20/07/2026
Commentary by BAYAN President Renato Reyes Jr. (July 20, 2026):
SONA 2026 — Matapos ang isang taon, may nahiya ba?
Sa July 27, 2026 ang ika-5 SONA ni B**gbong Marcos Jr., at unang taong anibersaryo ng kanyang talumpating “Mahiya naman kayo” patungkol sa korapsyon. Ang talumpating ito ang sinasabing “signal fire” ng paglalantad ng flood control corruption na kinasasangkutan ng iba’t ibang matataas na opisyal ng ehekutibo, ng lehislatura, at mga private contractors.
Pinalakpakan ng mga panauhin sa SONA ang talumpati ni Marcos—isang eksena na punong-puno ng irony at kontradiksyon. At tulad ng inaasahan, sumambulat ang krisis sa politika matapos ang talumpati na ito. At sa ducking huli, ang nagbunyag ng flood control corruption at pumusturang “malinis” at “hindi korap,” ang siya na ngayong nasa sentro ng usapin ng korapsyon - at siya ring nakaranas ng pagbulusok ng kanyang approval ratings.
Maaalala na matapos ang talumpati, inilabas ang “Isumbong sa Pangulo” website upang matukoy ang mga “ghost flood control projects” sa buong bansa. Unang nadiinan dito ang ilang mga mambabatas at mga private contractors tulad ng mga Discaya. Sa puntong ito, ang problema ni Marcos ay sangkot ang kanyang mga alyado sa politika at sangkot ang mga opisyal ng ehekutibo, partikular sa DPWH.
Sa pagputok ng mga protesta kontra-korapsyon na sinimulan ng pagsugod sa bahay ng mga Discaya, at sinundan ng malalaking pagkilos sa Luneta at EDSA, naobliga ang rehimeng Marcos na magbuo ng isang “Independent Commission on Infrastructure” (ICI) na mag-iimbestiga sa mga ulat ng korapsyon. Dapat tumungo ito sa pagsasampa ng mga kaso sa mga sangkot sa korapsyon. Sa panahong ito, umalingawngaw ang panawagang “Lahat ng sangkot, dapat managot!” at ang UP chant na “Ikulong na 'yan, mga kurakot!”
Hindi naging kontento ang taumbayan sa mga naging pagdinig sa Kamara, sa Blue Ribbon Committee ng Senado, at sa mga pulong ng ICI na ayaw ipa-livestream. Agad napansin na selective ang mga pagdinig ng Kongreso at ICI. At napansin din na tila hindi aabot sa pinakamataas na antas—sa mga nasa tuktok ng korapsyon—ang mga imbestigasyon. Hindi sapat na mga Discaya o tauhan ng DPWH lang ang pokus ng imbestigasyon. Tinukoy natin na ang gumagawa ng National Expenditure Program, ang nagtataguyod ng sistema ng pork barrel sa badyet, ang mga gumagawa ng budget insertions, ang pumipirma at nagpapatupad ng badyet, ay mga sangkot din sa korapsyon. Sa madaling sabi, isang buong sistema ang flood control at infrastructure corruption, si Marcos ang nasa tuktok nito, at hindi pwedeng ang mga nasa ibaba lang ang mananagot.
Ano ang sumunod na nangyari? Tinanggal ang flood control sa pambansang badyet, pero pinanatili ang sistema ng “allocables” o mga proyektong nakalaan o “nakapangalan” sa mga mambabatas. Ang sistema na pinagmumulan ng korapsyon ay nanatili, iniba lang ang porma. Ang unprogrammed appropriations ay pinanatili, ang LGU pork ay pinalaki, ang confidential at intelligence funds ay nanatili, gayundin ang iba pang “pork” items na Pangulo ang may diskresyon. Kaya walang tigil ang mga protesta, ang mga walkout sa paaralan, ang mga pangangalampag sa Kamara, Senado, Ombudsman, at Malacañang.
Nobyembre nang sinimulan ni Zaldy Co, dating House Appropriations Committee chair, ang serye ng mga video na nagdedetalye sa budget insertions at kickbacks ni Marcos Jr. Dito naging mas malinaw ang modus ng korapsyon na nagmumula sa Malacañang. Nasangkot din ang ilang cabinet officials at naging mas matining ang kontradiksyon sa pagitan ng iba’t ibang paksyon sa politika. Nakapagtataka lang na sinuhayan ni Ping Lacson ang mga pahayag ni Zaldy Co nang ilahad ni Ping ang testimonya ni dating DPWH USec. Roberto Bernardo na nagpapatotoo na may ₱8 bilyong kickbacks ang inabot sa mga tauhan ng Malacañang na sina USec. Trygve Olayvar at USec. Adrian Bersamin. Ang paglilinaw lang ni Ping ay hindi umabot kay Marcos Jr. ang mga kickbacks—bagay na hindi pinaniniwalaan ng marami at kinokontra ng mga testimonya.
Sa panahong nalalantad ang korapsyon ni Marcos Jr. at wala pa ring resolusyon ang korapsyon ni Sara Duterte, nagsimula na ang mga talakayan kaugnay ng pangangailangang itakwil ang parehong korap na paksyon at magpunyagi para sa pagbabago ng bulok na sistema.
Pagsapit ng Disyembre, inaprubahan na ang pambansang badyet sa kabila ng malakas na pagtutol ng taumbayan sa korapsyon at sistemang pork barrel. Tuloy ang ligaya ng mga korap dahil nananatili ang mga proyektong pinagmumulan ng korapsyon.
Ang ICI naman ay batbat ng problema hanggang sa nagbitiw na ang dalawang commissioner at kinalaunan ay tinuldukan na ang buhay nito. Hinakot ang mga dokumentong sinuri ng ICI papunta sa Ombudsman at inasahan na hahantong sa kaso ang mga ebidensya.
Ibinasura ng Kamara ng kasong impeachment laban kay Marcos Jr subalit sa panahong ito, lumabas naman ang impormasyon kaugnay ng paghahatid ng pera sa bahay ni Marcos Jr sa Forbes Park.
Sa loob ng isang taon mula nang nabunyag ang flood control corruption, nakakulong ang mga Discaya, si dating senador B**g Revilla, si senador Jinggoy Estrada, at mga opisyal ng DPWH. Si dating DPWH secretary Manny Bonoan ay nais gawing state witness habang inaantay pa rin ng taumbayan ang mga ipinangakong kaso laban sa ilang mambabatas at senador. Pero ang mga personahe na isinangkot sa Malacañang kickbacks ay hindi naiimbestigahan, at ang dalawa—si USec. Jojo Cadiz at si dating DBM secretary Amenah Pangandaman—ay nakabalik pa sa gobyerno. Ang bibong-bibong DPWH secretary Vince Dizon, na umiikot sa buong bansa para inspeksyunin ang mga proyekto, ay tahimik na ngayon.
Sa panahon ng flood control issue ay bumulusok ang approval ratings ni Marcos Jr., na pinalala pa ng kawalan ng makabuluhang aksyon sa krisis sa ekonomiya. Paano ba naman hindi magagalit ang taumbayan—ang laki ng kinulimbat para sa korapsyon habang tinitipid ang mamamayan sa panahon ng krisis. Ayaw bitiwan ni Marcos Jr. ang VAT at excise tax sa langis dahil kailangan ng pondo para gumulong ang sistema ng korapsyon.
Isang taon matapos ang talumpati ni Marcos Jr. sa SONA, tila walang nahiya, dahil nagpatuloy ang korapsyon at ang pagtatakip sa korapsyon. Naging selective ang pananagutan. Ang pinakadapat na mahiya, si Marcos Jr. mismo, ay nangangapa at nagkukumahog ngayon na makapagbigay ng SONA na katanggap-tanggap sa taumbayan.
Palabas lang, isang performance, ang masasaksihan natin sa darating na SONA sa Lunes. Magtatalumpati na naman na tila maraming nagawa, at magpapalakpakan naman ang mga panauhin, na para bang hindi sila bahagi ng problema. Pero sawa na ang tao sa mga palabas at palakpakan. Sawa na ang tao sa pagpopostura ng mga walanghiya.
(Photo from the Philippine Daily Inquirer/Inquirer.net)