06/10/2026
🌱✨Matagumpay nating naisagawa ang Completion Ceremonies ng Project LAWA at BINHI sa HATAKE Farms sa Brgy. Hacienda, Bugallon, Pangasinan noong Hulyo 4, 2026.
Ang presensya ng ating mahal na Mayor Hon. William K. Dy at Congressman Brian Poe Llamanzares ng FPJ Panday Bayanihan Partylist, kasama ang ating mga Sangguniang Bayan Members, mga pinuno ng iba't ibang tanggapan ng pamahalaan, partner agencies, at stakeholders, ay isang napakalaking mensahe para sa aming mga volunteers at partner-beneficiaries—na ang maliliit na pangarap ng komunidad ay naririnig, pinapakinggan, at sinusuportahan.
Noong nagsimula ang HATAKE, simple lamang ang aming pangarap—magtanim ng pagkain, magtanim ng pag-asa, at magtanim ng mga lider ng komunidad. Naniniwala kami na sa panahon ng mataas na presyo ng bilihin, climate change, at mga krisis na kinakaharap ng mundo, ang kakayahang magpatubo ng sariling pagkain ay hindi na lamang isang hobby—ito ay isang mahalagang life skill at hakbang tungo sa disaster resilience at food security.
Hindi naging madali ang paglalakbay na ito.
Maraming beses kaming kumatok sa iba't ibang opisina. Maraming liham ang isinulat. Maraming pinto ang binuksan. Maraming pag-uusap ang sinimulan. At sa bawat taong naniwala sa aming adhikain, unti-unting nabuo ang isang napakalaking bayanihan.
Mula sa isang simpleng community farm, naging isang kilusan ang HATAKE.
Sa ngalan ng buong HATAKE Family, taos-puso kaming nagpapasalamat sa Department of Social Welfare and Development (DSWD Region I) sa pangunguna ni Regional Director Marie Angela S. Gopalan, CESO III, sa pagbibigay ng pagkakataon sa pamamagitan ng Project LAWA at BINHI. Ang programang ito ay hindi lamang nagbigay ng Cash-for-Training at Cash-for-Work—nagbigay ito ng dignidad, pag-asa, kaalaman, at panibagong direksyon sa maraming pamilya.
Maraming salamat din sa Local Government Unit of Bugallon sa pangunguna ni Mayor William K. Dy, na agad naniwala sa proyekto at pinangunahan ang pagbuo ng Technical Working Group upang maisakatuparan ito. Salamat sa ating MSWDO, MDRRMO, Municipal Agriculture Office, MENRO, Municipal Engineering Office, mga Punong Barangay, at lahat ng opisina ng ating LGU na nagbahagi ng oras, tao, kagamitan, pondo, at serbisyo upang maging matagumpay ang proyektong ito.
Lubos din ang aming pasasalamat kay Congressman Brian Poe Llamanzares at sa FPJ Panday Bayanihan Partylist sa kanilang walang sawang suporta sa aming mga adbokasiya. Maraming salamat sa paniniwala ninyo sa grassroots initiatives tulad ng HATAKE at sa pagpapatunay na kapag pinapalakas ang komunidad, mas lumalakas ang buong bayan.
Maraming salamat din sa Department of Agriculture (DA), Agricultural Training Institute (ATI-RTC 1), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Health, Central Pangasinan Hospital and Medical Center, DAR, PhilHealth, ating mga pribadong indibidwal, donors, civil society organizations, volunteers, at lahat ng mga taong naging bahagi ng paglalakbay na ito. Halos lahat ng liham na aming ipinadala ay sinagot ninyo ng malasakit at pagkilos. Habang kami ay nagbi-bridge ng mga partnership, kayo naman ang naging tulay upang mas maraming pangarap ang maisakatuparan
Ngunit ang pinakamalaking pasasalamat ay para sa ating 200 partner-beneficiaries at sa unang tao at pamilya na naniwala sa konsepto ng HATAKE, ang atin pong butihing kababayan na si PMAJ SIR RENATO M. MENDOZA JR. at si Tita MARI LYN MENDOZA and family… Maraming salamat po.
Salamat sa inyong tiwala. Sa inyong mga pawis. Sa inyong sipag. Sa inyong pagtitiyaga. Sa inyong mga ngiti kahit pagod. Sa inyong pagtanggap sa isa't isa bilang isang pamilya.
Sa loob lamang ng ilang linggo, hindi lang mga gulay ang tumubo. Tumubo ang pagkakaibigan. Tumubo ang tiwala. Tumubo ang bagong pag-asa. Tumubo ang paniniwala na kaya pa pala nating baguhin ang ating komunidad kapag sama-sama.
At dito hindi nagtatapos ang ating kwento.
Ang HATAKE ay hindi isang 20-day project.
Isa lamang itong simula.
Patuloy nating aalagaan ang mga tanim. Patuloy nating bubuhayin ang mga lawa. Patuloy nating bubuksan ang HATAKE bilang tahanan ng kabataan, senior citizens, kababaihan, mga pamilya, at lahat ng gustong maging bahagi ng pagbabago.
Nawa'y hindi natin makalimutan ang pakiramdam na naramdaman natin sa HATAKE—na kapag nagsama-sama ang pamahalaan, pribadong sektor, mga organisasyon, at ordinaryong mamamayan, wala talagang imposibleng mangyari.
Marami pa tayong itatanim.
Marami pa tayong aalagaan.
Marami pa tayong buhay na mababago.
Sama-sama nating itanim ang pag-asa. Sama-sama nating anihin ang mas matatag, mas masagana, at mas makataong Bugallon. 🌱💚