23/05/2026
ANG PAGBABALIK-LOOB
Isa sa pinakalantay na katotohanan sa buhay na ito ay ang ‘walang sinumang tao ang hindi nagkakamali, na walang sinumang tao ang hindi nagkukulang sa tungkulin o lumalabis sa karapatan.’ Ito ay natural na kalagayan ng tao.
Sa isang winika ng Sugo ni Allah ﷺ: “Lahat ng anak ni Adan ay nagkakasala, at ang pinakamainam sa mga nagkakasala ay yaong mga nagbabalik-loob.” Kung hindi tayo magkakamali at magkakasala, papalitan tayo ni Allah ng mga taong magkakamali at hihingi ng Tawad sa Kanya.
Kaya naman, nararapat sa mga tao na magbalik-loob sa Kanyang Tagapaglikha. Magsisi at humingi ng Kapatawaran sa pagsuway at kasalanan. Ngunit paano ito gawin?
Ayon sa ibang paniniwala, dahil ang katawan at puso ng tao ang dahilan at gumawa ng kasalanan, nararapat lamang na ito ang magbata ng hirap at pasakit katumbas o higit pa sa kanyang ginawang kasalanan. Ang kanyang katawang-lupa ang tatanggap ng parusa. Kaya’t kanyang hinahampas, hinahagupit, ginugutom, tinutusok, at iba-iba pang paraan ng pagpapakasakit. Matapos na madanas ang sakit at hirap, sa kanyang sarili siya ay pinatawad na!
Sa iba namang paniniwala, tanggapin mo lamang na may ‘tagapagligtas’ na siyang tutubos ng kasalanan ng Sanlibutan, ikaw ay mapapatawad na sa iyong mga kasalanan at pagsuway. Ang tao – sa kanilang paniniwala – ay lubos na makasalanan at bawat kasalanan ay nangangailangan ng ‘kamatayan’ dahil ito ay gawaing laban sa Diyos! Dahil walang sinuman sa mga tao ang kayang bayaran ang kanyang kasalanan liban sa pamamagitan ng kanyang buhay – ‘ang tagapagligtas’ na lamang ang magbabayad nito sa pamamagitan ng ‘dakilang pag-aalay’ ng kanyang buhay para sa kasalanan ng lahat! Kapag ang konseptong ito ay tinanggap, tiyak na siya ay magkakaroon ng kapatawaran at ganap na pagbabalik-loob sa Diyos.
Sa kanilang pananampalataya, ‘minamahal ng Diyos ang mga makasalanan.’
Sa Islamikong Pananaw, bagamat ang tao ay nagkakasala at nagkakamali – bukas naman para sa kanya ang Pintuan ng Tawbah. Bukas ito para sa kanya hanggat hindi sumasapit sa kanya ang kanyang kamatayan. Bukas para sa kanya na magbalik-loob hanggat hindi pa sumisikat ang Araw sa Kanluran.
Sa Islam, ang isang taong nagkasala at napagtanto sa kanyang sarili na siya ay nagkamali – nararapat niyang itigil kaagad ang kasalanang ito. Dapat niyang maramdamn ang pagsisisi sa nagawang pagsuway at makaramdam sa kanyang puso ng kalungkutan at kahinaan. Dapat rin niyang himukin ang sarili na huwag na muling bumalik sa kasalanang nagawa. Kung ang kanyang kasalanan ay hinggil sa karapatan ng ibang tao, nararapat niyang ibalik ang karapatang ito sa taong nagmamay-ari I kanyang naapi. Ito ang mga paraan at kondisyon ng Tawbah sa Islam.
Sa Islamikong Paniniwala, kailanman ay hindi minamahal ni Allah ang mga makasalanan. Hindi sila kinalulugdan kung sila ay patuloy sa pagsuway at paglabag. Kung ang tao nga ay hindi kailanman malulugod sa kanyang kapwa na gumagawa ng kasalanan laban sa kanya – papaano pa kaya si Allah na Puspos ng Katarungan at Tigib ng Katatagan! Hindi mangyayari na mamamahalin Niya ang mga sumusuway sa Kanya! Hindi mangyayari na Kanyang kalulugdan ang mga sumasamba sa iba liban sa Kanya!
Hindi minamahal ni Allah ang mga ‘makasalanan’ subalit Kanyang minamahal ang mga taong nagbabalik-loob sa Kanya matapos makagawa ng kasalanan. Ibig sabihin, kung hindi magbabalik-loob at magsisisi, hindi siya mamahalin at kalulugdan ni Allah.
Kaya’t napakahalaga ng pagbabalik-loob. Sinabi ni Allah:
﴿ وَتُوبُوا إِلَى اللَّهِ جَمِيعًا أَيُّهَ الْمُؤْمِنُونَ لَعَلَّكُمْ تُفْلِحُونَ ﴾
“At magbalik-loob tungo kay Allah – kayong lahat – mga mananampalataya – nawa kayo ay magtagumpay.” An Noor: 31
Magbalik-loob kay Allah - anumang kasalanan ang iyong nagawa at kahit gaano man ito kabigat – sapagkat ito ay Daan tungo sa Tagumpay.