10/05/2025
𝐏𝐚𝐫𝐚 𝐬𝐚 𝐚𝐦𝐢𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐝𝐚𝐭𝐢𝐧𝐠 𝐤𝐚𝐬𝐚𝐦𝐚𝐡𝐚𝐧 𝐬𝐚 𝐦𝐠𝐚 𝐔𝐫𝐛𝐚𝐧 𝐏𝐚𝐫𝐭𝐲 𝐂𝐨𝐦𝐦𝐢𝐭𝐭𝐞𝐞 𝐧𝐠 𝐒𝐨𝐮𝐭𝐡𝐞𝐫𝐧 𝐌𝐢𝐧𝐝𝐚𝐧𝐚𝐨 𝐑𝐞𝐠𝐢𝐨𝐧
ISANG BUKAS NA LIHAM
Mayo 10, 2025
Ang awareness camapign na pinasimulan ng Kalinaw Southeastern Mindanao Region at mga panlalawigang affiliate nito ay isang karapatan sa malayang pamamahayag na ginagarantiya ng Konstitusyon, at patuloy itong lumalakas. Bilang tugon, kayo, aming dating mga kasamahan, ay pinili ang nakasanayan ng taktika: ang sabay-sabay na maghain ng reklamo sa pinakamapagsimpatyang ahensya kahit ilang araw lang bago ang Mayo 12.
Bilang mga former rebel, malinaw sa amin ang tuso, kung hindi man lantad, na taktikang ito. Hindi ito patunay ng lakas, kundi nagsasalamin ng inyong kahinaan at desperasyon.
Sinasabi ninyong kayo'y biktima dahil pinepresenta ninyo ang inyong sarili bilang mga sibilyan at kasapi ng mga organisasyong protektado ng Konstitusyon. Subalit HINDI nito pinapasubali ang inyong kaugnayan sa Communist Party of the Philippines (CPP) o ang inyong papel sa pagrerekrut para sa New People’s Army (NPA). Alam namin ito sapagkat minsan din kaming bahagi ng CPP-NPA-NDFP kasama ninyo, kung saan itinuro sa atin na laging itanggi ang anumang ugnayan at mariing kondenahin ang anumang paratang.
Ipinahihiwatig ninyo sa publiko na sa magkasalungat nating pahayag, isa sa atin ang nagsisinungaling. Ngunit batid nating lahat na hindi ang dating mga rebelde ang naghahabi ng kalahating katotohanan at buong kasinungalingan. Tatlong simpleg mga katotohanan lamang ang sinasabi namin: (1) kayo’y kasapi ng CPP; (2) ang inyong mga organisasyon ay itinatag ng CPP at aktibong sumusuporta sa armadong pakikibaka ng NPA; at (3) nakikilahok kayo sa parlyamentaryong pakikibaka upang muling magpalakas. Tatlong payak na katotohanan, ngunit kitang-kita kung paano ninyo pilit itong ibinabaon.
Pinaparatang ninyo na ang kampanya ng Kalinaw SEMR ay inilalagay ang inyong buhay sa panganib dahil ibinubunyag nito ang inyong mga organisasyon. Ngunit kinakalimutan ninyo na bilang mga kasapi ng Partido, kayo ang kumukumpas sa armadong puwersa ng NPA, bagaman sa ngayon maaaring hindi pa nito kayang isakatuparan ang parusang kamatayan laban sa mga “taksil sa rebolusyon.” Sa pagdadawit ninyo sa aming organisasyon at mga lider sa inyong paratang, kayo mismo ang naglalagay sa aming mga buhay sa peligro. Kapag may dating rebelde na mabibiktima ng karahasang NPA, tiyak ipagdiriwang ninyo ito bilang “rebolusyonaryong hustisya.”
Ugat ng inyong reklamo ang aming patuloy na pagbibigay babala hinggil sa estratehiya ng CPP na gamitin ang parlyamentaryong pakikibaka upang "magtuwid" at "magrekober.” Nababahala kayo na patuloy na nakikinig ang publiko, lalo na ang dati nating mga baseng masa, at nabubunyag ang inyong panlilinlang. Palubog nang palubog ang tsansa ninyong manalo ngayong Mayo 12 at ito ang nagtutulak sa inyo na sirain kami. Batid ninyong ang pagkatalo magpapahina nang husto sa inyong planong muling umugat sa lungsod at kanayunan, lalo na kung wala nang papayong na ligal na organisasyon sa Kongreso sa inyong gawaing rekoberi.
Sabay nating tinahak noon ang landas ng rebolusyon, bunsod ng taimtim na hangaring ipagtanggol ang inaapi. Hindi natin sukat akalaing huhubugin ang ating mga isipan na ituring ang armadong rebolusyon bilang nag-iisang landas tungong pagbabago. Kalaunan, ibinaling na lamang natin o binigyang-katwiran ang karahasan ng CPP-NPA, sa pag-aakalang “ang layunin ay nagbibigay-katarungan sa paraan.”
Hinihikayat namin kayo, mga dating kasamahan na aktibo pa sa Southern Mindanao Regional Committees of Towns and Cities, na pagnilayan kung paano nakakaapekto sa inyong iilang bagong mga rekrut ang inyong walang-humpay na pagtatanggi at pagkukubli, silang hinimok ninyo gamit ang panlipunang adbokasiya at itinulak sa ideolohiya ng armadong tunggalian. Hinuhubog at kinukondisyon ninyo silang tanggapin bilang normal ang karahasan ng armadong rebolusyon.
Isaalang-alang din ninyo ito: kung umusad man ang inyong mga reklamo, uutusan kayo ng Partido, sa ngalan ng demokratikong sentralismo, na harapin kami, kaming mga dati ninyong kasamahan na lubos na nakakakilala sa inyo. Magkasama nating nilakad sa matitirik na mga bundok, umiwas sa mga operasyong militar, at nakangiting nag-selfie bitbit ang ating mga M16 at AK-47. Darating ang panahon na hihilingin ng Partido na magsinungaling kayo sa harap ng mga abogado at hukom, na bubutas sa inyong kasinungalingan at magsasampa ng kaukulang hakbanging ligal. Magagawa ba ninyong titigan kami nang diretso at itanggi ang pagiging komunista, ang inyong ilang-buwang integrasyon sa mga yunit ng NPA, o ang kasaysayan ng inyong mga organisasyon bilang likha ng CPP?
Pagkatapos ng Mayo 12, hihimukin kayo ng Partido na magpultaym sa NPA o mag-akay ng iba kung kayo’y nangingimi pang sumampa. Kapag kayo’y nahuli, ipipinta kayo ng Partido bilang mga di-armadong aktibista at babalewalain ang inyong sakripisyo na sumamp sa “pinakamataas na paglilingkod sa bayan.” Kung kayo’y mapatay, itatanghal ang inyong kabayanihan sa isang engrandeng “luksang parangal,” pagpeperahan sa pamamagitan ng mga donasyong ni singko ay hindi aabot sa inyong pamilya, bago gamitin ang inyong kuwento para humikayat ng panibagong hanay. Paulit-ulit ang marahas na siklo.
Samantala, ang Kalinaw SEMR, kasama ng maraming organisasyon ng mga former rebel sa buong bansa, ay tumatahak ng bagong landas tungo sa makatarungang kapayapaan at sustenableng kaunlaran. Tinalikuran namin ang karahasan ng armadong pakikibaka ngunit hindi ang adhikaing ipaglaban ang naaapi. Bata man ang aming mga organisasyon, matatag ang aming paninindigan, at gagabayan kami ng aming mga karanasan. Kung pipiliin ninyong tahakin ang landas ng kapayapaan, sasalubungin namin kayo nang bukas ang aming mga bisig.
Rooted in the principles of self-reliant, inclusive, and sustainable development, and guided by the core values of harmony, healing and hope, Kalinaw SEMR was founded with a mission to safeguard the rights, interests, and welfare of all Filipinos.