25/02/2026
OPISYAL NA PAHAYAG NG STUDENT ORGANIZATIONS NG MPCF CANAMAN PARA SA COMMEMORATION NG 40TH EDSA PEOPLE POWER REVOLUTION
Pagyurak sa ating pagka-Pilipino, Tangkang paglimot sa EDSA People Power Revolution
Pebrero 22 hanggang 25 noong 1986, tinahak at pinuno ng milyon-milyong mga Pilipino ang kahabaan ng EDSA upang patalsikin ang diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. Sa loob ng tatlong araw, tinuldukan ng malakas na puwersa ng nagkakaisang Pilipino ang mapaniil at mapang-abusong pamahalaan.
Ayon sa ulat ng Amnesty International, ang panahon ng batas-militar sa kamay ng dating Pangulong Marcos ay binaha ng matinding paglabag sa karapatang pantao, kabilang ang mahigit 3,200 pagpatay o extrajudicial killings, 34,000 naitalang tortyur, at 70,000 pagkakakulong. Higit pa rito, may tinatayang 737 katao ang naging biktima ng puwersahang pagkawala.
Ang EDSA People Power Revolution ay hindi lamang parte ng kasaysayan; ito ay patunay ng kapangyarihan ng kolektibong pagtindig at pagkilos.
Sa loob ng apatnapung taon matapos ang rebolusyon sa EDSA, nababalot pa rin ang ating bansa sa dilim. Patuloy pa rin ang korapsyon, ang malawakang pagkitil sa mga buhay ng mga nagtatrabaho sa media, pagpapatahimik sa mga tumitindig laban sa panloloko ng pamahalaan sa taumbayan, paglaganap ng disinformation, at paglala ng kahirapan. Marami ring mga taong nagkasala sa bayan ang patuloy na nasa labas ng selda. Pinagtatakpan ng mga taong dapat na sumisingil sa kanila—isang repleksyon ng gobyernong mas nagpapahalaga sa inhustisya na unti-unting kumikitil sa ating demokrasya.
Bagama't puno pa rin ng katiwalian ang ating bayan, hindi ito nangangahulugan na walang hakbang tungo sa pagbabago. Sa kasalukuyan, mahalagang hakbang para sa pagkamit ng hustisya ang paglilitis at imbestigasyon ng ICC kay dating Pangulong Duterte kaugnay ng mga kasong tungkol sa malawakang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kaniyang war on drugs habang siya’y pangulo pa. Ngunit sa kabilang banda, ang pagsuplong kay Duterte sa ICC ay repleksyon ng gobyernong bigong panagutin ang mga maysala at hayaan ang malawakang inhustisya sa bansa—kinailangan pa ang tulong ng ICC para singilin si Duterte.
Ngayong taon, at simula nang umupo si Pangulong Marcos Jr., anak ng diktador, tinangka ng gobyernong ito na ibaon sa limot ang madilim na nangyari noon sa EDSA, isang malinaw na taktika upang baguhin paunti-unti ang ating kasaysayan. Malaking rason ito upang mabahala at makiisa sa panawagan na bigyang-halaga at alalahanin ang mga biktima ng diktadura.
Ngayong anibersaryo ng isa sa mga pinakamadidilim na yugto ng bansa, huwag nating hayaan na mabaon sa limot ang malagim nating nakaraan. Bagkus, gawin natin itong paalala na huwag nang ulitin ang ating mga pagkakamali. Maging mapanuri, aktibo sa mga usaping panlipunan, at laging manindigan para sa katotohanan. Patuloy na itatak sa isipan na tayong mga Pilipino ay may kakayahang tumayo at lumaban para sa ikabubuti ng ating bayan at may kapangyarihang pabagsakin ang mga sanhi ng lahat ng uri ng katiwalian.
Hindi kapritsuhan lamang ang pag-alala sa lahat ng mga biktima ng diktadura; ito ay pagbibigay-pugay at pagpapasalamat sa tapang at tiyaga ng mga nakipaglaban sa kahabaan ng EDSA at maging sa lahat ng sulok ng Pilipinas upang muling palayain ang ating bansa sa kamay ng mapanlupig na si Marcos.
Sapagkat ang demokrasya ay hindi minamana, ito ay pinaglalaban.