11/04/2026
Pantapal at kapos na tugon ang net service contracting at P10/L na fuel subsidy ng rehimeng Marcos, dito sa krisis sa kabuhayan ng mga tsuper at operator dulot ng gerang agresyon ng US at Israel. Pantapal at papoging solusyon pa rin ang ginagawa ng rehimeng Marcos, kahit malapit nang umabot sa P200/L ang presyo ng krudo.
Nagsisilbi ang net service contracting at baryang fuel subsidy para linlangin tayong nagseserbisyo ang gobyerno. Sa aktwal, lalo nitong inililihis ang pananagutan ng gobyerno na kontrolin ang pagkaganid sa tubo ng mga kartel ng langis at mga korporasyon, nagsisilbi itong pang-iwas sa pagbawas ng mga atrasadong buwis na VAT at excise tax, at dagdag-rason para pigilan ang magkatambal na panawagang fare hike at wage hike.
Inutil pa rin at ayaw pa ring aksyunan ng gobyernong Marcos ang mga solusyong mas mabisa, mas pangmatagalan, mas panlahat.
⛽P10/L NA FUEL SUBSIDY, P25/L NA BUWIS SA LANGIS⛽
Insulto sa mga tsuper at operator ang baryang P10/L na fuel subsidy samantalang nanatiling tiba-tiba ang gobyernong Marcos sa P25/L na buwis sa diesel. Lilitaw na may tubo pa ang gobyerno na P15/L.
Paldo na ang gobyernong Marcos sa koleksyon sa mga buwis sa langis simula ng krisis. Aabot sa P161 MILYON KADA ARAW ang dagdag-kita ng gobyerno sa VAT pa lamang. Tumataginting na P5 BILYONG total na koleksyon mula sa VAT, simula noong pangigiyera ng US.
Sa 30L/araw na konsumo ng jeep ng diesel, ang P25/L na buwis sa langis ay katumbas ng P750/araw na binabayarang buwis ng tsuper at operator. Mas malaki na ito kaysa minimum wage. Sa isang buwan (28 days na pamamasada), aabot sa P21,000 ang binabayaran nating buwis.
Samantala, ang barya na ngang P10/L fuel subsidy ng gobyernong Marcos ay may limitasyon pa: 150 litro lang kada linggo, at sa mga piling lugar lamang sa NCR ipapatupad, at para sa mga PUVs lamang.
Kung tatanggalin lang ang VAT at excise tax: mas malaki ang mababawing kita ng mga tsuper, mas marami ang makikinabang (kasama ang mga magsasaka, mangingisda, truckers, atbp.), at mas malawak at pambuong bansa.
⛽KAPOS, PANTAPAL, AT PAPOGI NA SERVICE CONTRACTING⛽
Tila hibang talaga sa mga papogi at pantapal na solusyon ang rehimeng Marcos. Ang net service contracting para sa PUVs ay magbibigay ng P40-P100 kada kilometro sa 50,000 PUVs at 1,000 operators sa mga rutang konektado lamang sa mga tren at ruta ng bus. Iimplementa ito gamit ang GPS monitoring, sa “off-peak” o mga patay na oras lamang.
Napakaliit ng 50,000 PUVs kumpara sa aktwal na bilang. Sa traditional PUJs pa lamang, aabot sa 128,000 ang bilang nationwide. Kung isasama pa ang UVE, ang “modern” PUVs, mga minibus, at iba pa, nasa higit-kumulang 300,000 PUVs ang nagdurusa sa ilalim ng krisis na ito.
Hindi rin nito sasaklawin ang mga rutang nasa loob o nasa probinsiya, na kalakhan ay siyang nagdurusa ngayon sa napakataas na presyo ng krudo. Kitang-kita na ang epekto sa mga rehiyon tulad ng Baguio, Laguna, Pampanga, Panay, Bicol, General Santos, at iba pa, ng pagtigil sa pamamasada ng buo-buong ruta dahil sa pagkalugi.
Sa pag-implementa nito sa “off-peak” o patay na oras lamang, malinaw na hindi nakikilala ng gobyernong Marcos na kahit sa mga peak hours ay napakaliit na ng kita ng mga tsuper dahil sa taas ng krudo.
Ang P40-100/km na bayad din ay katumbas lamang ng P320-P800 kita kada ikot sa rutang minimum. Ang mga rutang ito ay kumokonsumo ng 3L ng diesel kada ikot, o katumbas ng P510 sa 170/L ng diesel. Kung hindi man abonado sa krudo, ang matitira na lamang ay P290 kada ikot, na paghahatian pa ng tsuper at operator. Malaking insulto ang gabaryang kita para sa serbisyong ibinibigay ng mga tsuper.
Dahil din sa rekisitos na GPS, na tiyak na pagkakakitaan din ng mga kontraktor sa gobyerno, magiging dagdag na tulak pa ito sa pagpapatuloy ng palpak at pekeng programa ng modernisasyon at ang kaakibat nitong konsolidasyon. Sa halip na makatulong sa krisis ng kabuhayan, lalo pa nitong itutulak ang pagkawasak ng kabuhayan.
⛽DAPAT KONTROLIN ANG PAGKAGANID NG KARTEL NG LANGIS⛽
Tiba-tiba ang kartel ng Petron, Shell, Caltex, Unioil sa krisis na idinulot ng gera ng US at Israel. Sa loob lamang ng isang buwan, kumita sila ng P46.5 BILYONG PISO, o P1.5 BILYONG PISO KADA ARAW.
Tama na ang pag-iwas ng gobyernong Marcos sa pagkontrol sa pagkaganid ng mga kartel ng langis na ito. Kailangan silang panagutin sa kanilang overpricing at crisis profiteering.
Dapat lang na ibasura ng gobyerno ang oil deregulation law, wakasan ang “replacement cost pricing,” at itulak ang mga kompanya ng langis na mag-rollback ng presyo.
Dapat ding mabilis na gumawa ng hakbang ang gobyerno sa pagsasabansa ng industriya ng langis, simula sa pagbili nito ng sariling krudo at pagbebenta nito sa mas murang halaga.
Sa pagkontrol ng pagkaganid sa tubo ng kartel ng langis, hindi lamang mga tsuper at operator ang makikinabang, kundi lahat ng mamamayan.
⛽DAPAT ITAAS ANG KITA NG TSUPER AT SAHOD NG MANGGAGAWA⛽
Dapat ding ipatupad na ang sabayang panawagan ng mga tsuper at manggagawa na dagdag-kita at dagdag-sahod.
Sa mga tsuper, aabot na sa P10.00 ang kinakailangang dagdag-pasahe dahil na rin sa kawalang-aksyon ng gobyernong Marcos para kontrolin ang presyo ng krudo.
Sa mga manggagawa, dapat kaagad maitaas ang sahod patungong P1200/araw na family living wage, nationwide, para umagapay sa pagtataas ng presyo dulot ng krisis.
Dapat ding bigyan ng sapat na subsidyo ang lahat ng mga apektado ng krisis na ito, katulad ng mga manininda, magsasaka, at mangingisda.
Ito ang solusyong panlahat, pambuo, at hindi pantapal lamang.
***
Ipinapanawagan natin sa lahat ng mga tsuper, operator, at mamamayan na palakasin ang ating hanay, at tuloy-tuloy nating militanteng labanan ang mga panlilinlang at pandarambong ng gobyernong Marcos at ng mga kasapakat nitong kompanya ng langis.
Habang ganito ang tugon ng gobyernong Marcos, mananatiling sandata ng mga tsuper, operator at mamamayan ang WELGA para singilin at panagutin ang manhid, inutil, at papet ng US na rehimen.
TULOY ANG PROTESTA!
TULOY ANG WELGA!