12/01/2026
Ang Huling Palakpak para sa Alamat ng Bombon
Sa bawat kasalan, pyesta, at pagtitipon sa Bombon, tila may nakabibinging katahimikan ang papalit sa dating masiglang entablado. Wala na ang pamilyar at dadagundong na boses na sumisigaw ng "Kinamot na, Benitez pa!" at ang masayahing hamon na "Wala ba kayong mga kamay?" Si Kons Harry Benitez, ang tinaguriang legendary events host at "household name" ng bayan, ay tuluyan nang binitiwan ang kanyang mikropono. Higit pa sa pagiging isang tagapagdaloy ng programa, ang kanyang presensya ay naging bahagi na ng kultura; hindi kumpleto ang okasyon kung wala ang kanyang tatak ng kasiyahan na bumuhay sa napakaraming espesyal na araw ng mga taga-Bombon.
Sa likod ng masiglang pananalita ay isang pusong hindi napagod sa pagseserbisyo, mula sa LGU, sa simbahan, hanggang sa Barangay San Antonio. Tandang-tanda pa ang kanyang dedikasyon, na kahit nitong nakaraang Disyembre ay kaya niyang tawirin ang tatlong kasalan sa isang araw, laging handang sumalo ng responsibilidad, at laging "go" saanman siya kailanganin, may bayad man o wala. Madalas na nag-aalala ang mga kaibigan sa kanyang kawalan ng pahinga, ngunit para kay Kons Harry, ang paglilingkod ay hindi trabaho kundi isang tawag ng tungkulin na kanyang ginagampanan nang may ngiti at walang pag-iimbot.
Ngayon, ang host na walang kapaguran ay binigyan na ng walang hanggang kapahingahan. Marahil sa langit ay "quota" na siya sa dami ng kabutihang kanyang naibahagi at sa dami ng pamilyang kanyang napasaya. Ang maiiwan sa atin ay ang kanyang dakilang halimbawa ng pagpapakumbaba, pagiging matulungin, at ang kanyang diwa na laging abante sa laban ng buhay. Paalam at salamat, Kons Harry; sa huling pagkakataon, ang aming masigabong palakpak at pagmamahal ay para sa iyo.
Maraming Salamat po sa serbisyo, pagmamahal, at walang sawang pagbibigay ng ngiti sa aming mga labi, Konsi Harry ๐๐ซก