01/07/2025
Maraming salamat po !
MARAMING MARAMING SALAMAT PO,
REV. FR. ERIK B. ESTRADA, ESHT, MATh!
Mula po sa puso ng bawat kabataan ng Holy Spirit Parish, kami po ay lubos na nagpapasalamat sa inyong tatlong taon ng tapat, masigasig, at mapagmahal na paglilingkod bilang aming kura paroko rito sa Holy Spirit Parish.
Hindi po namin malilimutan ang bawat sandali ng inyong pamumuno mula sa mga banal na misa, mga formation at recollection, hanggang sa mga simpleng pag-uusap at pagbibigay-gabay sa aming mga programa at adhikain para sa kabataan. Sa inyong mga salita at halimbawa, nakita namin ang tunay na anyo ng pagiging pastol na may pusong bukas sa pakikinig at pag-unawa, lalo na sa aming mga kabataan.
Salamat po sa pagtitiwala ninyo sa amin, sa pagbibigay ng halaga para sa aming paglilingkod, at sa pagbibigay-inspirasyon upang patuloy kaming magsilbi sa simbahan nang may pananampalataya, tapang, at sigasig. Sa bawat tagumpay at pagsubok na hinarap ng aming ministry, nariyan po kayo para sa suporta at panalangin.
Hindi po madali ang magpaalam, ngunit mas nangingibabaw ang aming pasasalamat dahil sa biyayang naging bahagi kayo ng aming paglalakbay bilang kabataan ni Kristo. Dalangin po namin na sa panibagong yugto ng inyong misyon, patuloy kayong samahan at palakasin ng Espiritu Santo.
Mananatili po kayong inspirasyon at bahagi ng aming ministry, at hindi po kayo mawawala sa aming mga panalangin. Muli, mula sa lahat ng kabataan ng Holy Spirit: Maraming, maraming salamat po, Fr. Erik! Mahal po namin kayo. 🕊️💛