31/08/2026
𝐉𝐀𝐍 𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐎 𝐒𝐀 𝐓𝐔𝐋𝐀𝐘 | 𝘝𝘰𝘭𝘶𝘮𝘦 3. 𝘈𝘳𝘵𝘪𝘤𝘭𝘦 7
“𝑆𝑎 𝑚𝑎𝑘𝑎𝑏𝑎𝑔𝑜𝑛𝑔 𝑝𝑎𝑛𝑎ℎ𝑜𝑛 𝑛𝑔 𝐴𝑟𝑡𝑖𝑓𝑖𝑐𝑖𝑎𝑙 𝐼𝑛𝑡𝑒𝑙𝑙𝑖𝑔𝑒𝑛𝑐𝑒, 𝑙𝑎𝑙𝑜𝑛𝑔 𝑛𝑎𝑔𝑖𝑛𝑔 𝑚𝑎ℎ𝑎𝑙𝑎𝑔𝑎 𝑎𝑛𝑔 𝑤𝑖𝑘𝑎𝑛𝑔 𝐹𝑖𝑙𝑖𝑙𝑖𝑛𝑜 𝑏𝑖𝑙𝑎𝑛𝑔 𝑡𝑢𝑙𝑎𝑦 𝑛𝑔 𝑘𝑎𝑎𝑙𝑎𝑚𝑎𝑛, 𝑠𝑎𝑙𝑖𝑘𝑠𝑖𝑘 𝑎𝑡 𝑖𝑛𝑘𝑙𝑢𝑠𝑖𝑏𝑜𝑛𝑔 𝑝𝑎𝑔-𝑢𝑛𝑙𝑎𝑑.” - 𝐴𝑡𝑡𝑦. 𝑀𝑎𝑟𝑖𝑡𝑒𝑠 𝐸. 𝐵𝑎𝑟𝑟𝑖𝑜𝑠-𝑇𝑎𝑟𝑎𝑛
"𝘉𝘢𝘺𝘢𝘥 𝘱𝘰." Isang kamay ang nag-abot ng baryang ilang ulit nang nagpalipat-lipat sa pagitan ng mga pasahero. Sa harap, patuloy ang ugong ng makina. Sa gilid, nagsisiksikan ang mga balikat, bag, kuwaderno, at mga kuwentong hindi magkakakilala. Sa bawat paghinto, may bumababa. Sa bawat pag-usad, may sumasakay. Hanggang sa may isang tinig na maririnig sa gitna ng ingay — “𝘋𝘪𝘺𝘢𝘯 𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘰 𝘴𝘢 𝘵𝘶𝘭𝘢𝘺.” 𝗣𝗮𝗺𝗶𝗹𝘆𝗮𝗿. 𝗣𝗮𝘆𝗮𝗸. 𝗞𝗮𝗿𝗮𝗻𝗶𝘄𝗮𝗻. Ngunit marahil, tulad ng maraming salitang araw-araw nating binibigkas, hindi natin napapansin na may buhay na nakatago sa likod nito.
Marahil, nakasanayan na nating isipin na ang Dyip ay isang simpleng sasakyan lamang. Isa rin itong maliit na larawan ng ating buhay. May mga araw na tayo ang pasaherong nagmamadali — hawak ang pangarap na kailangang maabutan bago tuluyang umalis ang pagkakataon. May mga araw namang nakaupo lamang tayo sa gilid, tahimik na pinagmamasdan ang mga kalsadang hindi natin alam kung saan tutungo. May mga kasabay tayong ilang minuto lamang makikilala, at may ilan namang mananatili hanggang sa huling kanto. At may mga pagkakataong, tulad ng isang pasaherong napagod sa mahabang biyahe, kailangan nating magsabi: “𝘋𝘪𝘺𝘢𝘯 𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘰 𝘴𝘢 𝘵𝘶𝘭𝘢𝘺.”
May mga biyaheng ang hinahanap ay 𝙙𝙚𝙨𝙩𝙞𝙣𝙖𝙨𝙮𝙤𝙣, at may mga biyaheng ang hinahanap ay 𝙠𝙖𝙨𝙖𝙜𝙪𝙩𝙖𝙣. Sa pananaliksik, impormasyon ang daan at 𝘼𝙄 ang isa sa mga kasangkapang tumutulong sa atin na makarating sa tamang sagot. Ganiyan din ang mundo ng impormasyon. Sa isang pindot lamang, tila napakaraming daan ang maaaring tahakin. Isang tanong sa 𝘴𝘦𝘢𝘳𝘤𝘩 𝘦𝘯𝘨𝘪𝘯𝘦, isang 𝘬𝘦𝘺𝘸𝘰𝘳𝘥 sa 𝘥𝘢𝘵𝘢𝘣𝘢𝘴𝘦, isang 𝘱𝘳𝘰𝘮𝘱𝘵 sa 𝘢𝘳𝘵𝘪𝘱𝘪𝘴𝘺𝘢𝘭 na 𝘪𝘯𝘵𝘦𝘭𝘪𝘩𝘦𝘯𝘴𝘪𝘺𝘢 — at biglang bumubukas ang napakaraming pinto patungo sa impormasyon.
Dito pumapasok ang wika. Sa tema ng 𝘽𝙪𝙬𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙒𝙞𝙠𝙖 na “𝙒𝙞𝙠𝙖𝙣𝙜 𝙁𝙞𝙡𝙞𝙥𝙞𝙣𝙤 𝙖𝙩 𝘼𝙄: 𝙆𝙖𝙨𝙖𝙣𝙜𝙠𝙖𝙥𝙖𝙣 𝙨𝙖 𝙋𝙖𝙣𝙖𝙣𝙖𝙡𝙞𝙠𝙨𝙞𝙠 𝙖𝙩 𝙏𝙪𝙡𝙖𝙮 𝙨𝙖 𝙔𝙖𝙢𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙄𝙢𝙥𝙤𝙧𝙢𝙖𝙨𝙮𝙤𝙣,” ipinapaalala sa atin na ang wika ay hindi lamang ginagamit upang makipag-usap. Ito ay ginagamit upang 𝘮𝘢𝘨𝘵𝘢𝘯𝘰𝘯𝘨, 𝘮𝘢𝘨𝘴𝘶𝘳𝘪, 𝘮𝘢𝘨𝘩𝘢𝘯𝘢𝘱, at 𝘶𝘮𝘶𝘯𝘢𝘸𝘢. Sa panahong kayang magbigay ng sagot ng 𝘈𝘳𝘵𝘪𝘱𝘪𝘴𝘺𝘢𝘭 na 𝘬𝘢𝘵𝘢𝘭𝘪𝘯𝘶𝘩𝘢𝘯 sa loob lamang ng ilang segundo, lalong nagiging mahalaga ang kakayahan nating gamitin ang sariling wika upang makipag-ugnayan sa teknolohiya. Maaaring magsilbing katuwang ang 𝘈𝘐 sa pananaliksik — maaari nitong tulungan ang isang mag-aaral na maghanap ng ideya, magpaliwanag ng konsepto, mag-organisa ng impormasyon, o magbukas ng mga bagong direksiyong maaaring tuklasin.
Ngunit ang 𝘈𝘐 ay parang 𝘥𝘺𝘪𝘱 na maaari tayong ihatid sa iba't ibang lugar. Hindi ito ang mismong destinasyon. Tayo pa rin ang pipili kung saan pupunta. Tayo ang magtatanong. Tayo ang magsusuri. Tayo ang magpapatunay. At higit sa lahat, tayo ang mananagot sa impormasyong ating gagamitin at ipapasa sa iba. Dahil kahit gaano kabilis ang teknolohiya, hindi nito mapapalitan ang kritikal na pag-iisip ng taong marunong kumilatis. Sa dyip, maaaring makarating tayo nang mabilis sa isang lugar, ngunit kung maling ruta ang ating nasakyan, lalo lamang tayong mapapalayo sa dapat nating puntahan. Gayundin sa pananaliksik: maaaring mabilis ang sagot, ngunit hindi nangangahulugang tama ito.
Dito nagiging mahalaga ang tulay sa Wikang Filipino. Ang wikang pinakamalapit sa ating karanasan, mas malinaw nating naipapahayag ang mga tanong na may kaugnayan sa ating komunidad, kultura, kasaysayan, at pagkakakilanlan. Sa paggamit nito, hindi lamang tayo kumukuha ng impormasyon mula sa malawak na mundo — nakapag-aambag din tayo ng sarili nating kaalaman dito. Ang mga kuwentong nagmumula sa ating mga tahanan, paaralan, komunidad, at kultura ay bahagi rin ng yaman ng impormasyon na dapat mai-preserba, maunawaan, at maipasa sa susunod na salinlahi.
Mahalaga ang tulay sapagkat ito ang daang nagdurugtong sa magkabilang daan. Ganoon din ang 𝘸𝘪𝘬𝘢 at 𝘈𝘐 — na nag-uugnay sa atin sa malawak na mundo ng kaalaman. Ang Wikang Filipino ang daan upang maipahayag ang ating karanasan at pananaw, habang ang Artipisyal na katalinuhan ay katuwang sa paghahanap ng impormasyon. Ngunit ang tunay na halaga ng mga ito ay nakasalalay sa responsable at wastong paggamit. Maaaring ituro ng teknolohiya ang daan, ngunit tayo pa rin ang kailangang tumawid.
Darating ang oras na kailangan nating bumaba. Hindi dahil tapos na ang lahat, kundi dahil may panibagong daang kailangang tahakin. Marahil, iyon ang pinakamagandang aral na maibibigay ng isang simpleng pagsakay sa Dyip: ang buhay ay hindi tungkol sa kung gaano kabilis tayong makarating. Ito ay tungkol sa mga tanong na tinanong natin habang naglalakbay, sa mga taong nakasabay natin, sa mga kuwentong narinig natin, at sa mga kaalamang dinala natin pagdating sa ating destinasyon.
Kaya sa susunod na marinig natin ang “Jan lang po sa tulay,” huwag lamang natin itong isipin bilang hudyat ng pagbaba. Isipin natin itong paalala — na sa bawat paghinto, may pagkakataong magnilay; sa bawat pagtawid, may bagong mundong maaaring matuklasan; sa bawat salita, may kaalamang maaaring maipasa; at sa bawat tanong, may daang maaaring mabuksan. Sapagkat sa mundong pinapabilis ng artipisyal na intelihensiya ang paglalakbay patungo sa impormasyon, ang wikang Filipino ang nagpapaalala kung sino tayo habang tayo ay naglalakbay.
𝑆𝑎 𝑠𝑎𝑛𝑑𝑎𝑙𝑖𝑛𝑔 𝑠𝑎𝑏𝑖ℎ𝑖𝑛 𝑛𝑎𝑡𝑖𝑛, “𝐽𝑎𝑛 𝑙𝑎𝑛𝑔 𝑝𝑜 𝑠𝑎 𝑡𝑢𝑙𝑎𝑦,” 𝑛𝑎𝑤𝑎’𝑦 ℎ𝑖𝑛𝑑𝑖 𝑙𝑎𝑚𝑎𝑛𝑔 𝑡𝑎𝑦𝑜 𝑏𝑢𝑚𝑎𝑏𝑎 𝑑𝑎𝑙𝑎 𝑎𝑛𝑔 𝑚𝑔𝑎 𝑠𝑎𝑔𝑜𝑡, 𝑘𝑢𝑛𝑑𝑖 𝑝𝑎𝑡𝑖 𝑎𝑛𝑔 𝑘𝑎𝑎𝑙𝑎𝑚𝑎𝑛𝑔 𝑛𝑎𝑠𝑢𝑟𝑖, 𝑘𝑎𝑟𝑎𝑛𝑎𝑠𝑎𝑛𝑔 ℎ𝑢𝑚𝑢𝑏𝑜𝑔 𝑠𝑎 𝑎𝑡𝑖𝑛, 𝑎𝑡 𝑤𝑖𝑘𝑎𝑛𝑔 𝑝𝑎𝑡𝑢𝑙𝑜𝑦 𝑛𝑎 𝑛𝑎𝑏𝑢𝑏𝑢ℎ𝑎𝑦 𝑠𝑎 𝑎𝑡𝑖𝑛. Sapagkat ang tulay ay hindi lamang lugar ng paghinto, kundi paalala na sa bawat pagtawid, may bagong yugto tayong haharapin. Sa bawat “bayad po,” “para po,” at “salamat po,” nabubuo ang ugnayang naglalapit sa atin bilang mga Pilipino. Marahil, ang “Jan lang po sa tulay” ay hindi lamang pahayag ng isang pasaherong nais bumaba, kundi paalala na ang wika at AI ay magkabilang dulo ng tulay na nag-uugnay sa atin sa mas malawak na kaalaman. Sa pagtawid sa pagitan ng dalawa, nagiging mas masusi ang ating pananaliksik — sapagkat ang wika ang nagbibigay-konteksto at kahulugan, habang ang AI ay kasangkapang tumutulong sa paghahanap, pagsusuri, at pag-unawa sa impormasyon. Sa bawat pagtawid, hindi lamang tayo nakararating sa sagot; natututo rin tayong suriin kung alin ang tama, makabuluhan, at karapat-dapat baunin sa susunod nating paglalakbay.
Article by G. Johann Dan C. Sabelo
Article Arrangement: Publication Committee
Layout: Social Media Committee