin mong sundin ang sinasabi ng iyong isipan dahil makabubuti ito para sa iyo. Ngunit may iba ring nagsasabing mas piliin mong sundin ang nilalaman ng iyong damdamin upang makamtan ang tunay na kaligayahan at kapayapaan.
Ang buhay ay tila isang mahabang paglalakbay sa gitna ng sangandaan. Sa bawat hakbang na ating tinatahak, may landas na kailangang piliin at pintuang dapat buksan. Walang sinuman ang hindi nakaranas ng hamon ng pagpapasya, sapagkat ang tao ay nilikhang may kakayahang umunawa at may kalayaang pumili. Ngunit kasabay nito ang mabigat at mahirap na pananagutang harapin ang mga resultang idinudulot ng ating mga pasya. Sa gitna ng mahabang katahimikan, dalawang tinig ang laging nag-uunahan—ang pintig ng puso at ang bulong ng isipan.
Ang puso ay parang ilog na malayang rumaragasa. Hindi nito inaalam kung gaano kahirap ang maaaring daanan o kung gaano katarik ang mga batuhan; ang mahalaga rito ay makarating sa nais nitong patutunguhan. Ito ang dahilan kung bakit natututo tayong magmahal nang walang hinihinging kapalit, mangarap kahit walang katiyakan, at magpatawad kahit paulit-ulit na nasasaktan. Ang puso ang nagbibigay ng kapayapaan sa magulo nating buhay. Ngunit tulad ng ilog na maaaring umapaw at hindi mapigilan, ang pusong pinaghaharian ng bugso ng damdamin ay maaaring tangayin ang tao sa mga pasyang hindi pinag-isipang mabuti. Sa isang iglap ng galit, takot, o labis na pag-ibig, maaari nating mabago ang lahat. Ang pusong dating nagbibigay ng kapayapaan ay siya na ring nagdudulot ng kaguluhan.
Sa kabilang dako, ang isipan ay tila isang liwanag sa gitna ng madilim na gabi. Hindi ito nagpapadala sa agos ng damdamin sapagkat inuunawa muna nito ang bawat hakbang na tatahakin. Sinusukat nito ang bawat posibilidad, sinusuri ang bawat panganib, at maingat na hinahanap ang katotohanang nakatago sa likod ng bawat pagpipilian. Ang isipan ang nagsisilbing gabay upang hindi tayo maligaw sa rumaragasang alon ng buhay. Ngunit kung ito lamang ang ating pakikinggan, maaaring hindi rin maging maganda ang kalalabasan. Maaari nating makalimutang ang tao ay hindi lamang nabubuhay sa lohika, kundi pati na rin sa pag-ibig at pag-asa. Ang desisyong laging nakabatay sa katuwiran ngunit salat sa damdamin ay maaaring tama sa isip, ngunit mali sa puso.
Kung gayon, alin nga ba ang dapat manaig?
Marahil, mali ang tanong na ito. Sapagkat ang tunay na karunungan ay hindi nasusukat sa pagpili kung alin ang dapat manaig, kundi sa kakayahang pag-isahin ang dalawang kapangyarihan. Ang puso at isipan ay hindi magkalaban; sila ay nagsisilbing dalawang pakpak ng iisang ibon. Kapag isa lamang ang kumikilos, hindi ito makalilipad nang maayos at ligtas. Ngunit kapag sabay silang pumapagaspas, nagiging matuwid ang paglipad sa kabila ng malalakas na hanging kanilang hinaharap.
Hindi dapat ituring na eksperimento ang pagdedesisyon na maaaring ulitin kapag hindi natin nakuha ang nais na resulta. Ang buhay ay hindi laboratoryo kung saan maaaring palitan ang bawat pagkakamali na tila ba walang naging kapalit. Ang pagpapasya ay nag-iiwan ng bakas—sa ating pagkatao, sa ating kapwa, at sa mundong ating ginagalawan. Ang mga salitang minsang nasambit ay hindi na mababawi, ang mga pagkakataong pinalampas ay hindi na kailanman maibabalik, at ang mga maling landas na ating tinahak ay maaaring mag-iwan ng mga sugat na habambuhay nating dadalhin.
Kaya bago natin hayaang manaig ang pintig ng damdamin o ang tinig ng isipan, nararapat muna nating hayaang magsalita ang dalawang kapangyarihang ito. Sapagkat sila ang tulay na nagdurugtong sa kabutihan at kalayaan. Sila ang paalala na ang bawat pasya ay hindi lamang tungkol sa ating nais, kundi pati na rin sa kung ano ang nararapat, makatarungan, at makabubuti hindi lamang para sa ating sarili kundi maging sa ating kapwa.
Sa huli, ang buhay ay hindi hinuhubog ng pagkakataon kundi ng mga karanasan at pasyang ating pinaninindigan. Ang puso ang nagbibigay ng dahilan upang tayo'y mangarap, samantalang ang isipan ang nagtuturo kung paano ito matutupad. Kapag ang damdamin ay ginabayan ng karunungan at ang katuwiran ay sinabayan ng pagmamahal, ang bawat desisyon ay nagiging hindi lamang tama, kundi tunay na nararapat. At marahil, ito ang pinakamahalagang aral ng buhay—na ang pinakamahalagang pasya ay yaong bunga ng pusong marunong magmahal at isipang marunong umunawa.
𝗦𝗦𝗟𝗚 𝗟𝗜𝗧𝗘𝗥𝗔𝗧𝗨𝗥𝗘 | 𝗪𝗼𝗿𝗱𝘀 𝘁𝗵𝗮𝘁 𝗶𝗻𝘀𝗽𝗶𝗿𝗲𝘀. 𝗦𝘁𝗼𝗿𝗶𝗲𝘀 𝘁𝗵𝗮𝘁 𝗠𝗮𝘁𝘁𝗲𝗿𝘀.
Author: Alexa Gail M. Locsin