30/09/2026
₱42 MINIMUM WAGE HIKE SA CENTRAL VISAYAS, HINDI SAPAT!
Mariing tinutulan ni House Deputy Speaker Raymond Democrito C. Mendoza ng TUCP Partylist ang ₱42 dagdag sa arawang minimum wage na itinakda ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) Region VII para sa mga manggagawa sa Central Visayas.
Sa kanyang privilege speech sa Kamara, binigyang-diin ni Deputy Speaker Mendoza na ang ₱42 dagdag-sahod ay malayo sa kinakailangang living wage ng isang manggagawa at ng kanyang pamilya. Sa bagong wage rates, magiging ₱582 ang minimum wage sa Expanded Metro Cebu Area at ₱542 naman sa Class B areas, kabilang ang Bohol, Siquijor, at Negros Oriental.
Bilang isang Cebuano at itinuturing ding tahanan ang Bohol, iginiit ni Deputy Speaker Mendoza na hindi sapat ang ganitong dagdag-sahod para sa mga manggagawang patuloy na humaharap sa tumataas na presyo ng pagkain, pamasahe, kuryente, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Kinuwestyon din niya kung bakit may ₱40 na diperensya sa sahod ng mga manggagawa sa Cebu kumpara sa Bohol, Siquijor, at Negros Oriental. Pare-parehong manggagawa ang nagsusumikap para sa kanilang pamilya, kaya hindi dapat maging dahilan ang lugar kung saan nagtatrabaho upang maging mas mababa ang halaga ng kanilang sasahurin.
Para sa TUCP, hindi dapat manatili na survival wages lamang ang antas na natatanggap ng mga manggagawa. Kailangang umangat ang sahod tungo sa tunay na nakabubuhay na sahod upang magkaroon ang mga manggagawa at kanilang pamilya ng sapat na pagkain, edukasyon, tahanan, at mas maayos na kinabukasan.
Kaya naman muling nananawagan ang TUCP para sa makabuluhang reporma sa wage-setting system at sa hindi bababa sa ₱200 dagdag-sahod para sa mga manggagawa nationwide.
Dahil ang ₱42 ay HINDI SAPAT. Ang manggagawa ay nararapat sa sahod na makabubuhay at makapagbibigay-daan sa isang disenteng buhay para sa kanilang pamilya.