26/08/2026
PANGASINAN IPAMANA, HUWAG IMINA!
Mariing kinokondena ng Pangasinan People's Strike for the Environment ang Executive Order No. 122, isang kautusang nagbubukas ng mas malawak na daan para sa pagmimina at pagkuha ng mga kritikal na mineral sa bansa sa ngalan diumano ng kaunlaran at industriyalisasyon. Sa halip na tugunan ang lumalalang krisis sa klima, pagkasira ng kalikasan, at kahirapan ng mamamayan, higit nitong pinapaboran ang interes ng malalaking korporasyon at dayuhang kapital na patuloy na kumakamkam sa ating likas na yaman.
Hindi kaunlaran ang hatid ng pagmimina para sa atin. Sa loob ng maraming dekada, paulit-ulit nang napatunayan na ang kita ay napupunta sa iilang negosyante at pulitiko habang tayo ang naiiwan sa pagkasira ng kabundukan, pagkalason ng mga ilog at dagat, pagkawala ng kabuhayan, at paglala ng sakuna. Ang EO 122 ay hindi isang hakbang tungo sa pambansang pag-unlad kundi isang hakbang patungo sa mas agresibong pagsasamantala sa ating kalikasan at mamamayan.
Lalong mapanganib ang EO 122 para sa Pangasinan. Sa panahong nasaksihan ng lalawigan ang paglubog ng mga komunidad sa baha at patuloy natin na paginda ng mga pinsala at paghihirap na dulot ng sunod-sunod na kalamidad nitong mga nakaraang linggo, itinutulak pa ng gobyerno ang higit pang pagmimina at extraction. Sa iba't ibang munisipalidad ng lalawigan, malinaw na nakikita ang epekto ng pagkasira ng kalikasan, walang habas na land-use conversion, at mga proyektong inuuna ang tubo kaysa proteksyon ng mga kabundukan, baybayin, at lupang sakahan. Habang lumalakas ang pagtutol ng mamamayan sa offshore mining, black sand mining, mapanirang proyektong pang-enerhiya at mga proyektong tulad ng Labrador Nuclear Power Plant at Pax Silica, mas pinadadali naman ng EO 122 ang pagpasok ng mga industriyang lalo pang nagbabanta sa ating karagatan, kabuhayan, at seguridad sa pagkain.
Binibigyang-katwiran ng EO 122 ang pagpapabilis ng pag-apruba sa mga malalaking proyektong pagmimina at pagkuha ng mineral sa iba't ibang bahagi ng bansa, kabilang ang mga operasyong may kaugnayan sa silica extraction gaya ng mga proyektong iniuugnay sa Pax Silica. Sa ilalim ng retorika ng "critical minerals" at "industrial development," nanganganib na mabigyan ng mas malawak na puwang ang mga kumpanyang naghahangad na makinabang sa ating likas na yaman habang tayo naman ang sasalo sa mga panganib sa kalikasan at kabuhayan.
Isa pang mapanlinlang na bahagi ng EO 122 ang tinatawag na "Use It or Lose It" Policy para sa mga mining tenement. Ipinapakita ito bilang reporma upang pigilan ang spekulasyon at tiyaking hindi lamang nakaimbak sa mga korporasyon ang mga karapatan sa pagmimina. Ngunit sa esensya, hindi nito kinukuwestiyon kung nararapat bang minahin ang isang lugar; ang layunin nito ay tiyaking mas mabilis na mapapasakamay ng mga kumpanyang handang magmina ang mga lugar na hindi pa napapakinabangan. Kaya sa halip na protektahan ang kalikasan at mga komunidad, lalo nitong pinadadali ang pagpapalawak ng pagmimina. Isa itong pampalubag-loob na reporma na nagbibigay ng impresyon ng pananagutan habang nananatiling nakasentro ang polisiya sa pagpapabilis ng extraction.
Higit sa lahat, nananatiling malaking katanungan kung sino ba talaga ang makikinabang sa sinasabing industriyalisasyon. Hanggang ngayon, nananatiling nakasandig ang ekonomiya ng Pilipinas sa pag-eeksport ng hilaw na materyales at pag-aangkat ng mga produktong may mataas na halaga. Kung walang tunay na pambansang industriyalisasyon, matatag na lokal na pagmamanupaktura, at mahigpit na pananagutan sa mga korporasyon, ang pagmimina ay nagiging simpleng pagkuha lamang ng ating likas na yaman para pakinabangan ng iba. Sa halip na magsilbing pundasyon ng pambansang kaunlaran, nagiging mekanismo ito ng patuloy na pagdepende sa dayuhang kapital at pandaigdigang merkado. Ang EO 122 ay isa lamang na patunay na ang umiiral na sistema ay inuuna ang negosyo kaysa buhay, kita kaysa kalikasan, at pribadong interes kaysa kapakanan ng sambayanan.
Naninindigan ang Pangasinan People's Strike for the Environment na ang tunay na pag-unlad ay hindi nakabatay sa walang habas na pagkuha ng likas na yaman. Ang tunay na kaunlaran ay nakasalalay sa pangangalaga sa kalikasan, pagpapatatag ng seguridad sa pagkain, pagpapaunlad ng ating kabuhayan, at pagpapatibay ng ating kakayahang humarap sa krisis sa klima.
Kaya naman nananawagan kami sa lahat ng mamamayan ng Pangasinan at ng buong bansa: tutulan ang Executive Order No. 122 at lahat ng patakarang nagpapalawak ng pagmimina at iba pang mapanirang industriya.
Ipaglaban natin ang ating mga dagat, ilog, kabundukan, at lupang sakahan.
Ipaglaban natin ang karapatan ng mamamayan sa isang ligtas, masagana, at makatarungang kinabukasan.